Pinagtibay ng Obispo Henry Bryne sa taong 1966. Ang lahat ng malalaking bagay ay may pinagmulan, katulad ng PAROKYA NG SANTA RITA. Noong 1956 ito ay nagsimula sa isang maliit at simpleng kapilya sa isang maliit na lugar ng Olongapo, na kung saan bahain o nilulubog ng matinding baha kung may kalamidad. Ngunit sa kabila ng mga kalamidad marami pa ring nagsisimba sa naturang kapilya na tinawag nilang
KAPILYA NG SANTO ROSARYO. Isang kapilya na yari sa simpleng yero at tabla. Ito ay pinaunlad ni Ginang Amelia Gordon para sa pagpapagawa. Ang kura paroko noong mga panahong iyon ay si Padre Anthony O’Dwyer isang Paring Irish. Pagkatapos ng 10 taon, noong 1966 ang kapilya ay naging ganap ng simbahan at pinangalanan ng ating Diyosesis bilang “PATRON NG SANTA RITA”. Ito ay ganap at unti-unting napatayo dahil sa pagtutulungan ng mga parokyano. Nagkaroon ng malawak na “Fund raising” tulad ng mga “Raffle Draws, BINGO at paligsahan ng mga bata hanggang matanda ng pagandahan at katalinuhan. Ilan sa mga parokyano ng simbahan ng Santa Rita ay nangalap ng sapat na pondo sa mga taong may mabubuting kalooban lalu na sa mga malalaking establisimento at gayundin naman may mga pulitikong tumulong kahit hindi sa panahon ng halalan. Ang mga pari na naglingkod sa Parokya ay sina Padre Anthony O’Dwyer (Irish) noong 1966 hanggang 1969, Padre James Sheehy (Irish) at Padre Dominic Nolan na isang Australiano, noong 1972 hanggang 1973, Padre Lawrence J. Kelly (Irish) noong 1973 hanggang 1975, Padre Bernard Mulkerins (Irish) noong 1975 hanggang 1986 at Padre Donal Bennett (Irish) noong 1986 hanggang 1994. Sila ang mga paring misyonero na naging sandigan ng Simbahan ng Santa Rita. Samantalang sina yumaong Padre Juan E. (1994-1997), Padre Roland M. (1997- 2005), Padre Nelson C. Vencilao (2005-2011) at Padre Ferdinand Fajardo (2005-2009) na naging katuwang niya sa paglilingkod at Padre Paulo Linis na itinalagang Parochial Vicar noong Mayo 19, 2010 at noong Mayo 14, taong kasalukuyan (2011) si Padre John Remel M. Mara ang siyang inatasan ng ating Obispo upang mamuno sa sambayanan ng Parokya ng Sta. Rita, sila ang mga Pilipinong pari na naglingkod dito. Sina Padre Reynaldo Tumbocon, Padre William Monsalud, Padre Felix Labios, Padre Larry Villafuerte, Padre Ian Maniago, Padre Rodel San Juan, Padre Denis Egan at Padre Reymann G. Catindig ang mga paring bisita at naglingkod din sa ating parokya lalu pa sa ilan noong sila ay DIAKONO pa lamang. Napasimula ang paggawa nito sa pamamagitan ni Padre James Sheehy at Padre Peter Kenny. Taong 1983, si Padre Nelson C. Vencilao ay naordenahan bilang isang pari. Si Padre Daniel Presto noong 1989 at noong 1990 naman si Padre Abayari ay naging ganap na pari at tinanggap ang Banal na Orden sa Parokya ng Santa. Rita. Sina Sister Catherine Bacay, Sister Myrna Suarez, Sister Sherna Advincula at Sister Rebecca Valdez ay ang mga madreng mula sa ating parokya. Ang mga kapilyang sakop ng Parokya ng Santa Rita ay ang Kapilya ng Santo Niño sa Purok uno at Kapilya ng Banal na Espiritu Santo (Holy Spirit Chapel) sa Tabacuhan. Ang Catholic Womens League (CWL) ay naitatag noong taong 1966. Holy Name Society taong 1967, Apostolada ng panalangin taong 1970 at sumunod ang maraming organisasyon taong 1993, lalu na ang Extra Ordinary Ministers of the Eucharist (EME), Knights of the Altar (KOTA) at Lector Commentator Psalmist Guild. Taong 1987 nagkaroon ng mga Katekista na siyang pumupunta sa bawat paaralan upang magturo ng katesismo ukol sa ating pananampalatayang Katoliko. Sina Dr. Vicente Bacay, Atty. Johnny Atienza, Bro. Nap Camba, Bro. Fil Soria ay nagsilbing Pangulo ng Parokya sa lahat ng mga organisasyon (Parish Pastoral Council) at si Bro. Sid De Guzman na kasalukuyang pangulo naman nito. Maituturing na naging matagumpay ang lahat ng mga naging pinuno ng mga organisasyon ng simbahan. Ang bawat parokyano ay buong bukas palad na tumulong.