Ang Kasaysayan ng Simbahan at Parokya ng
Nuestra Señora de La Natividad
Sinaliksik at Tinipon ni Bren Aldy Adre (2010-2012)
1579 Naitatag ang bayan ng Pangil at naipakilala ang Kristiyanismo sa pamamagitan ng dalawang paring Franciscano sina Padre Juan de Placencia at Padre Diego Arranilla de Oropiza. Ang dalawang misyonerong pari ang nagtatag at nangaral sa mga bayan ng Lilio, Mahayhay, Nagcarla
n, Lumbang, at lalawigan ng Tayabas (Quezon).
1580 Unang nakatalang kasaysayan ng bayan ng Pangil na nasulat sa libro ng mga Franciscano.
1587 Sinimulang itayo ang simbahan ng Pangil sa kasalukuyang kinatatayuan nito na yari sa nipa at kawayan at makailang ulit masira ng lindol, bagyo, at sunog. Kaya’t minabuting magtayo ng mas matibay na simbahang yari sa adobe.
1611 Sa pangangasiwa ni Padre Gonzalo del Roble natapos ang simbahan at kumbentong yari sa adobe. Inialay ang simbahan sa pangalan ng Nuestra Señora de La Natividad at naitatag bilang isang parokya. Idinambana ang larawan (bas relief) ng Nuestra Señora de La Natividad sa altar mayor ng simbahan kasama ang maraming imahen ng mga santo na sinasabing replica ng isang retablo mayor ng isang simbahan sa Roma. Itinalaga si Padre Jose Linarez, isang 28 taong gulang na pari bilang unang Kura Paroko.
1650 Sinimulan ang pagtatayo ng minsang naging pinakamalaking kumbento sa buong lalawigan sa pamamagitan ni Padre Benito San Lorenzo. Sinasabing ang kumbento ay karugtong ng mismong simbahan na aabot sa kasalukuyang lugar na kung tawagin ay Hulo na bahagi ng Ilog Pangil sa Barangay Isla.
1711 Sa pangunguna ni Padre Lucas Hernandez, pinalitan ang mga nabubulok na kahoy na bahagi ng simbahan. Lalong pinaganda ang altar ng simbahan at idinagdag pa ang isang bobida (dome) na inukit mula sa adobe.
1724 Ayon sa saling-dila, dumating sa bansa si Prinsipe Carlos ng España matapos siyang itakwil ng kanyang amang hari. Dahil sa laki ng kumbento ng simbahan ng Pangil, napili itong panirahan ng prinsipe. Napamahal ang prinsipe at nalibang sa ganda ng bayan. At higit niyang kinagiliwan ang pangangaso sa kagubatan at paliligo sa isang bahagi ng Ilog Pangil na kilala ngayon bilang Bambang Hari.
1727 Makalipas ang mahigit tatlong taon ng pamamalagi ni Prinsipe Carlos sa kumbento ng simbahan ng Pangil, pinatawad at ipinahanap na siya ng kanyang ama at siya’y bumalik na sa España.
1764 Ang prinsipe ay kinoronahan bilang Haring Carlos III ng bansang España. Matapos ang koronasyon, ipinadala niya ang imahe ng Nuestra Señora de La O at Santo Niño de La O sa simbahan ng Pangil bilang handog na alaala at pasasalamat sa mabubuting mamayan ng Pangil.
1796 Sa pangangasiwa ni Padre Juan Corcuera, ipinagawang bago ang buong kumbento. Nilagyan ng malaking Silid Privincial at maluluwang na sala. Bukod sa corredor at azotea, limang malalaking silid sa gawing harapan ang idinagdag pati ang isang maikling kalanan o kusinaan na may hagdang bato.
1831 Gumiba ang kumbento dahil sa malakas na lindol.
1836 Muling itinayo ang kumbento. Gayundin ang nasirang kisame at corredor ng simbahan sa pamamahala ni Padre Vicente Crespo.
1849 Sa pamamagitan ni Padre Luis de Nambroca, ipinagawa ang mga sira ng simbahan at kumbento at lalo pa itong pinaganda. Ikinabit din ang mga esquila (kampana) na kasalukuyang nasa kampanaryo ng simbahan na kung saan doon naka-ukit ang pangalan ni Padre Nambroca, ang Nuestra Señora de La O Sehizo, Sta. Barbara, at pangalan ng iba pang santo.
1855 Sinahigan ng matitibay na kahoy ang buong loob ng simbahan at ginamitan ng matitibay na kahoy na mulawin ang pintong mayor ng simbahan sa pamumuno ni Padre Jose Diaz.
