04/09/2022
4 Setyembre
KAPISTAHAN NG NUESTRA SEÑORA DE LA
CONSOLACION Y CORREA
La Gran Madre y Reina al Pueblo de Paombong
CORONILLA NG NUESTRA SEÑORA DE LA CONSOLACION Y CORREA
Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.
Matapos ang bawat artikulo ng Credo ay magkakaroon ng maikling pagninilay o sandaling katahimikan at susundan ito ng pagdarasal ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria.
1. Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa.
Ama Namin at Aba Ginoong Maria
2. Sumasampalataya ako kay Hesukristong, Iisang Anak ng Diyos, Panginoong nating lahat.
Ama Namin at Aba Ginoong Maria
3. Ipinaglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ipinanganak ni Santa Mariang Birhen.
Ama Namin at Aba Ginoong Maria
4. Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing.
Ama Namin at Aba Ginoong Maria
5. Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao at nang may ikatlong araw nabuhay na mag-uli.
Ama Namin at Aba Ginoong Maria
6. Umakyat sa langit, at naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.
Ama Namin at Aba Ginoong Maria
7. Doon nagmumulang paririto at huhukom sa nangabubuhay at nangamamatay na tao.
Ama Namin at Aba Ginoong Maria
8. Sumasamplataya ako sa Diyos Espiritu Santo.
Ama Namin at Aba Ginoong Maria
9. Sumasampalataya ako sa Banal na Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga banal.
Ama Namin at Aba Ginoong Maria
10. Sumasampalataya ako sa kapatawaran ng mga kasalanan.
Ama Namin at Aba Ginoong Maria
11. Sumasampalataya ako sa pagkabuhay na mag-uli ng mga nangamatay na tao.
Ama Namin at Aba Ginoong Maria
12. Suamsamplataya ako sa buhay na walang hanggan.
Ama Namin at Aba Ginoong Maria
(Ang huling Ama Namin at Aba Ginoong Maria ay ipapahayag para sa natatanging panalangin at para sa mga intensyon ng Santo Papa.)
Aba po Santa Mariang Reyna, Ina ng Awa, ikaw nga po ang kabuhayan at katamisan! Aba pinanaligan ka namin! Ikaw nga po ang tinatawag naming pinapanaw na taong anak ni Eba. Ikaw rin ang pinagbubuntong-hininga namin ng aming pagtangis dini sa lupang bayang kahapis-hapis. Ay! Aba pintakasi ka namin! Ilingon mo sa amin ang mga mata mong maawain at saka kung matapos yaring pagpanaw sa amin, ipakita mo sa amin ang iyong anak na si Hesus. Santa Maria, Ina ng Diyos! Maawin, maalam at matamis na Birhen.
V: Ipanalangin mo kami, O Santa Ina ng Diyos.
R: Nang kami ay maging dapat makinabang sa mga pangako ni Hesukristong aming Panginoon.
MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesukristo, Ama ng Awa at Diyos ng lahat ng kaaliwan, ang Iyong mga mananampalataya ay nagsasaya sa dulot na pangangalaga ng Banal na Birheng Maria, Ina ng Kaaliwan. Sa pamamagitan ng kanyang maka-inang pamamagitan, nawa kami ay makalaya sa anumang ligalig at kapahamakan sa aming buhay at nawa kami ay maging marapat na patuluyin sa kaligayahang walang hanggan sa Langit, na kung saan Ikaw ay nabubuhay at naghahari magpasawalang-hanggan. Amen.
DALIT SA MAHAL NA BIRHENG MAPANG-ALIW
Sa lupa’t sangkalangitan,
Lubos kang kaaliwan.
Birheng Mahal, kami’y bigyan ng aliw na kailangan.
Laganap nga sa mundong ito
Kabuktuta’t paglililo
Kay Maria idaing ito
Nang igawad ang saklolo.
Birheng Mahal, kami’y bigyan ng aliw na kailangan.
Sa hirap at kalumbayan
Awa mo ay kagamutan
Pusong hapo’t walang buhay
Sa ngalan mo’y magdidiwang.
Birheng Mahal, kami’y bigyan ng aliw na kailangan.
