25/01/2026
𝐀𝐧𝐠 𝐎𝐩𝐢𝐬𝐲𝐚𝐥 𝐧𝐚 𝐊𝐚𝐬𝐚𝐲𝐬𝐚𝐲𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐌𝐚𝐡𝐚𝐥 𝐧𝐚 𝐏𝐨𝐨𝐧𝐠 𝐒𝐭𝐨. 𝐍𝐢ñ𝐨 𝐏𝐚𝐥𝐚𝐛𝐨𝐲
𝘗𝘢𝘯𝘢𝘯𝘢𝘭𝘪𝘬𝘴𝘪𝘬 𝘢𝘵 𝘗𝘢𝘨𝘯𝘪𝘯𝘪𝘭𝘢𝘺 𝘯𝘪 𝘍𝘳𝘢𝘺 𝘕𝘪𝘬𝘬𝘰 𝘈𝘭𝘧𝘳𝘦𝘥𝘰 𝘍𝘢𝘥𝘶𝘭 𝘚𝘶𝘯𝘨𝘢, 𝘖𝘍𝘔
Sa maraming tahanang Pilipino, karaniwang makikita ang imahe ng Sto. Niño—hindi marangyang bihis, kundi isang gusgusing batang may tangan na krus. Sa bayan ng Paete, Laguna, isinilang ang natatanging anyo ng debosyong ito: ang Sto. Niño Palaboy. Noong 1974, inukit ni G. Wilfredo “Fred FB” Baldemor ang paghuhulmahan ng unang imaheng tanso mula sa kahoy na Maulawin na mula sa lumang kisame ng simbahan ng Paete.
Habang pinagmamasdan ang kanyang anak na si Walter pagkatapos maglaron sa kanyang gawaan sa Brgy. Quinale, napukaw si G. Fred upang ilarawan si Hesus bilang batang kalye—madungis ngunit puspos ng kabanalan. Isinilang ang imaheng tinawag niyang Sto. Niño Palaboy, tanda ng Diyos na lumapit sa karaniwang tao.
Bagamat tila mahirap tanggapin, ito’y malapit sa buhay ni Hesus. “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon, ngunit wala man lamang matulugan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao.” (Mt 8:20) Si Hesus ay walang permanenteng tirahan, nagpalaboy-laboy upang ipangaral ang Kaharian. Siya’y nagutom, nauhaw, nagkasakit (Mt 25:35–36), at nanlilimos sa puso ng bawat isa. “Nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.” (Mt 25:40)
Tangan ng bata ang Krus, hindi barya na pampasuwerte. Isinakatawan niya ang pananalig sa Ama at hindi sa kapalaran. “Ama, salamat sa iyo, sapagkat inihayag mo ito sa mga may pusong tulad ng sa bata.” (Mt 11:25) Kaya’t ang Sto. Niño Palaboy ay paanyaya sa pananampalatayang bata: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata... ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.” (Mt 19:14)
Ang debosyon ay naging kapistahan sa Barangay Quinale at sa buong bayan sa pamamagitan ng Salibanda—isang prusisyon at sabuyan ng tubig na ginaganap tuwing huling Linggo ng Enero. Noong 1982, lumikha ng replica ang kapatid ni Fred na si Felix “Ely Kid” Baldemor, at pinamunuan ng barkadahang “X7” ang tradisyon. Kasama sa pagdiriwang ang pagsisiyam, Misa, at pagdalaw ng imahen sa mga tahanan. Matatagpuan rin sa barangay ang ngayo’y kapilya ng Mahal na Poong Sto. Niño Palaboy.
Dahil na rin sa maamong pagsasalarawan sa batang Hesus, mabilis itong naging malapit sa mga tao. Lumaganap ang pagkilala sa Sto. Niño Palaboy mula sa Brgy. Quinale ng Paete, patungo sa buong bansa. Makikita ito sa mga tindahan ng imahen sa Quiapo, Baclaran, Tayuman, at kung saan-saan pa.
Noong 2024, ipinagdiwang ang ika-50 taon ng debosyon. At noong Enero 26, 2025, pormal na “iniuwi” ni G. Fred at Gng. Tala ang orihinal na imahen sa Parokya ng San Santiago Apostol. Ang Pamilyang Fadul-Sunga ang hinirang bilang Pamilyang Rekamadero. Wika ni G. Fred: “Panahon nang umuwi ang palaboy sa kanyang tahanan.”
Enero 11 ng taong 2026 ay pinasinayaan ang retablo ng Mahal na Poong Sto. Niño Palaboy na matatagpuan sa ibabaw ng sacrarium sa bahagi ng sacristia ng simbahan. Ang retablo ay idinisenyo ni G. Paul Balan. Noon rin unang narinig ang awiting alay na pinamagatang Mahal na Niño Palaboy (Dalit). Ang himig ay likha ni G. Eugene Cadawas.
Tunay nga, sa imahe ng Sto. Niño Palaboy, makikita natin ang Diyos na naging bata, naging dukha, at nanirahan sa piling natin. “Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling natin.” (Juan 1:14)
Mabuhay ka Mahal na Poong Sto. Niño Palaboy!