06/03/2024
✨PAGPUPUGAY SA BUHAY AT PAGLILINGKOD NI
REV. DELIA MORADA-ESPERIDA ✨
Sa mga aklat pangkasaysayan ng Iglesia Unida Ekyumenikal, si Rev. Delia Morada-Esperida ay bahagi nito. Hindi lamang bilang isang mga unang Manggagawa ng IUE kundi bilang kauna-unahang Babaeng Ordinadong Pastor nito.
Si Rev. Delia Morada-Esperida ay nagtapos sa Union Theological Seminary noong 1982 sa programang Bachelor of Theology. Humarap siya sa maraming mga panghahamak sa kaniya bilang babaeng manggagawa noong sa Unida (IEUDC) sa mga kasamahang manggagawa. Isa sa mga hindi niya malilimutang panghahamak ay ang sinabi sa kaniya na "Ano ba ang magagawa ng isang babaeng pastor?" Sa kabila nito, nagpatuloy siya sa kaniyang paglilingkod sa Diyos at sa pamayanan.
Siya ay kabahagi ng pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Panlalawigan upang makapagpatayo ng paaralang elementarya sa donasyong lupa ng kanilang magkakapatid — ang Ramos-Morada Elementary School. Bahagi din nito ang pagpapatayo ng isang multipurpose center para sa pamayanan at siyang pansamantalang ginagamit ng Caromatig Unida Ecumenical Church na bahay-panalanginan at pagsamba. Bilang bahagi ng kaniyang paglilingkod sa bayan, kasama siya sa mga naging kasangkapan sa pagpapaayos ng kalsada sa mas maayos na hahatid ng mga ani "from farm to market road." Naging kaisa din siya sa mga pagmomobilisa ng mga organisasyon para sa iba't ibang paglilingkod at pagkakawang-gawa sa kapwa at sa pagtatanyag ng kapayapaang nakabatay sa katarungan.
Siya ay aktibo ding kabahagi ng pagpapalaganap ng ekyumenismo sa Bicol sa pamamagitan ng close relation with United Methodist Church sa Upper Carolina, ang Covenant Partnership ng Iglesia Unida Ekyumenikal sa mga iglesya ng United Church of Christ in the Philippines at Iglesia Filipina Independiente, sa mga gawain Bicol Regional Ecumenical Council (BREC), at marami pang iba.
Sa Iglesia Unida Ekyumenikal, maraming ministeryo ang pinangunahan at kinabahaginan ni Rev. Del. Ang ilan sa mga ministeryong ito ay ang pagiging kaanib na Direktor ng Lupong Patnugutan, Pangulo ng Lupon sa Edukasyong Kristiyana, pagiging kaanib ng iba't ibang Lupong Pamalagian, pagiging Tagapayo ng iba't ibang Kapisanan sa Kalaganapan, pagiging Klaster Leader ng Bicol, at Tagapangasiwang Pastor ng Caromatig Unida Ecumenical Church. Marami pang mga paglilingkod na isinakatuparan si Rev. Del na nakapag-akay sa maraming buhay sa pananampalataya, nakapaglingkod sa mga aba bilang kaniyang pagsunod kay Jesus, at nakapagbigay kaluguran sa Diyos.
Ang mataas na papuri ay sa Diyos sa animnapu't pitong (67) taon na buhay na ipinagkaloob Niya kay Rev. Delia Morada-Esperida. Maraming salamat, Rev. Del, sa iyong buhay.
jgar