Cofradia delos Camareros de Cuaresma en Dampol

Cofradia delos Camareros de Cuaresma en Dampol The Official page of Cofradia

20/03/2024

Santa Maria Cleofe/Jacobe

Kapistahan din ni Sta. Maria Jacobe tuwing ika-24 ng Abril. Ito ang imahen ni Sta. Maria Cleofe sa anyo bilang Ina ni Jacob, o Santiago sa Griyego.

Iisa lamang si Sta. Maria Cleofe at Sta. Maria Jacobe. Sa huling salin ng Martyrologium Romanum noong 2004 ay itinama ang sipi kay Maria Cleofe "En Jerusalén, conmemoración de las santas mujeres María de Cleofás y Salomé, que, junto con Maria Magdalena, muy de mañana del día de Pascua se dirigieron al sepulcro del Señor para ungir su cuerpo y recibieron el primer anuncio de la Resurrección." Kaugnay nito, noong 2012 ay nilinaw ng St. John the Baptist Parish ng Taytay, Rizal ang naturang paksa sa CBCP Episcopal Commision on the Liturgy; at sila ay tinugunan na iisang tao lamang ang mga nabanggit–si Santa Maria na Asawa ni Cleopas at Ina ni Jacob.

Sa mga aklat (Juan. 19:25, Mateo, 27:56, Marcos 15:40) ay isa siya sa mga hindi umalis sa paanan ng krus ng Panginoon. Kilala ring banal na kababaihan na nagtungo sa libingan ni Jesu-Kristo, kinaumagahan ng Pasko ng Pagkabuhay upang pahiran ang kanyang katawan at natanggap ang unang anunsyo ng Pagkabuhay na Mag-uli.

Tampok sa larawan ang imahen ni Sta. Maria Jacobe na nasa pangangalaga ng Sub Parish Pastoral Council ng Brgy Rueda at ni Gng. Dada Enriquez at Pamilya. Hawak ng imahen incensario at lalagyan ng insenso na ginamit sa pglilibing sa ating Panginoon. Ang unang salida nito sa prusisyon ay taong 2015.




19/03/2024

Santa Maria Salome

Ang ika-24 ng Abril ay taunang pagdiriwang ng kapistahan ni Sta. Maria Salome, asawa ni Zebedeo, Ina ni San Juan Apostol at Santiago Mayor Apostol.

Sa Martirologio Romano ng Simbahang Katolika ay mababasa ang: “En Jerusalén, conmemoración de las santas mujeres María de Cleofás y Salomé, que, junto con María Magdalena, muy de mañana del día de Pascua se dirigieron al sepulcro del Señor para ungir su cuerpo y recibieron el primer anuncio de la Resurrección.”

Sa mga aklat (Mateo 27:56, Marcos 15:40-41) ay isa siya sa mga hindi umalis sa paanan ng krus ng Panginoon. Kilala ring banal na kababaihan na nagtungo sa libingan ni Jesu-Kristo, kinaumagahan ng Pasko ng Pagkabuhay upang pahiran ang kanyang katawan at natanggap ang unang anunsyo ng Pagkabuhay na Mag-uli.

Tampok sa larawan ang imahen ni Sta. Maria Salome, sa pangangangalaga ng Sub Parish Pastoral Council ng Lugam Look Primero at sa kasalukuyang Hermana Gng. Roselle Anghis at Pamilya. Hawak ng imahen ay walis bilang simbolo ng paglilinis sa paglilibingan kay Jesu-Kristo. Ang unang salida nito sa prusisyon ay taong 2015.




14/03/2024

Santa Juana de Cuza

Sta. Juana ni Cusa, ang kanyang kapistahan ay tuwing Mayo 24. Siya ang butihing asawa ni Cusa na tagapamahala ng sambahayan ni Herodes Antipas.

Sa talaan ng mga Santo o Martirologio Romano ay mababasa ang: “También conmemoración de la beata Juana, esposa de Cusa, procurador de Herodes, que junto con otras mujeres servía a Jesús y a los apóstoles con sus recursos, y en el día de la Resurrección del Señor encontró removida la losa del sepulcro y lo anunció a los discípulos."