1880 Nagiba ang buong simbahan, kasama ang kampanaryo at kumbento dahil sa malakas na lindol. Pansamantalang nagpagawa si Padre Toribio Martinez ng maliit na simbahan. Hinalinhinan siya ni Padre Tomas Moya at nagsimulang maglikom ng sapat na halaga upang maitindig muli ang mga nasira ng lindol.
1884 Sinimulan ang pagtatayo ng nasirang simbahan at kumbento sa halagang 400 pisong nalikom ni Padre Tomas Moya at 900 Mexican dollars mula sa ibang parokya. Umabot ito ng 7,000 Mexican dollars matapos bahay-bahayin at ipanglimos ni Padre Moya. Malaki ang naitulong ng pamilya ni Doña Rafaela Tade na nagbigay ng 500 Mexican silver dollars na ginamit sa pagbili ng mga kahoy na panghaligi. Tig-11 haligi ang ginamit sa magkabilang pader mula altar ng De La O hanggang sa pinto mayor na ibinaon sa lupa at tuon sa mga busulan ng bubong. 17 haligi naman ang ginamit sa pagtatayo ng kumbento at pasillo. Maging ang mga paaralan at presidencia ng Pangil ay nagiba ng lindol noong 1880. Sa pamamgitan din ni Padre Tomas Moya, naibangong muli ang bayan ng Pangil sa tulong nina Municipal Captain Don Micael Rayela at Don Francisco Gaji.
1923 Muling nagkaroon ng malawakang pagsasa-ayos sa buong kasimbahanan sa pamamagitan ni Padre Francisco Santos. Inalis ang mga haliging halos nakabitin na lamang dahil sa pagkagipo ng pinakapuno.
1942 Nagsimula ang panahon ng mga Hapon. Naging kanlungan ng mga mamamayan ang bundok ng Sierra Madre at mga nayon sa kabila ng Laguna de Bay tulad ng Dambo at Kabulusan upang doon magtago. Ang pananampalataya ay malimit na ginagawa sa kanya-kanyang tahanan.
1943 Ginawang kulungan ng mga nahuling Pilipino sa zona ng mga Hapones ang mga simbahan at kapilya.
1945 Panahon ng Liberasyon ng Pilipinas. Ika-28 ng Marso ng sumugod ang mga Amerikano. Binomba na may panunog at machinegun ang poblacion ng bayan. Hindi nakaligtas ang simbahan. Natupok ang bubong ng simbahan, nasunog at nagiba ang buong kumbento hanggang sa koro. Napugay ang kampanaryo dahil sa tama ng bomba. Bumagsak at nadurog ang mga esquila ng kampanaryo. Natira lamang ay ang pinakamalaking pang-gitna at isang esquila.
1946 Bago mag-Mahal na Araw, pinamahalaan ni P. N. Madriñan ang mga mamamayan na pansamantalang ibubong sa kalahatian ng simbahan ang mga yerong nasunog at hindi gaanong wasak sa tama ng punglo ng machinegun.
1947 Buwan ng Disyembre, sa pagmamalasakit ni Padre Benjamin Gabriel, ay napabubungan ng mga bagong yero at mga piling kahoy ang kalahati ng simbahan. Malaki ang naitulong ng mga obrero ng Interwood tulad nina Moises Balugay, Juan Inawat, Santiago Eliseo, Anacleto Balobalo, Fidel Bobadilla, Luciano Tungcab, Pedro Aritao, Juanito Merin, Cristobal Demerey, at marami pang iba.
1948 Sa pamamahala naman nina Pedro Galvez at Deogracias de Ramos, napabubungan na rin ang Sacristia bago mag-Mahal na Araw gamit ang mga natitira pang yero.
1949 Ika-2 ng Setyembre ng matapos mabubungan ang buong kasimbahanan. Mahigit isang buwan nangalap ng tulong pinansiyal mula sa bayan at sa Maynila si Padre Benjamin Gabriel. Nilapitan niya ang magkakapatid nina Dr. Jose Paterno, na bagamat taga-Maynila ang kanilang namatay na ina ay tagarito sa Pangil. Nagbigay sila ng 300 banig ng yero, 100 supot ng semento, at iba pa na nagkakahalaga ng mahigit P1,800.00. Ika-17 at 18 ng Disyembre ng maringal na ipinagdiwang ang Ika-300 Taon ng Pagdating at Koronasyon ng Nuestra Señora de La O at Pagbabasbas ng Simbahan. Nagsagawa ng Misa Pontifical sa pamumuno ng Obispo na si Mons. Alfredo Oviar at umawit rin ang mga Seminaristas ng Sariaya. Si Francisco Rañada ang pangkalahatang namuno sa pagdiriwang.
