17/09/2018
Setyembre 18/IKA-SIYAM NA ARAW: NOVENARIO
(Bisperas ng Kapistahan)
Setyembre 19~ KAPISTAHAN NG MAHAL NA INA NG LA SALETTE
PAMBUNGAD NA AWITIN:
Namumuno: Sa Ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo
Bayan: Amen.
PAMBUNGAD NA PANALANGIN:
Namumuno: O Diyos Amang mapagmahal luwalhatian nawa ang iyong Ngalan pagkat ang taglay mong dakilang pagmamahal minsan pang sa ami'y iyong inilaan, pagpapakita ng Mahal na Birhen sa La Salette ay iyong pinahintulutan at ang hatid niyang hayag ay pag-asa't kaligtasan. O Ama, sa araw na ito ng aming pagnonobena, hayaan mo nawang gunitain nami't pagnilayan ang panawagan ng Mahal na Ina, alang-alang kay Kristong Anak mo, naghaharing kasama mo, kasama ng Espiritu Santi magpasawalang hanggan.
Bayan: Amen.
PAGSUSURI SA SARILI AT PAGSISISI:
Pari at Bayan: O maawaing Ama lingapin kami't tulungang ipabatid sa amin ang maing kahinaa't kapalaluan. Sa mga pananagutan naming hindi naisakatuparan, sa mga magagandang gawain aming ipinagpaliban, sa mga tuksong hindi namin nilabanan, at sa lahat ng aming kalabisan at kasalanan, ang hiling nawa nami'y ang iyong kapatawaran. Alang -alang kay Kristong nag-alay sa amin ng kanyang buhay. SIYA NAWA.
PANAWAGAN NG MAHAL NA BIRHEN:
Namumuno: Winika ng Mahal na Birhen sa La Salette, "lumapit kayo mga anak, huwag kayong mangamba.."
Pagninilay: O Mahal na Inang lumuluha, hindi dahil sa p**t kundi ng awa, maging kalooban namin, iyo pa ring nadarama, may takot lumapit dahil sa nagawang sala.
Namumuno: Winika ng Mahal na Birhen sa La Salette, " hatid ko'y mahalagang balita.."
Pagninilay: O Mahal na Ina, panawagan mo sa ami'y nagdulot ng pagkabalisa, mahalaga itong ituturing, pagkat hatid sa ami'y hatol at gantimpala. Ngunit isinasamo namin sa Diyos Amang lumikha, igawad sa amin, kapatawaran at awa.
Namumuno: Winika ng Mahal na Birhen sa La Salette, "kung hindi pasasakop ang aking bayan..."
Pagninilay: O Mahal na Ina, hayag mo'y hindi panakot, kundi kaloobang sa Diyos Ama'y pasakop. Upang ang Salita ng Diyos ay maisabuhay nawang lubos, at kalooban ng Diyos Ama, sa buhay namin ay masunod.
Namumuno: Winika ng Mahal na Birhen sa La Salette, "Ako'y walang humpay sa pananalangin..."
Pagninilay: O Mahal na Ina, ito'y panawagang hatid ay pagmamahal, ngunit isa man sa ami;y di pansin man lang, ang nais mo lamang sa ami'y bigyan ito ng pagpapahalaga, ngunit ang idinulot nami'y pagwawalang-bahala. Kayat gaano man namin, ito nais palitan, panalangin mo O Ina ay hindi matutumbasan.
Namumuno: Winika ng Mahal na Birhen ng La Salette, "kayo na nagwawalang-bahala..."
Pagninilay: O Mahal na Ina, panawagan ito sa mga tulad naming kay hirap magbago, nasadlak sa pagkakasala at ayaw pahango. Kristiano kaming sarili'y itinuring, ngunit sa pamumuhay, Diyos ay kapiling. Mga gawain naming hindi maililihim sa pagiging anak ng Diyos, hindi ito maituturing.
Namumuno: Winika ng Mahal na Birhen sa La Salette, "darating ang matinding taggutom..."
Pagninilay: O Mahal na Ina, ito'y panawagang nararapat harapin, sapagkat kung hindi ay kay hirap isipin, kasalanan ng isa'y damay ang lahat sa amin, taong walang sala'y magdurusang tulad namin. Sana'y aming sanayin, kasalana'y kusang tanggapin at maging ang hatol, amin na ring pasanin, upang ang matuwid na tao'y huwag nang nasaling, sa kaparusahang laan lamang sa amin.
