04/07/2020
Pahayag (07-04-2020)
Isang magandang balita po na sa darating na Linggo, Hulyo 5, 2020, ganap na alas-diyes ng umaga ay muling bubuksan ang ating iglesia para sa ating pananambahan. Purihin po natin ang Panginoon! Ngunit, sa muling pagbubukas po ng ating iglesia ay may mga ilang paalala upang mapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng bawat isang dadalo.
Nais po natin na ang lahat ay makadalo, ngunit kailangan po nating sundin ang protocol na ibinababa ng ating pamahalaan, para rin naman po ito sa ikabubuti ng lahat. Kaya naman, ang mga may edad 20 pababa at 60 pataas, kasama na rin po ang mga kaanib na immunodeficient or with comorbidity gayundin ang mga buntis, ay pansamantalang lilimitahan po muna natin sa pagdalo sa ating pagsamba, maliban na lamang po kung ilift na ng ating gobyerno ang kasalukuyang quarantine status sa ating bayan. Marahil tinatanong niyo na po, “Paano kami sasamba kung hindi kami makakadalo?” Mayroon po tayong iba’t-ibang paraan.
+ Voices from a Distance – Kung may ilang miyembro ng pamilya na makakadalo at ang ilan ay kabilang sa mga nabanggit na limitado, ito po ang angkop sa inyo. Halimbawa anim kayo sa pamilya, ang tatlo ay makakadalo at ang tatlo ay hindi sapagkat kabilang sa mga limitado. Ito po ay online worship service. Ang pagsamba po, lalo na ang mensahe sa bawat Linggo ay ivivideo at sisikaping maipost agad sa ating page.
+ Pagsambahay – Kung lahat ng miyembro ng pamilya ay hindi makakadalo, matapos ang regular na oras ng pagsamba ay pupuntahan po kayo ng inyong manggagawa at ilang mga layko upang pangunahan kayo sa gawain ng pagsamba sa inyong mga tahanan.
Sa ganitong sitwasyon po ay mangyaring makipag-ugnayan po tayo sa kinauukulan. Maaaring sa inyong manggagawa at sa ilan po nating mga opisyales. Makikita po ninyo sa inyong mga screen ang mga numero at site na maaari ninyong kontakin. Ito po ay upang malaman namin ang kasalukuyan ninyong sitwasyon nang sa gayon ay makagawa tayo ng schedule at matukoy din po namin kung sinu-sino ang makakadalo ng personal, sa online, o sa pagsambahay.
Sa pagpasok po sa ating bahay-sambahan ay may susundin tayong ilang health protocols.
+ Magsuot ng facemask sa lahat ng oras habang nasa perimeter ng iglesia hanggang makauwi sa mga tahanan.
+ Ang inyo pong mga sapatos ay dadaan sa foot bath at iiwan sa labas ng iglesia sa takdang lagayan bago pumasok. Hindi pahihintulutan na ipasok ang mga sapatos, tsinelas, at mga panyapak sa loob ng iglesia maliban na lamang kung ito ay susuotan ng foot rag. Maaari rin na magmedyas.
+ Bawat dadalo ay kailangang magpatala ng pangalan, edad at dumaan sa thermal scanner. Paalala lamang po, hindi kayo ang magsusulat sa talaan. Mayroon pong nakatalaga para rito.
+ Hindi pinahihintulutan ang pagkain sa loob ng iglesia maliban sa komunyon.
+ Ang mga upuan po ay may numero. Kung pang ilan po kayo sa talaan ay doon po kayo uupo sa upuang nakatakda para dito. Pakiusap po, wag po tayong palipat-lipat ng upuan once nasa loob na tayo ng iglesia.
+ Pagpasok at paglabas ng iglesia ay kailangang idisinfect ang mga kamay sa pamamagitan ng alcohol.
+ Matapos ang pagsamba ay ididisinfect ang iglesia.
Para naman po sa mga bahagi ng ating pagsamba na nangangailangan ng inyong partisipasyon:
+ Sa oras ng pagkakaloob – Maglalagay po ng isang offering box sa harapan at ihuhulog na lamang natin dito ang ating mga kaloob sa oras ng pagkakaloob. Pakiusap po, wag po tayong magsabay-sabay sa pagdadala ng ating mga kaloob.
+ Sa oras ng komunyon – Pipila pa rin po tayo ngunit mayroon pong markings sa ating sahig kung saan tayo tatayo. Hindi na rin po tayo ang kukuha ng ostia gaya ng nakasanayan, ito po ay iaaabot na lamang sa atin ng ating pastor. Ang kopa naman ay iaaabot na rin ng isa sa ating mga layko. Matapos uminom ay ilalagay natin sa isang lagayan na may mainit na tubig ang kopa.
Kung nais po nating batiin ang ating mga kapatid ay iwasan na muna ang pakikipagkamay, pagyakap, paghalik, o anumang gesture na nangangailang ng physical contact. Maaari po tayong kumaway na lamang, yumuko, ilagay ang ating kamay sa ating dibdib, at iba pang hindi nangangailangan ng physical contact.
Kung mayroon po kayong mga tanong o nais isangguni ay mangyaring makipag-ugnayin sa inyong manggagawa: Pastor Vry Sison: +63 905 825 6373, [email protected]
Maaari rin po kayong magcomment o magmessage dito sa ating page: Gervacio Mendoza Memorial Methodist Church.
Maraming Salamat po! Pagpalain tayo ng Panginoon!