1952 Nagsimula ang pamamahala ng mga Maryknoll Fathers, mga misyonerong paring Amerikano. Malaki ang pinagbago ng simbahan. Hininto ang matatandang kaugalian tulad ng Hosanna at Pahumog. Inalis ang Glorietta sa patio ng simbahan, pinatag ito at ginawang basketball court ang kalahati. Sa pamamagitan ni Fr. Herbert Elliot, muling naitayo ang bago, ngunit higit na mas maliit na kumbento na siyang tirahan ngayon ng pari. Nanatili hanggang 1958 ang mga misyonerong Amerikano at katulong nila ang Samahang Centro Katoliko sa pamamahala ng parokya.
1955 Muling binuhay ang Kapisanan ng Kabataang Katoliko (K*K) sa pangunguna ni Nemesio B. Manzana na kalauna’y naging Grex Juvenum (GJ). Siya ang itinalaga bilang unang Hermano Mayor at si Estela B. Rañoa bilang Hermana Mayor.
1960 Itinatag ang Sangguniang Pamparokya na naka-ugnay sa Diyosesis ng San Pablo kapalit ng Samahang Centro Katoliko.
1972 Malaking transpormasyon ang nangyari sa simbahan. Binago ang altar at ginawang moderna, inalis ang prestihiyosong retablo mayor na kinapapalooban ng maraming imahen at purong pilak na tabernakulo, at itinira lamang ang Kristo sa gitna. Inalis din ang retablo ng sakristiya at ang bautisteryo sa ilalim ng kampanaryo.
1979 Lubos na nag-iba ang mukha ng simbahan. Pinalitadahan ang harapan at tagilirang bahagi, kinabitan ng malalaking bakal, nagkaroon ng kisame at isinabit ang mga arangya. Nasaksihan ang lahat ng pagbabagong ito sa pamamahala ni Padre Quintin Solis at ni Sergio Manzana bilang pangulo ng Sangguniang Pamparokya.
1980 Pinaganda ang halamanan sa harapan ng simbahan sa pamumuno ni Catalino de Guzman, pangulo ng Sangguniang Pamparokya.
1982 Muling itinayo ang nasirang tore ng simbahan at nagkaroon ng pangkalahatang pagsasa-ayos ng harapan, tagiliran, at loob ng simbahan na sinimulan ni Padre Anacleto Salvosa at tinapos ni Padre Bienvenido Meraña katulong ang pamunuan ng Sangguniang Pamparokya sa pamumuno ni Sergio Manzana.
1985 Ipinagdiwang ng ating parokya ang ika-2000 Kaarawan ng Mahal na Birheng Maria. Inialay ang bagong altar para sa larawan ng Nuestra Señora de La Natividad at muling pinutungan ng korona ang Nuestra Señora de La O sa pangunguna ni Ricardo Cardinal Vidal.
1994 Itinayo ang bagong tanggapan ng parokya sa pamamahala ni Domingo Aritao, Jr., pangulo ng Sangguniang Pamparokya.
2000 Napabilang at idineklara ang ating parokya bilang isa sa Jubilee Churches ng Diyosesis ng San Pablo. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakilahok ang ating pintakasing Nuestra Señora de La O sa taunang Grand Marian Procession sa Intramuros, Maynila at pinasimulan ang Grand Bandana Festival sa ating bayan sa pagsusumikap ni Padre Teodulfo Baria.
2002 Muling inayos ang altar ng simbahan. Nilagyan ng 4 na malalaking pre-cast na poste ang gitna at pinaganda ang altar ng Natividad at De La O.
2003 Pinagpatuloy ni Padre Romulo Ponte ang pagpapaganda ng loob ng simbahan. Pinintahan ang bagong altar at nilagyan ng mga gold leaf, isinaayos ang koro at ikinabit ang makabagong sound system.
2009 Naibalik sa pangangasiwa ng simbahan ang Sto. Niño de La O matapos ang humigit isandaang taong pangangalaga ng Pamilya Pajarillo. Iniluklok sa isang bagong urna sa may gawing gitna ng kanang pader ng simbahan sa dating daang-hagdan papuntang kumbento. Napapintahan rin ang loob ng simbahan.
2010 Unti-unting pinasimulan ang pagtatayo ng isang malaking kapilya sa Barangay Galalan sa pagsusumikap ni Padre Robin Dagala. Oktubre ng pormal na binuksan ang pagdiriwang ng Ika-400 Taon ng Pagkakatatag ng Parokya ng Nuestra Señora de La Natividad (Quadricentennial Celebration) sa pamamagitan ng isang Grand Marian Procession.