03/10/2026
San Francisco ng Assisi
Fundador de la Orden de los Frailes Menores
Oktubre 4
Si San Francisco ay ipinanganak sa bayan ng Assisi sa rehiyon ng Umbria (Italy) noong taong 1181. Sina Pedro Bernardone, isang mayamang mangangalakal at ang kanyang maybahay na si Mona Pica ang mga magulang ni Francisco. Sa kabataan niya ay walang mababakas ni isa mang tanda na siya’y makararating sa tugatog ng kabanalan, na hahangaan ng mga Katoliko at kahit ng mga hindi Katoliko.
Si San Francisco ay isang lalaking lagalag at marangya, isang sundalong mahilig sa kamunduhan. Ngunit nang minsang magkasakit nang malubha sa bilangguan, siya’y nagbago ng isipan, itinakwil ang lahat ng kinapal upang lalong mapalapit sa Maykapal.Sa pagkakabigay niya sa maralita ng kanyang kayamanan upang tuparin ang habilin ni Kristo sa Ebanghelyo ay nagalit ang kanyang ama at siya’y itinakwil na anak. "Mula ngayon," wika niya, "masasabi ko nang tunay, Ama Namin."
Nabuhay siyang isang maralita sa gubat at namalagi sa pananalangin at pagpepenitensiya sa simbahan ni San Damian at kapilya ng Virgen de los Angeles. Pinaglingkuran ang mga dukha at maysakit, inari niyang "esposa" ang karukhaan at mga kapatid ang araw, mga hayop at ibon. Ang kanyang kabanalan at pagtitiwalag sa lahat ng bagay ay nahahalintulad sa buhay ng Panginoon. Upang mapalaganap ang kanyang kilusan ay itinatag ang Orden ng mga paring Pransiskano, Madre Clarisa at Orden Tercera.
Noong 1224, tinanggap sa kanyang katawan ang mga sugat ng Panginoon (stigmata) na tumagal hanggang sa dumating ang kapatid na "Kamatayan" noong Oktubre 4, 1226. Sa kanya nagmula ang "belen" na inilalagay natin sa mga altar kung dumarating ang Pasko.
Panalangin:
Maluwalhating San Francisco, iginawad sa iyo ng Panginoong Diyos ang pagkawangis kay Kristo sa kusang pagpapakarukha at pamumuhay ng hamak. Matalunton ko nawa ang iyong landas upang masundan kita at makaisa ka sa maligayang pag-ibig, sa Diyos, sa kapwa at sa sangnilikha. Tulad mo nais kong usalin: Panginoon, gawin Mo akong kasangkapan ng iyong kapayapaan, Saan man may alitan, paghasikin mo ako ng pagibig. Sa may pagkukulang, kapatawaran. Sa may pag-aalinlangan, pananampalataya. Sa kasawiang-palad, pag-asa. Sa kadiliman, liwanag. Sa kalungkutan, ligaya.
O Panginoon, Loobin Mo nawang higit kong naisin ang umaliw, kaysa aliwin. Ang umunawa, kaysa unawain. Ang nagmahal, kaysa mahalin. Sapagkat nasa pagbibigay ang pagtatanggap, nasa pagpapatawad ang kapatawaran. At nasa pagkamatay ang pagsilang sa buhay na walang hanggan. Kaisa ni San Francisco ng Assisi, dinggin Mo po Ama ang aking panalangin sa pamamamagitan ni Hesuskristo, kasama ng Espiritu Santo, Diyos magpasawalang hanggan. Amen.