22/07/2026
HOMILY TRANSCRIPT | “Announcing Her Lord’s Resurrection”
Fr. Daniel Voltaire Hui | University Chaplain of Philippine Women’s University, Manila
July 22, 2026 | Wednesday
Feast of Saint Mary Magdalene
Gospel : John 20:1-2, 11-18
Biblical: Ngayong araw na ito ay ginugunit natin si Maria Magdalena. Alam natin sa kuwento sa bibliya na si Maria Magdalena ay isang babae na pinagaling ni Hesus mula sa 7 demonyong sumasapi sa kanya. Pero bukod dito, mas kilala natin siya na isang pr******te kahit na wala namang sinabi direkta at walang patunay tungkol dito. Kaya’t kung papansinin, si Maria Magdalena ay kilala ng lahat bilang isang makasalanang babae. Kilala siya dahil sa kanyang kasalanan at sinasabing “kasamaan” at hindi sa kanyang kabutihan at kagandahan.
Reflection: Grabe din naman minsan ang tao ano? Kung ano ang masama o pangit, iyon ang tumatatak sa isang tao. Kapag nagtatanong tungkol sa isang tao, madalas inilalarawan natin ito sa kung ano ang hindi maganda.
Si Aling Maring yung mataba na tindera sa kanto.
Yung adik na laging naglalakad nang naka hubad pag gabi.
Sino pa ba edi yung chismosa ng Camba.
Siya yun, yung madalas makita sa sugalan.
Ganiyan minsan kung kumilala ang tao, kung ano ang pangit at masama.
Biblical: Pero iba ang ipinapakita at pagpapakilala sa atin ng Ebanghelyo at marahil sa ganito gustong ipakilala ni Hesus si Maria Magdalena. Matapos ilibing si Hesus, si Maria Magdalena ang unang taong pinagpakitaan ni Hesus. Dahil siya ang unang dumalaw sa kanyang libingan. Siya ang unang nakaalam na wala na ang mga labi ni Hesus.
Iyak ng iyak itong si Maria Magdalena at ang hindi niya alam, kaharap na niya si Hesus. Inakala pa niyang hardinero ito. Pero nakilala niya si Hesus nang tawagin ang kanyang pangalan. Siya rin ang inutusan ni Hesus na ibalita sa kanyang mga alagad na siya ay muling nabuhay.
Contemporary: Sa buhay natin, kapag mayroon tayong isang sikreto o kaya balita na nais ipaalam o sabihin, una natin itong sinasabi hindi ba sa isang taong malapit sa atin. Pwede din naman sa taong espesyal sa atin. Ganun din sa taong pinahahalagahan natin. Baka yung iba sa matalik na kaibigan.
Ito ang hindi natin alam tungkol kay Maria Magdalena ang posibilidad na siya ay malapit kay Hesus. Siya ay matalik na kaibigan ni Hesus. O kaya siya ay espesyal kay Hesus.
Madalas kasi tinitignan natin ang kasalanan ng isang tao. Kaya ito ang tumatatak sa atin sa halip na kung ano ang mabuti at maganda. Minsan din ito ang tingin natin sa ating mga sarili; walang kwenta, walang silbi, palpak, patapon at kung ano ano pang hindi magaganda. Kaya sa halip na lumago tayo, napanghihinaan tayo.
Reflection: Hindi natin dapat tinitignan ng hindi maganda ang ating kapuwa, dahil hindi natin alam kung paano siya tignan ng Diyos.
Mga kapatid, Kung babalikan, makasalanan man si Maria Magdalena pero hindi siya tinignan ni Hesus gaya ng tingin ng mga tao. Sa halip, pinaramdam niya na siya ay espesyal at mahalaga. Lahat tayo, katulad ni Maria Magdalena, may bahid ng kasalanan pero hindi nangangahulugang hindi na puwedeng lumago at magbago. Dahil tandaan, sa mata ni Hesus espesyal tayo.