Karapat-dapat na tawaging Santa ang abang lingkod ni Jesu-Kristo dahil ito rin ang nakasaad sa mababasa sa lumang sipi ng The Roman Martyrology 1914 (p.431). Kaugnay nito, ang salitang ‘blessed’ (p151) ay ginamit bilang pang-uri na naglalarawan sa katangian niya. Ayon sa tradisyon, sa Acta Sanctorum 1658 ay dalawang beses siyang tinawag na Santa: "Sancta Joanna, uxor Chusæ, Hierosolymis" at "De Sancta Ioanna, Vxore Chvsae Hierosolymis."

Makikita sa aklat nina San Lucas (8:2-3, 24:10) na siya ay isa sa mga pinagaling ng Panginoon mula sa masasamang espiritu at sa mga sakit. Nagkaloob siya ng mga ari-arian para sa ministeryo ni Jesu-Kristo at mga aposotol. Bukod pa rito, isa siya sa mga kababaihang nakasaksi ng pagkamatay ng Panginoon hanggang sa Muling Pagkabuhay. Kasama niya sina Maria Magdalena at Maria Cleofe na nagbalita sa mga apostol ukol sa misteryo ng pangyayari sa libingan.

Tampok sa larawan ang imahen ni Sta. Juana ni Cusa sa pangangangalaga ng Sub Parish Pastoral Council ng Dampol at sa kasalukuyang Hermana Gng. Naty Villena. Hawak ng imahen ay ang sisidlan ng kanyang yaman na tumustos sa ating Panginoon Hesukristo. Ang unang salida nito sa prusisyon ay taong 2015.




12/03/2024

Santa Marta de Betania

Tuwing Hulyo 29 ay kapistahan ni Sta. Marta ng Betania at kanyang mga kapatid na sina San Lazaro at Sta. Maria.

Sa Martirologio Romano o talaan ng mga Santo ng Simbahang Katolika ay mababasa ang: “Memoria de santa Marta, que recibió en su casa de Betania, cerca de Jerusalén, a Jesús, el Señor, y mu**to su hermano Lázaro, proclamó: Tú eres el Cristo, el Hijo de Dios vivo, que has venido al mundo.”

Ayon kay Apostol Juan (11:5), mahal ni Jesu-Kristo ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Madalas pumunta ang Panginoon sa kanilang tahanan habang naglalakbay at nangangaral. Minsang nagtungo si Jesu-Kristo sa kanilang tahanan ay pinili ni Sta. Marta ma mag-abala kaysa sa makinig. Kaugnay nito, sinabihan siyang “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, at hinikayat ni Hesus na kanyang tularan ang kapatid na makinig sa Kanya.” (Lukas 10:41). Nang muling binuhay ng Panginoon si Lazaro, siya ay isa sa mga pangunahing saksi sa naturang himala.

Taong 1969, pagkatapos ng Second Ecumenical Council of the Vatican ay idinagdag sa kapistahan ni Sta. Marta ang mga kapatid na sina San Lazaro at Sta. Maria. Kinilala ang kanilang kabanalan bilang magkakapatid at disipulo ng Panginoon. Pagsapit ng 2021, mula sa Martirologio Romano ay idinagdag ni Pope Francis ang kanilang kapistahan sa General Roman Calendar upang higit na alalahanin ng kabuuan ng Simbahang Katolika.

Tampok sa larawan ang imahen ni Santa Marta ng Betania sa pangangangalaga ng Sub Parish Pastoral Council ng Sipat Itaas. Unang nagsalida ang Santa noong taong 2015.




11/03/2024

Santa Maria ng Betania

Sta. Maria ng Betania. Tuwing Hulyo 29 ay kapistahan ng abang Santa at mga kapatid niya na sina Sta. Marta at San Lazaro.

Mababasa sa talaan ng mga Santo ng Simbahang Katolika o Martirologio Romano ang: “Conmemoración de los santos Lázaro, hermano de santa Marta, a quien lloró el Señor al enterarse de que había mu**to, y al que resucitó, y María, su hermana, la cual, mientras Marta se ocupaba inquieta y nerviosa en preparar todo lo necesario, ella, sentada a los pies del Señor, escuchaba sus palabras.”

