26/01/2026
ANO BA ANG TINATAWAG NA "COLOSSIAN HERESY"?
-Bro. Denmar Santiago (SDA Evangelist, Apologist & Theologian)
Ang “Colossian heresy” ay halo-halong katuruan (syncretism) na tinutuligsa ni Apostol Pablo sa kanyang palibot-liham sa mga taga‑Colosas. Lumaganap ito sa iglesya sa Colosas at nagbabanta laban sa kaayusan at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang pangunahing katuruan na bumubuo sa heresiyang ito ay ang mga sumusunod:
1. Ang pagsipsip ng pilosopiyang Griyego na may dulot ng kaisipang higitan ang kaalaman ng Dios (Col. 2:8).
2. Asceticism o penitensiya, na sa panlabas na anyo ay "kabanalan" subalit hindi nakabubura ng kasalanan (Col. 2:21).
3. Ang pagsamba sa mga anghel at pagturing sa kanila bilang tagapamagitan sa Dios (Col. 2:18).
4. Proto-Gnostic o pagtanggi sa pagka-Dios ni Cristo.
5. Ang legalismong pagpapatupad ng mga Seremonyal na Kautusan (Col. 2:16).
Kaya, sa kanyang sulat ay tinugunan ni Apostol Pablo ang mga naturang maling katuruan upang bigyan ng babala at paalalahanan ang mga mananampalataya sa Colosas:
1. Na kay Cristo lamang ang kaganapan ng karunungan (Col. 2:3, 9).
2. Natutupad sa katauhan ni Jesus ang mga Seremonyal na Kautusan (Col. 2:16).
3. Ang kabanalan ay hindi sa pagpapakasakit, kundi ang pagsunod kay Cristo (Col. 3:17).
4. Si Jesus ang Ulo na dapat sambahin at tanging Tagapamagitan (Col. 1:18, 2:19).
5. Si Jesus ay tunay na Dios (Col. 2:9).
Ito ang konteksto ng sulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Colosas na minsang ginagamit ng mga tumutuligsa sa pangingilin ng Sabbath. Ang gayong uri ng pag-aaral ay hindi matatagpuan sa intensyon ni Apostol Pablo.
Sa halip, hindi marapat isipin ninuman na hindi umaayon si Apostol Pablo sa pangingilin ng Sabbath (prinsipyo) kundi hindi siya sumasang-ayon sa pamamaraan (manner) ng mga taga-Colosas kung papaano nila ipinapangilin ang Sabbath na kung saan ay dapat inilalagak para sa Panginoon subalit inilalagak nila sa pagsamba sa mga anghel (Col. 2:18).