24/08/2026
PAGLALAKBAY NI SAN BARTOLOME | Agosto 24
Sa Ebanghelyo para sa Kapistahan ni San Bartolome (Natanael), makikita natin ang habag at patnubay ng ating Panginoong Hesukristo sa isang taong naghahanap ng katotohanan. Bagamat nagkaroon si Bartolome ng pag-aalinlangan dahil sa kanyang limitadong pag-unawa sa mga propesiya tungkol sa Mesiyas, nakita ni Hesus ang katapatan at mabuting pagnanais sa kanyang puso. Ang imahe ng hagdan na ginagalawan ng mga anghel ay paanyaya ng Diyos upang ang ating pananampalataya ay patuloy na umakyat at lumago patungo sa langit. Mula sa “Church Militant,” tayo ay inaanyayahan ni Kristo na maging miyembro ng “Church Triumphant,” kung saan tayo ay tinatawag na makabahagi sa walang hanggang kaluwalhatian sa pamamagitan ng paglilinis ng Kanyang Sagradong Dugo.
Upang maabot ang layuning ito, mahalagang maunawaan natin ang kahalagahan ng hindi pagpapadungis sa ating kaluluwa sa pamamagitan ng mga makamundong kaaliwan at kasalanan katulad ng malinis na tubig na narurumi kapag nahaluan ng putik. Tulad ng pagtugon ni San Bartolome sa paanyayang “Halika’t tingnan mo,” inaanyayahan din tayo ni Kristo na lumapit sa Kanya sa Banal na Eukaristiya at sa panalangin. Kahit na minsan ay tahimik ang Diyos o wala tayong nararamdamang emosyon sa Misa at debosyon, buong-pananampalataya nawa nating kilalanin ang Kanyang totoong Presensya sa anyo ng Banal na Tinapay sa Sakramento ng Eukaristiya at magpatuloy sa paglalakbay patungo sa Kanyang Kaharian.
San Bartolome, ipanalangin mo kami. Amen. +
Chris Alphonsus J. Terence | Desamparados de Marikina Communications Ministry