30/07/2026
Sharing with you the Homily Transcript of His Eminence Jose F. Cardinal Advincula during his Mass at our Chapel on the Feastday of Sts. Lazarus, Martha and Mary of Betany, July 29, 2026
Credits to the Archdiocese of Manila - Office of Communications
https://www.facebook.com/share/p/1E1FkuUe3G/?mibextid=wwXIfr
HOMILY TRANSCRIPT | Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, Mass for the Feast of Sts. Martha, Mary and Lazarus, San Lazaro Chapel, July 29, 2026
Reberendo Padre Raul Belludo, ang ating chaplain, mga minamahal na kapatid na pari at diyakono, mga medical front liners, mga minamahal na kapatid kay Kristo,
Sa masayang pagdiriwang natin ngayon ng kapistahan ng mga banal na kaibigan ni Hesus sa Betania, nais kong ibahagi ang tatlong aral na maaari nating baunin sa ating buhay Kristiyano: ang bukás-palad na pagtanggap ni Marta, ang matapang na pananampalataya ni Maria, at ang matatag na pag-asa ni Lazaro.
Una ay ang bukás-palad na pagtanggap ni Marta. Isinasalaysay ng Ebanghelyo ni San Lucas na malugod na tinanggap ni Marta si Hesus at ang Kanyang mga kasamahan sa kanilang tahanan sa Betania. Hindi mahirap isipin kung gaano kalaking abala ang idinulot nito. Biglaan niyang kinailangang ihanda ang kanilang bahay hindi lamang para kay Hesus kundi pati sa Kanyang mga alagad, at marahil maging sa mga kapitbahay na nagnanais ding makita at mapakinggan ang Panginoon. Maraming paa ang huhugasan, maraming pagkain ang ihahain, maraming higaan ang ihahanda, at maraming taong pakikinggan. Siguro’y nagkagulo sa kanilang tahanan at pansamantalang nasira ang kaayusang maingat nilang pinangangalagaan. Ngunit handang isantabi ni Marta ang kanyang mga plano, ang kanyang kaayusan, at maging ang kanyang kaginhawaan upang ang Panginoon ay tunay na matanggap—hindi ayon sa gusto niya, kundi ayon sa nais, pangangailangan, at pag-ibig ni Hesus.
May puwang pa ba ang Panginoon sa ating buhay, o nais nating umayon Siya sa ating schedule, sa ating kagustuhan, at sa ating kaginhawaan? Ang tunay na pagtanggap kay Kristo ay hindi lamang pagbubukas ng pintuan ng ating tahanan kundi pagbubukas ng ating puso, lalo na kapag dumarating Siya sa katauhan ng mga mahihirap, maysakit, nag-iisa, at maging ng mga taong nakaaabala sa atin.
Ang ikalawa ay ang tapang ni Maria. Habang abalang-abala si Marta sa paghahanda sa tahanan, si Maria nama’y naupo sa paanan ni Hesus kasama ng mga nakikinig sa Kanyang pagtuturo. Sa panahong iyon, ang pagiging alagad ng isang rabbi ay itinuturing na tanging para sa mga lalaki. Kaya’t ang ginawa ni Maria ay taliwas sa nakasanayan at marahil ay hindi katanggap-tanggap sa marami. Kaya naman hiniling ni Marta kay Hesus na pagsabihan ang kanyang kapatid na bumalik sa gawaing-bahay. Ngunit sa halip na sawayin si Maria, ipinahayag ni Hesus na pinili niya ang higit na mahalaga. Tinanggap ng Panginoon ang kanyang hangaring maging alagad.
Lalong nasilayan ang katapangan ni Maria nang pahiran niya ng mamahaling pabango ang mga paa ni Hesus, gaya ng isinasalaysay ni San Juan. Hinawakan niya ang mga paa ng Panginoon—isang bagay na hindi karaniwang ginagawa ng mga babae noon. Pinahiran niya ang mga ito ng pabango na ginagamit sa paghahanda sa isang yumao, bilang tahimik na paghuhudyat ng nalalapit na pagpapakasakit ni Kristo. Ang mamahaling pabangong iyon ay kinutya ni Judas bilang pag-aaksaya, ngunit para kay Maria, walang anumang maitutumbas sa pag-ibig para sa Panginoon. Hindi siya nagsalita ng mahahabang paliwanag. Ang kanyang pag-ibig ang nagsalita—sa kanyang pagyuko, sa kanyang mga kamay, at maging sa kanyang buhok na pinampunas sa mga paa ni Hesus.
Nawa’y magkaroon tayo ng tapang na tulad ni Maria. Huwag tayong matakot na unahin si Kristo kaysa sa opinyon ng iba. Madalas nating ikahiya ang ating pananampalataya, ang ating pananalangin, ang ating pagpapatawad, o ang ating paglilingkod dahil sa pangamba sa sasabihin ng tao. Itinuturo ni Maria na ang tunay na alagad ay hindi sumusunod sa uso kundi sa Panginoon. Ang tunay na pag-ibig ay handang magmukhang hangal sa paningin ng sanlibutan alang-alang kay Kristo.
At ang ikatlo ay ang pag-asa ni Lazaro. Isipin natin sandali kung ano kaya ang naramdaman ni Lazaro nang marinig niya ang tinig ni Hesus na tumatawag sa kanya upang lumabas sa libingan. Marahil ay nahihiya na siyang humarap sa mga tao sapagkat apat na araw na siyang patay at nangangamoy na ang kanyang katawan. Marahil ay naisip niya: “Para saan pa ang muling mabuhay? Babalik lang ako sa mundong puno ng sakit, kabiguan, at tukso. Mabubuhay nga ako, ngunit haharap pa rin ako sa pagdurusa. Mas mabuti na marahil ang manatili sa katahimikan ng libingan.” Ngunit hindi siya nagpadaig sa kawalan ng pag-asa. Kilala niya ang tinig ni Hesus. Tinig iyon ng Mabuting Pastol na nag-aalay ng Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa. Tinig iyon na nagbibigay ng buhay—buhay na ganap. Kaya’t lumabas si Lazaro at naging buhay na saksi sa kapangyarihan ng pag-ibig at awa ng Diyos, taglay ang pag-asang ganap na matutupad sa Pasko ng Pagkabuhay.
Ang hamon sa atin ay pakinggan din ang tinig ni Kristo na tumatawag sa atin palabas ng ating sariling mga libingan. Maaaring ang ating libingan ay kasalanan, takot, galit, bisyo, dalamhati, o kawalan ng pag-asa. Hanggang ngayon ay tinatawag tayo ni Hesus sa ating pangalan. Ang tanong ay hindi kung tumatawag pa ba Siya. Ang tanong ay kung handa ba tayong lumabas mula sa kadilimang matagal na nating kinagisnan. Tulad ni Lazaro, nawa’y magkaroon tayo ng lakas ng loob na sumunod sa Kanyang tinig, magtiwala sa Kanyang pangako, at mamuhay bilang mga saksi ng pag-asang hatid ng muling pagkabuhay.
Hilingin natin na maisabuhay natin ang mga ito sa ating buhay Kristiyano: ang bukás-palad na pagtanggap ni Marta, ang matapang na pananampalataya ni Maria, at ang matatag na pag-asa ni Lazaro. Amen.
Photo by Maricar Santos / RCAM Media
Photogallery: https://www.facebook.com/media/set/?set=a.1053356420775949&type=3