Binanggit sa aklat ni San Lucas (10:38-41) ang pagdalaw ni Jesu-Kristo sa Betania kung saan pinuri si Sta. Maria dahil pinili nitong makinig sa Kanyang mga pangaral kaysa maging abala sa paghahanda ng tahanan. Sa salaysay ni Apostol Juan (12:1-10), muling dumalaw si Jesu-Kristo sa Betania ay nagsalu-salo sila, at nagbuhos si Sta. Maria ng pabangong nardo sa paanan ng Panginoon. Kasunod nito ay pinunasan niya ang mga paa ng maestro na gamit ang kanyang buhok. Sinita siya ni Hudas sa diumano'y pagsasayang ngunit pinayagan ni Jesu-Kristo bilang handog at tanda ng napipinto niyang paglilibing.

Sa kabilang banda, si Sta. Maria ng Betania at Sta. Maria Magdalena ay magkaibang tao. Ito ay mababasang ipinaliwanag ng Simbahang Katolika sa Ex Decreto Santosancti (1969) kung saan partikular na sinabing: “S. Mariae Magdalenae... In liturgia romana instaurata iam non habebitur memoria Mariae de Bethania neque mulieris peccatricis de qua agitur in Lc, 36-50.” (p.97-98) at “S. Mariae Magdalenae... non vero de sorore S. Marthae neque de peccatrice dui Dominis remisit peccata.” (p.131) Kaugnay nito, ang ilang bahagi sa Pasyon ni Jesucristong Panginoon ay kailangang itama dahil ang tagpo ng pagbubuhos ng pabango ni Sta. Maria Magdalena ay ginampanan ni Sta. Maria ng Betania.

Taong 1969, pagkatapos ng Second Ecumenical Council of the Vatican ay kinilala ang kanyang kabanalan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kapistahan–kasama ang mga kapatid niyang sina Sta. Marta at San Lazaro. Pagsapit ng 2021, mula sa Martirologio Romano ay idinagdag ni Pope Francis ang kanilang kapistahan sa General Roman Calendar upang higit na alalahanin ng kabuuan ng Simbahang Katolika.

Tampok sa larawan ang imahen ni Santa. Maria ng Betania sa pangangangalaga ng Pamilya Camua ng Brgy. Sipat Ibaba. Hawak ng Santa ang sisidlang alabastro para sa pabango at kanyang buhok bilang simbolo ng kanyang paghahandog sa Panginoon. Unang sumalida ang Santa noong taong 2015




11/03/2024
09/03/2024

Santa Maria Ina ni Juan Marcos Evangelista

Sta. Maria ni Juan Marcos, ang kanyang kapistahan ay tuwing Hunyo 29. Ina ni San Marcos Evangelista, at isa sa mga kababaihang disipulo ni Jesu-Kristo.

Sa talaan ng mga Santo o Martyrologii Romani (1847, 1916) ay mababasa ang: “In Cypro, sancte Maria matris Joannis, qui cognominatus est Marcus.” Sa salitang Filipino ay: “Sa Chipre, Santa Maria na ina ni Juan, na may titulong Marcos.” Kaugnay nito, makikita sa aklat ng mga Gawa (12:11-12) na binanggit siya ng may pagpapahalaga–nang makawala si San Pedro sa kulungan, at nang siya'y makapagnilay na, naparoon ang apostol sa bahay ni Maria ni Juan Marcos. Ang naturang tahanan ay kinaroroonan ng maraming pagtitipon at nagsisipanalangin.

Ayon sa tradisyon, sinabi sa Acta Sanctorum (p.436) na: “eo etiam titulo, quod ibi putetur fuisse cenaculum, in quo Christus ultimam caenam celebravit, et Apostoli Spiritum sanctum acceperunt.” Ibig sabihin nito, sa tahanan ni Sta. Maria ni Juan Marcos idinaos ang huling hapunan, at kaganapan ng Pentecostes.

Sa isang pagsusulatan at pakikipagugnayan (Enriquez, 2021) sa "Congregation for the Causes of Saints" ng Simbahang Katolika, sinabi nito na maaring idambana at dasalan ang imahen ng naturang Santa kahit sa lumang sipi ng Martyrologii Romani nakalagay ang araw ng kapistahan. Ayon sa naturang sangay ng Simabahan: "Pregate pure, certamente... Venerare e Pregate."

