05/06/2016
Narito po ang talambuhay ng ating mahal na Patron ng Masagana, si San Igmedio, Nawa po ay patuloy po nating isabuhay ang kanyang magandang aral para sa atin.
San Igmedio, ipanalangin mo kami!
TALAMBUHAY NI
SAN IGMEDIO NG BILBAO, MONGHE
(Patrong Santo ng Brgy. Masagana)
Si San Igmedio na isinilang sa Calatayud, lalawigan ng Bilbao ay nakarinig ng paanyaya ng Diyos na mamuhay sa katahimikan. Siya ay nagsuot ng abito ni San Juan de Peña at nagtungo sa Bundok ng Aragon upang doon mamuhay bilang isang ermitanyo. Hindi nagtagal at nakita sa kanya ang mabilis na pagsulong sa kabanalan. Kinasihan siya ng Diyos dahil sa kanyang kagandahang loob at biniyayaang makagawa ng mga himala. Ito ay napabalita sa mga karatig-pook, kaya ang mga tao ay dumagsa at nagtungo sa kanya upang humingi ng payo, panalangin, at kagalingan.
Sa kapanahunan ng “Cluniac Reform”, pinakiusapan ng Haring Sancho ng Castile si San Igmedio na ipagpatuloy ang ginagawang reporma sa monasteryo ng Ona na sinimulan noong taong 1029, sa pamamahala ng isang disipulo ni San Odilos. Namatay ang nasabing disipulo subalit hindi pa natatapos ang pagbabago, kaya iniatang sa pamamahala ni San Igmedio ang pagpapatuloy ng nasabing reporma. Sa mga kamay ni San Igmedio nagkaroon ng kaganapan ang pagbabago ng nasabing monasteryo. Ang bagay na ito ay labis na ikinatuwa ng Haring Sancho, kaya lahat ng suporta at pribilehiyo ay ipinagkaloob kay San Igmedio at sa buong nasasakupan ng monasteryo.
Isa sa natatanging karisma ni San Igmedio ay ang papagkasunduin ang mga may hidwaan, pagtatalo at pag-aawayan, maging ang mga indibidwal o mga grupo at pamayanan. Kanyang napapahupa ang mga kaloobang naghahangad ng paghihiganti: ang mga kaloobang napopoot ay kanyang napipigil at nahahalinhan ng kapayapaan. Isang biyaya sa kanya ng Diyos ang makapagpagaling ng mga sakit sa kalooban, sa kaisipan, at maging ang sakit sa pangangatawan.
Minsan, nagkaroon ng matinding tagtuyot sa kanilang lugar. Nadama ni San Igmedio ang daing ng mga tao. Nanalangin siya sa Diyos at di kaginsa-ginsa ay bumuhos ang masaganang ulan na pumuno sa buong bukirin. Noong ding panahong iyon, ay umani ang mga tao nang higit sa kanilang inaasahan.
Sa isang pagkakataon, sinasabing pinakain ni San Igmedio ang napakaraming tao sa pamamagitan lamang ng tatlong tinapay. Kung paano ito nangyari ay isang himala na tanging Diyos lamang ang dahilan.
Bago siya binawian ng buhay ay mayroong isang pangyayari sa hindi nila maipaliwanag ang naganap. Sa kanyang paglalakbay ay inabutan si San Igmedio ng malubhang karamdaman na ikinabagsak niya sa daan. Bago siya tuluyang mawalan ng ulirat ay nakita niya ang dalawang lalaki na sumaklolo sa kanya at sila ring naghatid sa kanya sa monasteryo. Pagdating sa monasteryo ay nagkaroon ng malay si San Igmedio. Tinawag nito ang ilang kasamahang monghe at pinakiusapang bigyan ng makakain ang dalawang lalaki na tumulong sa kanya. Dali-dali namang sumunod ang mga inutusan, subalit laking pagtataka nila ay wala silang nakitang ibang tao. Sa patotoo na rin ni San Igmedio ay sinabi niyang ang mga lalaking iyon ay anghel ng Diyos.
Si San Igmedio ng Bilbao ay binawian ng buhay noong Unang Araw ng Hunyo, 1057, bagay na ikinalungkot ng maraming tao. Ang kanyang mga panalangin mula noon ay tunay na nakatulong sa mga tao.
SAN IGMEDIO. Ipanalangin mo kami!