24/01/2026
Mateo 4:12-25
Nang mabalitaan ni Hesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. Ngunit hindi na siya nanirahan sa Nazaret kundi sa Capernaum, isang bayan sa baybayin ng Lawa ng Galilea at sakop ng Zebulun at Neftali. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ni Propeta Isaias: “Ang mga lupain ng Zebulun at Neftali, sa baybayin ng lawa, sa kabila ng Ilog Jordan, Galilea ng mga Hentil, ang mga taong nabubuhay sa kadiliman ay nakakita ng matinding kaliwanagan. At kahit silaʼy nananahan sa lilim ng kamatayan, sila ay maliliwanagan.” Mula nooʼy nagsimulang mangaral si Hesus, “Magsisi kayo sa inyong mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos, dahil malapit nang dumating ang kaharian ng Langit.” Habang naglalakad si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na sina Simon (na tinatawag ding Pedro) at Andres. Naghahagis sila ng lambat sa lawa sapagkat silaʼy mga mangingisda. Sinabi niya sa kanila, “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.” Kaagad nilang iniwan ang mga lambat nila at sumunod sa kanya. At habang patuloy siyang naglalakad, nakita naman niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ang kanilang ama at nag-aayos ng kanilang lambat. Tinawag din niya ang magkapatid. Agad nilang iniwan ang kanilang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus. Nilibot ni Hesus ang buong Galilea habang nagtuturo sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos. At pinagaling din niya ang lahat ng uri ng sakit at kapansanan ng mga tao. Naging tanyag siya sa buong lalawigan ng Siria, at dinala sa kanya ang lahat ng maysakit, at mga nagdurusa dahil sa matinding karamdaman: ang mga sinasapian ng demonyo, ang mga may epilepsiya at ang mga paralitiko. At pinagaling niya silang lahat. Sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea, sa Decapolis, sa Jerusalem, at sa lahat ng bayan ng Judea, at sa mga lugar sa kabila ng Ilog Jordan.