Tampok sa larawan ang imahen ni Sta. Maria ni Juan Marcos sa pangangangalaga ng Pamilya Valerio ng Brgy. Dampol. Hawak ng imahen ay kalis bilang simbolo sa sinasabi ng tradisyon ng kanyang pagsisilbi sa Huling Hapunan; at susi ng tahanan bilang ilustrasyon na ang kanyang tahanan ay lugar ng pananalangin.




07/03/2024

Santa Veronica

Sta. Veronica, popular dahil sa pagpunas niya sa duguang mukha ng Panginoon.

Kinikilala at idinadambana siya ng Simbahang Katolika hango sa ika-anim na estasyon ng Via Crucis na nagsimula noong 1600s, bagama't hindi makikita sa alinmang salin ng Martirologio Romano. Kasunod nito ay iniluklok at ginawang bahagi ng St. Peter's Basilica ang kanyang imahen mula sa pag-uukit ni Francesco Mochi noong 1629.

Higit siyang nakilala dahil sa masidhing pagpapalaganap ng estasyon ng krus na pinangunahan ni Saint Leonard of Port Maurice (1676-1751). Paglaon, ang mga estasyon ay pinayagan ni Pope Innocent XI noong 1686 bilang debosyon sa Jerusalem. Pagsapit ng 1731 ay ipinagtibay ni Pope Clement XII ang labing-apat na estasyon at pinayagan na isagawa sa labas ng Israel.

Ang tradisyunal niyang kapistahan tuwing Hulyo 12 ay maaring mula sa Ad Acta Sanctorum (Suplementum 1875, p124) kung saan mababasa ang "Hæmorrhoissa nomine, ut volunt, Veronica..." Samantala, ang salaysay tungkol sa Tatlong Mukha ng Panginoon sa birang ni Sta. Veronica ay makikita sa Casaysayan ng Pasiong Mahal ng Jesucristong Panginoon Natin (1891) kung saan ang sipi ay: “Natiticlop na talastas, yaong birang na mapalad sa guilid licod at harap cun ilaylay at iladlad tatlong mucha,i, nahahayag.”

Ayon sa matandang tradisyon ng Simbahan, ang pangalan ng Santa ay hango sa mga salitang Latin na Vera at Griyegong Eikon na ang kahulugan ay tunay na larawan.

Tampok sa larawan ang imahen ni Santa Veronica sa pangangalaga ng Sub Parish Pastoral Council ng Sipat Ibaba. Hawak niya ang birang na sagisag ng kanyang pakikibahagi sa Pasyon ng Panginoong Jesu-Kristo. Ang unang salida ng imahen sa prusisyon ay noong 2015.




06/03/2024

Jesus Nazareno

IKALAWANG ORAS NG BIYERNES SANTO. Nasaan ka ngayon? Patuloy ang kaguluhan sa labas. Nakahanap ka na ba ng pwesto sa dadaanan ng Panginoon? Sa sanaysay ni San Mateo (27:31) ay sinabing: “Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus.”

Sa ikalawang oras ng Biyernes Santo o alas-otso ng umaga ay nagsimulang maglakad ang Panginoong Jesu-Kristo patungo sa Golgota. Pagod na pagod ang kanyang katawan. Animo’y namamalimos ng pahinga para sa sariling katawan. Pilit kinakaya ang hapdi ng mga sukat sa katawan. Tiniis ang bigat ng krus. Walang nagtatanggol sa kanya ng tahasan. Naganap na ang daan ng krus.

Tampok sa larawan ang Imahen ng Hesus Nazareno na nasa pangangalaga ng Pamilya Del Rosario ng Brgy. Dampol. Ito ay unang nagsalida sa ating Parokya taong 199’s




05/03/2024

Señor Jesus de la Pacencia

UMAGA NG BIYERNES SANTO. Kagigising mo lang? Nabalitaan mo na bang nagkakagulo? Ganitong oras noon ay sumabog ang balita na si Jesu-Kristo ay dinala sa sala ni Pilato. Pagod na pagod ang Panginoong Jesu-Kristo. Wala pang maayos na tulog at mabigat ang katawan. Ayon sa tradisyon, simula nang sumikat ang araw hangang ika-8 ng umaga ay nangyari ang unang pagkikita Niya kay Pilato hanggang sa kanyang paghatol.

