29/03/2021
ARAL NGAYONG LUNES SANTO
Kagimbal-gimbal ang Ebanghelyo sa araw na ito. Parang sampal ito sa tao, gaya na halos tila sinampal at ipinahiya sa mukha si Judas Iscariote ng Panginoong Hesus nung magprotesta siya at sabihin niya, “Bakit hindi ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang denaryo ang halaga niyan."
Hindi natin lubos akalain na magtatagal ang pandemya. Umabot na ito ng isang taon. Sa pagdami na ng nalilikhang bakuna kamakailan, mas dumami pa ngayon ang bilang ng mga nagpopositibo at nasasawi. Kaya ang inaasahan sana nating pagdiriwang ngayong linggo ng mga Mahal na Araw ay nauwi sa ECQ at ang pagbabawal ng anumang pagtitipon.
Bakit ba mag pagbabawal sa pagtitipon? Dahil sa TAKOT. Takot ang umiiral sa mga panahong ito, takot na mahawahan ng mikrobyo. Takot na sa pagkahawa'y makahawa din sa iba. Takot na hindi makahinga. Takot na magupo sa karamdaman, takot na mawala nitong hiram na buhay. Ngunit may mas higit pang takot ang umiiral sa pamahalaan ngayon kaysa sa takot na hilahin ni kamatayan sa hukay. Ito ay ang takot na maghirap ang ekonomiya. Takot sa kahirapan.
Dahil sa takot sa kahirapan, kaya ang mga nasa posisyon ay inuudyukang magnakaw sa perang di kanila. Dahil sa takot sa kahirapan, kaya kahit ECQ ay hinahayaan ang pagtra-trabaho at pagbubukas ng mga industriya. Dahil sa takot sa kahirapan, kaya kahit Bahay ng Diyos, ay kaya nilang patawan ng kalso mula sa labas upang isara at huwag buksan, at nang makiusap ang Simbahan na kahit sana sampung porsyento ay maaari bang makapagmisa sa pinakabanal na mga araw na ito, ay bahagya nilang binuksan ang pinto ngunit MALAKAS NA SINARA dahil sa pagdedeklara ng ECQ. Sa kanila rin nga pinatutungkol ng Panginoon ang ipinahayag Niya ukol sa mga eskriba at pariseo:
"Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila makapasok sa kaharian ng langit. Ayaw na ninyong pumasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nais pumasok!" (Mateo
23:13-14).
Mas pinili nila ang pagkilala sa takot kaysa sa Panginoong dapat gawaran ng tunay na takot. Mas pinili nila ang diyus-diyosan ng kwarta kaysa sa Panginoong buhay!
Sa Ebanghelyo ngayong araw, si Judas Iscariote ay nabalisa din sa halos katulad na pagkabahala. Sayang, anya, ang halaga ng pabangong binuhos lang sa paa ng Panginoon, pwede pang masidlan ang kumakalam na sikmura sa pwedeng mabiling pagkain sa halagang iyon, anya. Naatim ba niyang sabihin iyon sa harapan ng Panginoon? Hindi ba niya naisip na ang pabangong iyon ay naibuhos dahil sa lubos na pagmamahal ng naggawad?
Hindi ba naisip ng mga namumuno sa pamahalaan na kaya natin gustong dumalo sa misa kahit papaano sa aktwal na paraan ay dahil sa malaki din nating pagmamahal sa Panginoon? Gaya ni Maria na kapatid ni Lazaro, ay personal nating gustong lumapit sa Diyos sa Kanyang hapag upang doon ay basagin natin ang mga hadlang ng ating pagkatao at ibuhos natin ang ang ating sarili. Hindi sayang iyon. Takot ba tayong maghirap? Ang Panginoon na ang nagsabi, "Habang panaho'y kasama ninyo ang mga mahihirap, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.”
(Juan 12:8)
Opo, tama Kayo Panginoon! Hindi nga namin kayo makakasama habang panahon, at hindi nga namin maiiwasan na makasama pa rin ang kahirapan, dahil sa LIKAS KAMING MAHIRAP kapag wala Kayo sa amin! Ngayon ay ipininid ang mga pintuan ng Simbahan. Isinara nila sa pag-aakalang ang paglapit sa Inyo ay isa pang hadlang sa pag-unlad at kagalingan. Patawarin po Ninyo ang aming mga namumuno. Patawad po, kung sa tingin Niyo'y marapat sa amin ang lahat ng ito dahil sa pagpili at pagkahumaling namin sa salapi at sa takot namin sa kahirapan at pagdaralita. Higit sa lahat, ang hindi namin pagsasakripisyo alang-alang sa Inyo.
San Jose, mapagmahal sa pagdaralita, ipanalangin mo kami