Namumuno: Winika ng Mahal na Birhen sa La Salette, "kung kayo'y magbabalik-loob..."
Pagninilay: O Mahal na Ina, ito ang pinakabuod ng iyong pagpapakita, ipaalam sa lahat ang pagbabalik-loob sa Ama. Pagsisisi'y hindi sapilitan, nais mo'y kusang kalooban.'Pagkat tao, sa sala man ay kasukdulan, pagbabagong ganap, sa DIyos lamang makakamtan.
Namumuno: Nagtanong ang Mahal na Birhen sa La Salette, "kayo ba'y nananalangin mga anak?"
Pagninilay: O Mahal na Ina, panalangi'y bahagi ng iyong pagsusumamo, upang mabuting ugnayan, sa Diyos Ama'y matamo. kapag may panahon pa, pagbutihin pa ito, upang pakikipag-ugnay sa DIyos ay mapag-ibayo pang lalo.
Namumuno: Ipinag-utos ng Mahal na Birhen sa La Salette, "ipamahagi ninyo ito sa lahat ng tao..."
Pagninilay: O Mahal na Ina, ito ang huling bahagi ng iyong panawagan, at ang bawat isa'y iyong pinag-uutusan, ipamahagi ito sa lahat ng mamamayan, sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng iyong panawagan.
PANALANGIN MATAPOS ANG PAGNINILAY:
Lahat: O Birheng matapat, nang ang panahong itinakda ay dumating sa kaganapan, winika mo sa Diyos Ama, "matupad nawa ang Iyong kalooban." Nang ang Kanyang kaisa-isang anak ay sa iyo'y isinilang, naging bunga nito'y kaligtasan ng sanlibutan. Di mapanatag na kalooban ngayo;y nasa iyong harapan, mga banal na kataga'y muli ko nawang bitiwan... "Huwag mangamba..si Kristo ang daan... sundin nawa ninyo ang Kanyang kalooban."
O Mahal na Birhen, ina ng tagapagligtas. Alay namin sa iyo'y papuri't pasasalamat, dahil sa Diyos Ama nanatili kang tapat at ang pananalangin mo'y nanatiling wagas. Kabutihang loob mo sa ami'y nilaan, upang pagmamahal ni Kristo'y aming makamtan. Dahil sa iyong pag-ibig na walang kasapatan, pagdalaw mo sa ami'y di mo ipinagpaliban.
O Mahal na Inang nagdadalamhati, maging malilikot na bata'y iyong napanatili at sa binitiwan mong malumanay na pagbati, mga puso nila, sa iyo'y nabighani.
O Mahal na Ina kami rin ay natigilan, nang malamang nahihirapan ang iyong kalooban. Sino nga bang ina kaya, ang hindi luluha, sa kanyang mga anak na nagwawalang-bahala.
O Reyna ng kaluwalhatian, ang pagpasok mo sa kalangita'y nagdulot sa amin ng matinding kagalakan, pagkat nabatid namin, aming patutunguhan, kung sa kalooban ng Diyos Ama'y pasakop kami ng tuluyan. Siya Nawa.
PERSONAL NA PANALANGIN:
O Mahal na Birhen ng La Salette, ina ni Kristong tagapag-kasundo, huwaran ng pag-ibig na wagas at pusong mapag-sumamo, samahan nawa ako sa panalangin kong ito, upang ang mga sumusunod na tao, magandang ugnayan nila'y matamo (Sina _____________, _______________ at __________________).
Sarili ko din ay aking inihahabilin, samahang makipag-kasundo sa mga taong nasaktan ko ang damdamin, at sa mga taong nakasakit sa akin, turuan mo nawa akong sila rin ay patawarin, sapagka't batid kong ganoon din ang Diyos sa akin. Siya Nawa.
