21/12/2022
ANG BELEN NG MEYCAUAYAN (Unang Bahagi)
Sa napakaraming pamanang kultural ng Orden ni San Francisco sa Simbahan, marahil ang tradisyon ng paglalagay ng belen tuwing Kapaskuhan ang pinakamatingkad na halimbawa kung paano sinasalamin ng sining ang pagpapahalaga ng mga Franciscano sa kalikasan at ang lubos nilang pag-akap sa kahirapan. Mismong ang ating patrong si San Francisco ang nagpasimula ng unang belen noong taong 1223 sa bayan ng Greccio sa Italya sa pakikipagtulungan ng kanyang mga tagasunod na gumanap sa iba’t ibang tauhan nito. Magmula noon, ang tradisyon ay kumalat sa buong Europa at dinala ng mga Kastila sa ibayong dagat nang sakupin nila ang Amerika at Pilipinas. Sa katunayan, ang salitang “belen” ay ang ngalan sa wikang Kastila ng lugar kung saan ipinanganak si Jesus. Mas kilala natin itong Betlehem sa Ingles at Filipino.
Bilang pinakamatandang parokya sa Pilipinas na nasa pamimintuho ni San Francisco na kasalukuyang naghahanda para sa ika-450 taon ng kanyang pagkakatatag sa 2028, hangad natin sa Meycauayan na lalong paigtingin ang tradisyong pampasko na ito. Inspirasyon ng Belen ng Meycauayan ang tradisyunal na mga belen sa Italya kung saan ang mga larawan ng Banal na Mag-anak at ng Tatlong Haring Mago ay napapalibutan ng mga simpleng tao habang abala sila sa kani-kanilang mga gawain. Dito sa lugar na ito, sa gitna ng pagmamadali, pag-aalala, pagkabahala at pagkakabaha-bahagi, dito pinili ni Jesus na magkatawang-tao at makipamayan sa atin.
Sa pagninilay-nilay natin sa Belen ng Meycauayan, sa pagkuha natin ng mga larawan bilang alaala ng Pasko sa taong ito, makita nawa natin ang ating mga sarili na bahagi ng isang lalong malaking Belen na siyang ating Parokya na naghahangad na pagharian ng kapayapaan at pag-asang nagmumula sa Diyos na ngayo’y sumasaatin.
(Detalye ng Belen ng Meycauayan, 2022)