Nang marinig ni Poncio Pilato ang inis ng mga Hudyo, siya ay muling pumasok sa palasyo, at kinausap si Hesukristo. Ngunit hindi siya sumasagot at umimik. Nagsikap ang gobernador na siya ay pakawalan, pero ang mga tao ay nagsisigawan. Muling inilabas ang Panginoon at inupo sa Gabbatha. Kapagkuwan ay natunghayan siya na puňo ng pagtitiis at pasensiya.

Tampok sa larawan ang “Señor Jesus de la Pacencia” na nasa pangangalaga nina G. Alberto at Gng. Patricia Santiago, at kanilang pamilya ng Brgy. Look 1st. Noong 2023 ang unang salida ng mga imahen sa prusisyon ng nga Mahal na Araw.




05/03/2024

ANG DAAN NG KRUS

Ikalabing-apat na Istasyon | Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus

N: O Hesus, aming manunubos, sinasamba Ka namin at pinapupurihan
B: Sapagkat sa'Yong paghihirap at kamatayan sa Krus iniligtas Mo ang sandaigdigan.

PAGBASA | Mateo 25:1-6
Umagang–umaga nang araw ng Linggo, ang mga babae’y nagtungo sa libingan, dala ang mga pabangong inihanda nila. Nang dumating sila, naratnan nilang naigulong na ang batong nakatakip sa pintuan ng libingan. Ngunit nang pumasok sila, wala ang bangkay ng Panginoong Jesus. Samantalang nagugulo ang kanilang isip tungkol dito, nakita nila’t sukat sa tabi nila ang dalawang lalaking nakasisilaw ang damit. Dahil sa matinding takot, sila’y lumuhod, sayad ang mukha sa lupa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala na Siya rito, Siya’y muling nabuhay!” Alalahanin ninyo ang sinabi niya noong nasa Galilea pa siya: “Ang Anak ng Tao ay kailangang maipagkanulo sa mga makasalanan at maipako sa Krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.”

PAGNINILAY:
Ang muling pagkabuhay ng Panginoon ay isang hamon para sa atin na bumangon mula sa libingan ng kasalanan tungo sa buhay ng pagpapala. Ang muling pagkabuhay ay buod ng pananampalatayang Kristiyano. Ito ang palatandaan ng pagpapakita ng katapatan ng Diyos, na siyang kaganapan ng kanyang pangako. Ang ating pananalig kay Hesus na namatay at muling nabuhay ang ating kasiyahan at lakas ng Diyos laban sa kasalanan at kamatayan. Hindi siya nabigo. Sa ikatlong araw na pagkalibing ay muling nabuhay si Hesus. Sa kanyang pagpapakita sa Inang si Maria, sa araw ng Pasko ng Pagkabuhay, ipinadama ni Hesus sa kanya ang ligaya at tagumpay ng kanyang pagkabuhay.

PANALANGIN:
Basbasan Mo Ama, ang mga naglilingkod sa Iyong Simbahan - ang mga Obispo, mga Pari, Madre, Laiko at marami pang iba na kaagapay sa gawaing pansimbahan. Nawa’y maging instrumento ang mga kaparian at mga relihiyoso sa pagpapalago ng pananampalataya. Mangibabaw sa lahat ang pag-ibig sa kapwa, pakikipagkaisa sa mga dukha at sakripisyo na maibalik ang mga nawawalay sa Simbahan. Matuto nawa nilang talikuran ang karangyaan alang-alang sa paglilingkod. Hinihiling namin ang lahat ng ito sa ngalan ni Hesukristo na nabubuhay kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang-hanggan. Amen.


04/03/2024

Jesus El Cautivo

GABI NG HUWEBES SANTO. Sa pagninilay ng pagdakip, hindi sumalungat si Jesu-Kristo sa takda ng mga kaganapan. Ayon sa ebanghelyo ni San Mateo “Ngunit ang lahat ng ito ay nangyari upang matupad ang mga sulat ng mga propeta. Nang magkagayon, iniwan Siya ng mga alagad at sila ay tumakas.”

Tampok sa larawan ang “Jesús Cautivo” na nasa pangangalaga ni G. Kim Flameño at kanilang pamilya. Noong 2023 ang unang salida ng mga imahen sa prusisyon ng nga Mahal na Araw.




Address

Dampol, Bulacan
Plaridel

Website

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Cofradia delos Camareros de Cuaresma en Dampol posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Share