LITANIYA SA MAHAL NA BIRHEN NG LA SALETTE:
Namumuno:
MAHAL NA BIRHEN NG LA SALETTE - Birheng Ina ng Diyos (Ipanalangin Mo kami)
- Ina ni Kristo at ng tanang sangkatauhan (Ipanalangin Mo kami)
- Ina ng Awa (Ipanalangin Mo kami)
- mula sa iyo ang nagtatag ng Bagong Tipan (Ipanalangin Mo kami)
- sa pamamagitan mo'y nagkatawang-tao ang Salita ng Diyos (Ipanalangin Mo kami)
- na may taglay na ningning ng kaluwalhatian ng Diyos (Ipanalangin Mo kami)
- na itinanghal ng Diyos ngunit nanatiling may kababaang-loob (Ipanalangin Mo kami)
- na lumuluha dahil sa aming pagwawalang-bahala (Ipanalangin Mo kami)
- na napapalamutian ng mga rosas ng kaluwalhatian (Ipanalangin Mo kami)
- na nababalot ng liwanag mula sa krus ni Kristong Mananakop (Ipanalangin Mo kami)
- na may matinding pagdadalamhati sa pagkamatay ni Kristo (Ipanalangin Mo kami)
- na sa pananalangi'y nanatiling tapat (Ipanalangin Mo kami)
- na sa pag-big ng isang ina'y walang makatutumbas (Ipanalangin Mo kami)
MAHAL NA BIRHEN NG LA SALETTE, INA NG TAGAPAG-KASUNDO NG MGA TULAD NAMING NAGKASALA - (Ipanalangin mo kaming sa iyo'y ipinagkatiwala.)
- upang ang salita ng Diyos ay magkatawang-tao sa aming pamumuhay (Ipanalangin mo kaming sa iyo'y ipinagkatiwala.)
- upang ang Mabuting Balita ay maipamahagi namin sa iba (Ipanalangin mo kaming sa iyo'y ipinagkatiwala.)
- upang ang pananawagan mo'y tuluyang maisakatuparan (Ipanalangin mo kaming sa iyo'y ipinagkatiwala
- upang sa pamumuhay nami;y makibahagi kami sa kaluwalhatian ng Diyos (Ipanalangin mo kaming sa iyo'y ipinagkatiwala
ALALAHANIN (Memorare):
Alalahanin, O Mahal na Birhen ng La Salette, Ina ng Pag-asa. Ikaw ang nagpa-alala sa aming magbalik-loob sa Ama. Ito ang pagpapatunay na ang kagandahang-loob mo'y nanatiling busilak, sa pag-aaruga mo sa amin, tungkulin mo'y tinupad. Dahil sa paanan ni Kristo'y itinuring mo kaming mga tunay mong anak, kung kaya ninais mong ni isa'y huwag mapahamak, maging sa iyong walang tigil na pananalangin, pati luha'y pumatak. Huwag sanang mawalan ng saysay ang iyong pagpapakahirap. Hiling nawa namin sa iyo, o aming Inang liyag na matapos ang pakikibaka namin sa mundong ito at sa pananatili naming tapat kay Kristo sa kapurihan mo'y makibahagi kaming ganap upang kung nasaan ka ngayo'y naroon din kaming lahat at nang kaganapan ng kaluwalhatian ng Diyos Ama'y tuluyang matupad. Siya nawa.
PAG-AALAY SA MAHAL NA BIRHEN NG LA SALETTE:
Namumuno at Bayan: Ina, isinasamo namin sa iyo. Ipinagkaloob mo kami sa iyong anak. Siya ang nagpanumbalik sa taglay namin ngayong karangalan. Sa pagiging anak ng Diyos, siya rin ang naging dahilan. Sa pagkakahango namin sa sala'y buhay niya ang aming sandigan. Sa pananaw sa buhay, Siya ang aming huwaran.O Mahal na Ina ng Pag-Asa, ipagkaloob mo nawa kami sa iyong bayan, upang ang pananampalataya naming taglay ay muli't muli naming maisabuhay, upang maging sa karanasan ng tao, kaharian ng Diyos ay maranasang tunay.O Mahal na Ina, ipagkaloob mo kami sa Diyos Ama. Ang aming buong pagkatao, ang lahat ng sa amin, ang aming sambahayan, ang kinabibilangan naming sambayanan, nang ang Banal na Kasulatan ay maisakatuparan, upang ang Diyos ang siyang maghari sa tanan. Siya Nawa.
MAHAL NA BIRHEN NG LA SALETTE, IPANALANGIN MO PO KAMI.
Namumuno: Sa Ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo
Bayan: Amen.