07/05/2026
| ๐ฃ๐ฎ๐ป๐ด๐๐น๐ผ ๐ป๐ด ๐๐๐๐ฃ, ๐ก๐ฎ๐ด๐ฏ๐ถ๐ด๐ฎ๐ ๐ป๐ด ๐ฃ๐ฎ๐ด-๐ฒ๐ป๐ฑ๐ผ๐ฟ๐๐ผ ๐๐ฎ ๐๐ธ๐ฎ๐น๐ฎ๐๐ฎ๐ป๐ด ๐ฌ๐๐ด๐๐ผ ๐ป๐ด โ๐๐๐ผ๐ฟ๐ฒ ๐ฎ ๐๐๐ผ๐ฟ๐ฒโ ๐ฅ๐ฒ๐น๐ถ๐ฐ ๐ฉ๐ถ๐๐ถ๐ ๐ป๐ถ ๐ฆ๐ฎ๐ป ๐๐ฎ๐ฟ๐น๐ผ ๐๐ฐ๐๐๐ถ๐ ๐๐ฎ ๐ฉ๐ถ๐๐ฎ๐๐ฎ๐
Intramuros, Manila โ Nagbigay ng opisyal na pag-endorso si Lub. Kgg. Gilbert A. Garcera, D.D., Pangulo ng Catholic Bishopsโ Conference of the Philippines (CBCP) at Arsobispo ng Arkidiyosesis ng Lipa, para sa ikalawang yugto ng โCuore a Cuore: The Philippine Visit of the Pericardium Relic of Saint Carlo Acutis,โ na gaganapin mula Nobyembre hanggang Disyembre 2026 sa Arkidiyosesis ng Cebu at iba pang bahagi ng Visayas.
Sa inilabas na Circular No. 26-05, ipinahayag ni Archbishop Garcera ang kanyang buong suporta sa nalalapit na muling pagdalaw ng pandaigdigang relikya ni San Carlo Acutis sa Visayas. Ayon sa kanya, layunin ng gawaing ito na maipagpatuloy ang biyayang espiritwal na naranasan sa Luzon at maihatid ito sa mga mananampalataya sa Visayas.
Binigyang-diin din niya ang patuloy na inspirasyon na hatid ng buhay ni San Carlo Acutis, lalo na ang kanyang malalim na debosyon sa Banal na Eukaristiya at pagiging huwaran ng kabataang Kristiyano. Aniya, ang pagdalaw ng relikya ay magsisilbing pagkakataon para sa ebanghelisasyon, katesismo, at espiritwal na pagpapanibago sa mga lokal na simbahan.
Kinilala rin ni Archbishop Garcera ang Association of Friends of Saint Carlo Acutis Philippines, sa pangunguna ng national spiritual director ng samahan na si Rev. Fr. Jerome A. Ponce, OFM, bilang pangunahing tagapamahala ng nasabing gawain katuwang ang Diyosesis ng Assisi-Nocera Umbra-Gualdo Tadino. Ayon sa liham, tungkulin ng samahan ang maayos na pagpaplano, dokumentasyon, at paghahandang espiritwal para sa makahulugan at maayos na pagdalaw ng banal na relikya.
Samantala, inaasahan namang maglalabas pa ng karagdagang abiso at detalye hinggil sa mga paghahanda at pagpapatupad ng programa sa mga susunod na araw. Hinikayat din ang lahat na isama sa panalangin ang tagumpay ng misyong ito at ang lahat ng gumagabay at nakikiisa sa gawaing ito.
Nagtapos ang mensahe sa panawagang magkaisa ang sambayanang Kristiyano upang maging mabunga ang pagdalaw ng relikya ni San Carlo Acutis sa Visayas at higit pang mapalalim ang pananampalataya ng mga Pilipino.