14/08/2026
𝐀𝐠𝐨𝐬𝐭𝐨 𝟏𝟓 | 𝐊𝐚𝐩𝐢𝐬𝐭𝐚𝐡𝐚𝐧 𝐧𝐢 𝐒𝐚𝐧 𝐓𝐚𝐫𝐬𝐢𝐜𝐢𝐨 𝐧𝐠 𝐑𝐨𝐦𝐚, 𝐏𝐚𝐭𝐫𝐨𝐧 𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐒𝐚𝐤𝐫𝐢𝐬𝐭𝐚𝐧
𝐓𝐈𝐆𝐍𝐀𝐍 | Ngayong ika-15 ng Agosto, ating ipinagdiriwang nang may kagalakan ang Kapistahan ni San Tarcisio ng Roma, ang batang martir at patron ng mga sakristan. Sa murang edad, ipinakita niya ang kanyang matinding pagmamahal kay Hesukristo at katapatan sa kanyang tungkulin bilang lingkod ng Simbahan.
Si San Tarcisio ay pinagkatiwalaan na magdala ng Banal na Eukaristiya sa mga Kristiyanong nangangailangan. Sa kabila ng panganib, pinili niyang protektahan ang Banal na Katawan ni Kristo at nanatiling tapat hanggang sa huli. Ang kanyang buhay ay nagpapaalala sa bawat sakristan na ang paglilingkod sa altar ay hindi lamang isang tungkulin, kundi isang banal na pribilehiyong nangangailangan ng pananampalataya, tapang, kababaang-loob, at pagmamahal kay Hesus sa Banal na Eukaristiya.
Bilang mga sakristan, nawa'y maging inspirasyon natin si San Tarcisio sa ating araw-araw na paglilingkod. Tulad niya, nawa'y matutuhan nating maglingkod nang buong puso, maging maingat at responsable sa ating mga tungkulin, at higit sa lahat, manatiling tapat kay Kristo sa anumang hamon na ating haharapin.
Sa bawat pagtunog ng kampana, paghahanda sa altar, at paglilingkod sa Banal na Misa, nawa'y maalala natin na tayo ay hindi lamang tumutulong sa isang gawain, tayo ay naglilingkod mismo sa Panginoon.
📖 “Ang sinumang naglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin; at kung saan ako naroroon, naroon din ang aking lingkod.” — Juan 12:26
𝗦𝗮𝗻 𝗠𝗶𝗴𝘂𝗲𝗹 𝗔𝗿𝗸𝗮𝗻𝗴𝗵𝗲𝗹, Ipagtanggol mo Kami!
𝐌𝐚𝐝𝐫𝐞 𝐃𝐞𝐥𝐚 𝐃𝐢𝐯𝐢𝐧𝐚 𝐆𝐫𝐚𝐜𝐢𝐚 𝐃𝐞 𝐌𝐚𝐫𝐢𝐥𝐚𝐨,
Ipanalangin mo Kami!
𝐒𝐀𝐍 𝐓𝐀𝐑𝐒𝐈𝐂𝐈𝐎 𝐍𝐆 𝐑𝐎𝐌𝐀, Ipanalangin mo Kami!
🖊️: Bro. Pierre Ezekiel D. Nieva
🖼️: Bro. Joaquin Chrisantino N. Saludares