21/08/2026
𝗙𝗔𝗠𝗜𝗟𝗬 𝗔𝗟𝗧𝗔𝗥
Sabado, Agosto 22, 2026
𝗣𝗔𝗚𝗕𝗔𝗦𝗔 𝗦𝗔 𝗕𝗜𝗕𝗟𝗜𝗔
Isaias 43:1–7
𝐒𝐔𝐒𝐈𝐍𝐆 𝐓𝐀𝐋𝐀𝐓𝐀
Sinabi ni Jesus, “Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa, at kilala rin nila ako.” — Juan 10:14
ANG MABUTING PASTOL
“Ang posisyon ay para sa iyo, ngunit kailangan mong tanggapin ito sa loob ng dalawang oras.” Ito ang mensaheng natanggap ko pag-uwi ko sa bahay, at agad akong napaharap sa isang matinding pag-aalinlangan. Nais kong tanggapin ang bago at mas mapanghamong posisyong ito, ngunit natakot akong gumawa ng isang napakalaking pasya para sa aking sarili at sa aking pamilya sa napakaikling panahon. Kakailanganin kong iwan ang trabahong mahal ko. Kailangan naming ipagbili ang aming tahanan, iwan ang aming pamilya sa simbahan at mga kaibigan, at lumipat nang 350 milya ang layo. Paano kung hindi maging maayos ang lahat?
Palakad-lakad ako sa aming tahanan habang sumisigaw sa Diyos, “Ano po ang dapat kong gawin?” Habang lalo akong nananalangin, lalo rin akong dinadalaw ng takot at pangamba. Ngunit malinaw kong narinig, “Hindi ba ikaw ay akin? Hindi ba’t inaalagaan ko ang mga akin?” Agad nawala ang aking takot; ako ay pag-aari ni Jesus, at Siya ang sasama at mag-aalaga sa amin. Kaya tinanggap ko ang posisyon.
Pagkatapos naming lumipat, nakatagpo kami ng isang kahanga-hangang pamilya sa simbahan at nagkaroon ng maraming mabubuting kaibigan. Napakalaking kayamanan ang katiyakang ito — na anuman ang problemang harapin ko, ako ay pag-aari ng Diyos, at Siya ay nagmamalasakit sa akin! Hindi na kailangang matakot o mabahala, sapagkat si Jesus ang ating Mabuting Pastol at Siya ang mag-aalaga sa atin.
𝐈𝐒𝐈𝐏𝐈𝐍 𝐍𝐆𝐀𝐘𝐎𝐍𝐆 𝐀𝐑𝐀𝐖
Si Jesus ang ating Mabuting Pastol. Siya ay nagmama-lasakit sa atin.
𝗜𝗣𝗔𝗣𝗔𝗡𝗔𝗟𝗔𝗡𝗚𝗜𝗡
Mga taong lumilipat ng tirahan dahil sa trabaho
𝗣𝗔𝗡𝗔𝗟𝗔𝗡𝗚𝗜𝗡
Mapagmahal na Diyos, salamat sa pagpapadala mo ng Iyong anak na si Jesus, na nag-alay ng kanyang buhay para sa amin, tumanggap sa amin bilang kanyang pag-aari, at nagmamalasakit sa amin. Amen.
(G.) Bob Tilley — Texas, USA)
The Upper Room
Kasama ni Jesus