Kaluluwa sa piitan
Wari’y lubhang nananamlay
Nang masambit Iyong ngalan
Ang langit parang nabuksan.
Birheng Mahal, kami’y bigyan ng aliw na kailangan.
Ang daing ng nararamdaman
Na tumagos sa kalangitan
Dinggin mo at ‘yong lawitan
Ng awa at pagmamahal.
Birheng Mahal, kami’y bigyan ng aliw na kailangan.
Mga taong nagbabanal
Sa tulong mo at katigan
Tukso’t sala maiwasan
Sa laot ng paglalakbay.
Birheng Mahal, kami’y bigyan ng aliw na kailangan.
Mapapalad ang mga kaluluwang
Purgatorio ang piitan
Sa debosyon kay Maria
Malapit ang kalangitan
Birheng Mahal, kami’y bigyan ng aliw na kailangan.
Halika na, Inang Mahal,
Igawad mo gabi’t araw
Mula diyan sa’yong bayan
Pagpapala’t kaaliwan.
Birheng Mahal, kami’y bigyan ng aliw na kailangan.
MANALANGIN TAYO:
Masintahing Ina, masdan mo kami ng iyong mga matang maawain. Yayamang inilaan ka at tinaguriang mapang-aliw na ipinahahayag ng iyong larawan, pukulan mo kami ng iyong mahalagang tulong na ikaw lamang ang tanging makapagbibigay alang-alang sa iyong pagiging malapit at makapangyarihan sa iyong Anak na si Hesus kung ito’y naaayon sa Kanyang banal na kalooban. At kung inaakala mo itong aming kahilingan ay hindi sa ikabubuti namin, palitan mo ito ng iba upang itong aming pagsampalataya, pag-ibig at paglilingkod sa iyong Anak ay lalong maging kasiya-siya. Mahal na Birheng Maria, aming Ina, sa pagsuyo naming ito sa iyo, nangangako kaming tutularan ang buhay mo. Sisikapin naming mabuhay na tunay na kristiyano at nang dito pa lamang sa mundong ibabaw ay simulan nang tamasahin ang kaligayahan sa kaharian ni Hesukristong Anak mo na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.
MGA TUWANG DALIT NA PAGPUPURI SA MAHAL NA SINTAS NI SAN AGUSTIN NA AMA NATIN
Aba, sintas ng hiwaga
Nagpakita ng himala
Matibay nga na sandata
Nitong Birheng sakdal ganda.
Kalasag ka na mabisa
Sa panganib at masama
Lumulupig na mistula
Sa kaaway na kuhila.
Matibay nga na sandata
Nitong Birheng sakdal ganda.
Nawawala ang ligalig
Kapag suo’t nananalig
Nalilito’t natutulig
Ang demonyong nang-uusig
Matibay nga na sandata
Nitong Birheng sakdal ganda.
Tanda itong nagbabadya
Ng ‘sang pusong sumisinta
Kutyain man para-para
Di tatakwil sa panata.
Matibay nga na sandata
Nitong Birheng sakdal ganda.
Kasangkapan, katibayan
Saksing tunay, kasapi-ka
Sa angkan ni Mariang Ina,
Iaalay buhay niya.
Matibay nga na sandata
Nitong Birheng sakdal ganda.
Mahal naming mapang-aliw
Lingapin kaming may paggiliw
Nangangakong walang maliw
Kalooban mo ay susundin.
Matibay nga na sandata
Nitong Birheng sakdal ganda.
Nais naming makarating
Sa tugatog ng mithiin
Kaya’t sintas gagamitin
Upang ika’y makapiling.
Matibay nga na sandata
Nitong Birheng sakdal ganda.
PANALANGIN SA MAHAL NA BIRHEN NG CONSOLACION
Ama naming makapangyarihan at pinagmulan ng lahat ng kabutihan, sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, sinugo mo si Hesukristong Anak Mo bilang Consolacion ng iyong sambayanan. Nawa’y makamit naming ang lahat ng kaaliwan sa tulong ng panalangin ni Maria, ang Ina ng Consolacion.
Hinihiling naming ito sa pamamagitan ni Hesukristong aming Panginoon at Iyong Anak na nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo, iisang Diyos magpasawalang hanggan. Amen.