05/08/2022
Tila isang bangungot kung maituturing ang lahat ng mga nagdaang pangyayaring bunga ng hamon na bigay ng kalikasan. Gaano man katagal mula ng manalasa ang mga sakuna, kalamidad o ang mga delubyong yaon ay hindi natin maiaalis ang takot, pighati, at lungkot sa mga naging biktima ng mga ito. Libo-libong mamamayan ang nawalan ng ilan sa kanilang mahal sa buhay, at mga tahanang ilang buwan o taon nang naging silungan. Ang akalain ng nakararami na matatatag na gusali at imprastraktura ay hindi rin nakaligtas na siyang nakalaan sa pagbibigay ng pang-araw-araw na pangangailangan ng nakararami maging sa pagbibigay ng kasiyahan o mas kilala sa katawagang pook libangan.
Tunay na nakagigimbal at nakapanghihina ang ganitong tanawin sa oras na matapos na ang sakuna. Kabi-kabilang balita ang mauulinigan at mababasa mula sa telebisyon, radyo, pahayagan, at maging sa social media. Samantala, mapapansing sa paglipas ng panahon, tila kabuteng sumusulpot ng sunod sunod ang mga sakunang kinahaharap ng sambayanang Pilipino. Tinatayang dalawampu't dalawang (22) tropical cyclones ang tumama sa bansa noong kasagsagan ng pandemya noong taong 2020 at labin limang (15) tropical cyclones naman ang nanalasa sa bansang Pilipinas noong taong 2021 ayon sa taunang pagsubaybay ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa nasabing aspeto.
Gaya ng isang palaisipan, sumasagi sa isipan ang mga katanungan at isa na rito ay kung paano nga ba nalagpasan ng mga Pilipino ang isang unos matapos lamang ng isang unos. At gaya rin ng isang palaisipan, ika’y mapapangiti sa pagkakataong sumagi na sa iyong isipan ang kasagutan at ito ay ang taglay na kapangyarihan ng pagkakaisa at katatagan na mayroon ang sambayanang Pilipino. Tila isang akda na ang dyanra ay kathang-isip, dahil sa mahikang bumabalot sa bansa at sa mga nasasakupan nito ay hindi nagiging daglian ang pagsira sa kalakasan at katamanan ng sambayanang Pilipino. Ngunit ang realidad ng hiwaga ay bunsod lamang ng nananatiling matatag na kaugalian at katangian ng bawat Pilipino. Sa kabila ng mga nasabing kaganapan at sa pagtatapos ng ulan ng kalungkutan at pighati, laging matutunghayan ang pagsisimula ng bahaghari ng pag-asa sa nakararami dulot ng pagkakaroon ng buhay na pagkakaisa at pagtutulungan.
Mula sa mga mapapait na tagpong ito ay nabubuo ang sistema ng pagpapaigting, pagpatibay at ang pagpapaunlad sa kakayahan ng lahat na maging handa at maiwasan ang mas malaking pinsalang maaaring matamasa ng bawat isa o ng buong komunidad. Sa yugtong ito rin isinasaalang-alang ang pangunahing layunin na matamasa ang maunlad na kinabukasan na siyang inaasam ng lahat. Binibigyang diin ang kahalagahan ng kaalaman sa pamamagitan ng mga impormasyon mula sa mundo ng teknolohiya. Matatagpuan sa mga ito ang pagkakaroon ng diskusyon ukol sa iba't ibang isyung maiuugnay sa mga sakuna gaya ng pagbabago ng klima o climate change maging ang pagbubukas ng kamalayan ng lahat ukol sa mga responsibilidad sa kalikasan.
Mapapansing may kakulangan sa mga paraan na nabanggit at yaon ay ang aksyon. Bagaman nananatili pa rin ang nakararami sa ilalim ng pandemya kung saan hinihiling ang lahat na manatili sa kani-kaniyang mga bahay, ngunit sa pamamagitan ng aksyon, ang bahaghari ng pag-asa tungo sa maunlad na kinabukasan ay mas magiging matagumpay. Kung ang pagtatanim ng binhi ng isang puno ay magdudulot na ng kasiyahan sa kalikasan, paano pa kaya kung ang bawat mamamayang Pilipino ay makikiisa rito? Kung ang pagsasabuhay ng isang indibidwal sa aspeto ng reduce, reuse, recycle ay magdududlot na ng kagalakan sa kalikasan, paano pa kaya kung bawat isa sa mga mamamayang Pilipino ay makikiisa sa aktibidad na ito? Kung ang pagtatapon sa tamang basurahan ay nakapagbibigay kaligayahan na sa kalikasan, paano pa kaya kung ang bawat isa sa atin ay isasabuhay ang napakagandang kaugaliang ito?
Ang kamalayan, kaalaman, at aksyon ay ang mga pangunahing salik na magbibigay daan sa kaunlaran at sa pagsasabuhay ng mga ito, hindi lamang kasiyahan ng kalikasan ang may kasiguruhan kundi maging ang kaligayahan ng bawat mamamayan. Sa panahong ang kalikasa’y magbabalik at maghahandog ng kaniyang pasasalamat, hindi ito magiging kasing dilim at nakakatakot na gaya ng isang bangungot. Ito’y magiging isa nang mapayapang panaginip kung saan ang ulan ng kalungkutan at pighati ay mapapalitan ng ulan tungo sa kasaganahan na susundan ng bahaghari ng magandang kinabukasan.