22/08/2026
Agosto 22
👑Kapistahan ng Pagkareyna ng Mahal na Birheng Maria
Ang Pagkareyna ng Mahal na Birheng Maria ay isang pagdiriwang na nagpapahayag ng paniniwala ng Simbahan na si Maria, matapos ang kanyang pakikiisa sa gawain ng kaligtasan at ang kanyang maluwalhating pag-aakyat sa langit, ay pinararangalan bilang Reyna ng Langit at ng buong sanlibutan.
Ang ugat ng debosyon kay Maria bilang Reyna ay matagal nang makikita sa tradisyon ng Simbahan. Maging sa Banal na Kasulatan ay makikita ang natatanging lugar ni Maria sa plano ng Diyos. Siya ang Ina ni Hesus na Hari, ang Mesiyas, at dahil dito, nakita ng mga unang Kristiyano ang kaugnayan niya sa pagiging Ina at Reyna.
Sa paglipas ng mga siglo, lumalim ang debosyon ng mga Kristiyano kay Maria bilang Reyna. Sa mga panalangin at himno ng Simbahan, tinawag na siyang Regina Caeli o Reyna ng Langit, Salve Regina o Aba, Reyna, at iba pang titulong nagpapahayag ng kanyang karangalan.
> Paano ito naging isang opisyal na kapistahan?
Noong 1954, itinatag ni Papa Pio XII ang liturhikal na kapistahan ng Pagkareyna ni Maria sa pamamagitan ng ensiklikang Ad Caeli Reginam. Itinakda noon ang kapistahan sa Mayo 31, bilang pagtatapos ng tradisyonal na buwan ni Maria.
Ipinaliwanag ng Papa na ang pagiging Reyna ni Maria ay hindi nangangahulugang siya ay isang diyos o kapantay ng Diyos. Si Maria ay nilalang at lingkod pa rin ng Diyos. Ang kanyang pagiging Reyna ay isang biyayang ipinagkaloob sa kanya dahil siya ang Ina ng Anak ng Diyos at dahil sa kanyang natatanging pakikiisa sa misyon ni Kristo.
Kalaunan, bilang bahagi ng pagbabago ng kalendaryong liturhikal pagkatapos ng Ikalawang Konsilyo Vaticano, inilipat ang kapistahan sa Agosto 22, walong araw matapos ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria. Sa ganitong pagkakasunod, ipinapakita ng Simbahan ang malalim na ugnayan ng dalawang misteryo: ang kanyang maluwalhating pag-aakyat sa langit at ang kanyang pagkakoronahan bilang Reyna.
Ang pagkareyna ni Maria ay hindi tungkol sa kapangyarihang makamundo. Siya ay Reyna sapagkat siya ang mapagkumbabang Ina ng Hari, ang babaeng buong pusong nagsabi ng “Narito ang alipin ng Panginoon” at nanatiling tapat kay Kristo hanggang sa paanan ng Krus.
Kaya kapag tinatawag natin siyang Reyna ng Langit, hindi natin inaalis ang karangalan kay Kristo. Sa halip, kinikilala natin na ang lahat ng karangalan ni Maria ay nagmumula kay Hesus at umaakay pabalik kay Hesus.
At bilang isang ina at reyna, si Maria ay hindi lumalayo sa kanyang mga anak. Patuloy siyang nananalangin para sa atin at umaakay sa atin patungo sa kanyang Anak.
--------------------------------------------------------------------------
🙏 Panalangin sa Mahal na Birheng Maria, Reyna
O Mahal na Birheng Maria, aming Ina at Reyna,
ikaw na pinagkalooban ng Diyos ng natatanging biyaya
upang maging Ina ng ating Tagapagligtas na si Hesukristo,
turuan mo kaming mamuhay nang may kababaang-loob,
katapatan at buong pagtitiwala sa Diyos.
Tulungan mo kaming sundin ang halimbawa ng iyong “Oo”
sa kalooban ng Panginoon.
Kapag kami ay nanghihina, palakasin mo kami;
kapag kami ay naliligaw, akayin mo kami kay Hesus;
at kapag kami ay dumaranas ng pagsubok,
ipanalangin mong manatili kaming matatag sa pananampalataya.
O Reyna ng Langit at Lupa,
ipanalangin mo kami at ang aming mga pamilya.
Ilagak mo kami sa ilalim ng iyong mapagmahal na pag-aaruga
at patuloy mo kaming ihatid
sa puso ng iyong Anak na si Hesus.
Maria, Reyna ng Langit,
ipanalangin mo kami.
Maria, Ina ng Simbahan,
ipanalangin mo kami.
Maria, Ina at Reyna namin,
akayín mo kami patungo kay Hesus.
Amen.