15/05/2026
🙏✝️ “PASTOR KA NA, BAKIT NAGTATRABAHO KA PA?” ✝️🙏
Ito po ang sagot ko sa mga nagtatanong…
Hindi po porket pastor ay mayaman na. Hindi rin po ibig sabihin na kapag pastor ka, obligado nang akuin ng simbahan ang lahat ng gastusin mo at ng pamilya mo.
Bilang pastor, may pamilya rin po akong binubuhay. May bayarin din sa bahay. May pangangailangan din tulad ng ibang tao. Kaya habang kaya pang kumita, magsisikap po ako kaysa umasa lamang sa church.
Ang totoo, kung alam n’yo lang ang kalagayan ng maliliit na ministry — minsan kulang pa ang budget para sa renta ng church, kuryente, tubig, at iba pang gastusin. Dagdag pa ang mga estudyante at mga taong tinutulungan ng ministry.
Kaya kung minsan may post ang church na humihingi ng tulong, ito po ay para maipagpatuloy ang gawain ng Diyos at makatulong sa mga nangangailangan.
📖 “Ang bawat isa ay magbigay ayon sa ipinasiya ng kanyang puso, hindi mabigat sa loob o napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang masaya.”
— 2 Corinto 9:7
📖 “Lahat ng inyong ginagawa ay inyong gawin nang buong puso, na gaya ng sa Panginoon at hindi sa tao.”
— Colosas 3:23
Hindi ko ikinahihiya ang pagtatrabaho habang naglilingkod sa Diyos. Mas ikinahihiya ko ang maging tamad at umasa sa iba kahit kaya pang magsikap.
Sa lahat ng sumusuporta, tumutulong, at nagdarasal para sa ministry — maraming salamat po. Hindi man namin masuklian ang lahat, ang Diyos ang bahalang magbalik ng siksik, liglig, at umaapaw na pagpapala sa inyong buhay. 🙏❤️
Minsan, ang pastor hindi lang nangangaral sa pulpito… lumalaban din sa realidad ng buhay.