05/04/2026
Isang Pahina Mula sa Paghayo
Kung may isang bagay na hindi ko inaasahan sa buhay ko, iyon ay ang mabago ng paghayo.
Noon, iniisip ko na ang paghayo ay simpleng pagsama lang kay Pastor, pagkatok sa mga bahay, pakikipag-usap, pag-anyaya pabalik sa pagsamba. Akala ko, misyon iyon para sa kanila. Hindi ko alam na misyon din pala iyon para sa akin.
May isang araw na tumatak talaga sa puso ko.
Naglalakad kami papunta sa isang bahay. Tahimik ang paligid. Habang naglalakad, ang tanong sa isip ko ay, “Bakit kaya hindi na sila sumasamba?” May kaunting pag-aalala, pero may halong paghusga rin na hindi ko man aminin noon, naroon.
Pagdating namin, binuksan nila ang pinto. Ngumiti sila. Maayos ang bahay. Walang halatang problema. Pero habang tumatagal ang usapan, unti-unting lumabas ang katotohanan—pagkawala ng trabaho, sunod-sunod na problema, mga gabing hindi na alam kung paano magsisimula ulit.
Tahimik lang akong nakaupo habang nagsasalita si Pastor. Hindi siya agad nagpaalala. Hindi siya agad nagbanggit ng obligasyon. Una niyang tinanong, “Kumusta po kayo?”
At doon ko nakita ang isang bagay na hindi ko nakita noon sa pulpito
ang puso ng isang pastor na mas gustong umunawa kaysa manita.
Habang nakikinig ako sa kwento nila, may kumurot sa puso ko. Naisip ko, “Kung ako kaya ang nasa sitwasyon nila, magiging consistent pa rin ba ako? O ako rin kaya ang mapapagod?”
Doon ko na-pagtanto na hindi lahat ng lumalayo ay tumatalikod. May ilan na nadapa lang at nahiya nang tumayo. May ilan na sugatan lang at hindi alam kung paano bumalik.
Sa sandaling iyon, may binago ang Diyos sa loob ko.
Simula noon, tuwing sasama ako sa paghayo, hindi ko na dala ang tanong na,
“Bakit sila hindi sumamba?”
Kundi ang panalangin na,
“Panginoon, paano Mo po sila minamahal sa gitna ng pinagdadaanan nila?”
Sa bawat bahay na binubuksan namin, parang may pahina akong binabasa—pahina ng buhay ng tao na hindi ko kayang husgahan dahil hindi ko naman pinagdaanan.
Natuto akong manahimik.
Natuto akong makinig.
Natuto akong umiyak sa panalangin para sa iba.
At higit sa lahat, natuto akong aminin na habang iniisip kong kasama ako sa pagdalaw sa mga kapatid, ako pala ang dinadalaw ng Diyos.
Dinadalaw Niya ang puso kong mabilis humusga.
Dinadalaw Niya ang puso kong minsan akala ko mas matatag kaysa sa iba.
Dinadalaw Niya ako para ipaalala na pare-pareho lang kaming nangangailangan ng biyaya.
Ngayon, kapag naglalakad ako papunta sa isang bahay para sa paghayo, hindi na ito basta pagpunta. Isa na itong banal na sandali, isang pagkakataon para makita kung paano kumikilos ang Diyos sa mga tahanang tila tahimik pero may mga laban na hindi nakikita.
Kung ito man ang patotoo ko, ito iyon:
Sa paghayo, hindi ko lang nakita ang sugat ng iba
nakita ko rin ang kabutihan ng Diyos na hindi napapagod kumatok.
At sa bawat katok na iyon, may paalala
na ang simbahan ay hindi lang gusali,
ang pananampalataya ay hindi lang pagdalo,
at ang pagmamahal ng Diyos ay hindi kailanman umaalis sa bahay na minsang napuno ng panalangin.
Sa paghayo, natutunan kong ang tunay na ministeryo ay hindi lang pagsasalita tungkol sa Diyos
kundi ang pagdala ng Kanyang puso sa mga taong akala nila ay nakalimutan na sila.
At sa bawat pag-uwi ko, pagod man ang katawan ko, buo naman ang puso ko
dahil nakita ko kung gaano kalalim magmahal ang Diyos…
at kung gaano Niya ako binabago, hakbang sa bawat paghayo.
-Mikyla Ysabelle M. Rozano
Submit your entries here: https://forms.gle/B6FveCsQf5p7v6B99