07/07/2020
Isa pang pangakong natupad: UdM, may fiscal autonomy na!
Tulad ng ipinangako ko sa pagsisimula pa lamang ng aking panunungkulan, nilagdaan ko na ang Ordinansa na nagkakaloob ng fiscal autonomy sa Universidad de Manila (UdM) pagkaraan ng 25 taon bilang isang Higher Educational Institution (HEI).
Ang magandang balitang ito ang sasalubong sa muling pagbubukas ng UdM para sa school year 2020-2021 kahit tayo ay nasa gitna ng pandemya.
Maraming salamat po sa ating mga katuwang sa Manila City Council sa pangunguna ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan sa pagkakapasa ng Ordinance No. 8635 na nag-amyenda sa original charter ng UdM.
Batay sa Ordinance No. 8635: "UdM shall be treated as an independent and institutional department of the City of Manila wherein the management of fiscal, human resources, and all other assets shall be within its control."
Naalala ninyo ang sabi ko noon? Let the educational institutions owned by the city government run by the academicians and not by politicians.
Kaya hangarin po natin na ang UdM sa pamamagitan ng bagong Ordinansa na ito, katulad ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), ay higit pang maging epektibo sa paglinang ng kaisipan at karakter ng mga Batang Maynila tungo sa isang produktibo at responsableng Manilenyo at bilang isang Filipino.