16/03/2020
MGA MISA PUBLIKO SA BUONG BULACAN,
KANSELADO NA SIMULA UMAGA NG MARTES,
IKA-17 NG MARSO 2020
Kanselado na lahat ang mga pagdiriwang ng Banal na Misa sa publiko sa lahat ng parokya at kapilya sa buong Diyosesis ng Malolos (Lalawigan ng Bulacan at Lungsod ng Valenzuela) simula umaga ng ika-17 ng Marso, 2020, araw ng Martes, hanggang sa ika-14 ng Abril, 2020.
Ipinag-utos ito ng Lub. Kgg. Dennis C. Villarojo, D.D., Obispo ng Malolos, na nakakasakop sa buong Lalawigan ng Bulacan at Lungsod ng Valenzuela. Ipinaliwanag ng Obispo Villarojo sa kanyang pakikipagpulong sa mga pari kaninang umaga (16 Marso 2020) na ang pagkansela sa mga "Misa Publiko" ay pakikibahagi natin sa hakbangin ng pamahalaan na masugpo ang pagkalat ng COVID-19. Ngunit inatasan pa rin ni Obispo Villarojo na magdiwang pa rin ng "Misa ng walang nagsisimba" ang mga pari sa kani-kanilang parokya at kung maaari ay mapasahimpapawid o mai-broadcast sa mga social media sites tulad ng Facebook ang mga naturang "Misa ng walang nagsisimba".
Mananatili pa ring bukas ang mga simbahan upang makapanalangin ang mga tao. Hiniling ng Obispo sa mga kapa***n ng Bulacan na maging malikhain o "creative" sa kanilang ministeryo o paglilingkod sa mga mananampalataya na higit ngayong nangangailangan ng espiritwal na pag-gabay sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19.
Abangan bukas dito sa Sandigan – Diocese of Malolos
https://www.facebook.com/sandiganmalolos/
ang Official page ng ating diyosesis, ang iba pang mga detalye ng mga pagdiriwang sa mga Mahal na Araw at Pasko ng Pagkabuhay kaugnay ng pagkanselang ito sa mga Misa publiko.
Muli, hinihiling ng Obispo Villarojo na "patuloy tayong manalangin, maging mahinahon, at magtulungan hanggang sa malampasan nating lahat ang sitwasyon na ito."