Gotquestions Philippines

Gotquestions Philippines Mga artikulo tungkol sa Diyos at pananampalataya at iba't ibang paksa sa wikang Tagalog.

Tanong: Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kahalagahan ng pananagutan?Sagot: Sa napakaraming tukso na nasa mundo nga...
22/09/2025

Tanong: Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kahalagahan ng pananagutan?

Sagot: Sa napakaraming tukso na nasa mundo ngayon, patuloy na gumagawa si Satanas ng mas marami pa dahil alam niyang nalalapit na ang kanyang oras. Nararapat na mayroon tayong isang babae o lalaking kapatid sa Panginoon na ating maaasahan at mahihingan ng payo at tulong kung humaharap tayo sa iba't ibang mga tukso na maaaring sumira sa ating espiritwal na buhay. Nagiisa si haring David noong gabi bago siya tuksuhin ng diyablo na magkasala ng pangangalunya kay Bathsheba. Makikita na maaaring si Bathsheba ang nanukso kay David (2 Samuel 11). Ngunit sinasabi ng Bibliya na ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman kundi sa espiritwal, laban sa mga kapangyarihan at kapamahalaan na nagnanais na pabagsakin tayo (Efeso 6:12).

Dahil nalalaman natin na tayo ay nakikipagbaka laban sa pwersa ng kadiliman, kailangan natin ang tulong na ating maiipon sa ating paligid. Sa Efeso, sinabi sa atin ni Pablo na dapat tayong maarmasan ng lahat ng kapangyarihan ng na ipinagkakaloob ng Diyos upang magtagumpay sa labanan. "Kaya't isuot ninyo ang baluting mula sa Diyos. Sa gayon, makatatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng masamang araw na iyon, at pagkatapos ng inyong pakikipaglaban ay matatag pa rin kayong nakatayo" (Efeso 6:13). Nalalaman ni Pablo na kahit armasan pa natin ang ating sarili ng lahat ng pangdepensa na ipinagkakaloob sa atin ng Diyos, tao pa rin tayo at maaaring hindi natin malabanan ang mga tukso ni Satanas sa lahat ng sandali. Walang dudang nalalaman natin na darating ang tukso.

Alam ni Satanas ang ating mga kahinaan at alam niya kung kailan tayo mahina. Alam niya kung nagaaway ang isang magasawa at ang kung nararamdaman ng bawat isa na may isang higit na makakaunawa sa kanila. Alam ni Satanas kung ang isang bata ay pinarurusahan ng kanyang mga magulang at nakakadama ng pagrerebelde. Alam niya kung hindi maayos ang mga nangyayari sa buhay ng isang Kristiyano. Saan tayo hihingi ng tulong matapos gawin ang lahat ng ating makakaya upang lumaban? Nais nating gawin ang tama sa harapan ng Diyos, ngunit mahina tayo. Ano ang ating gagawin?

Sinasabi ng Kawikaan 27:17, "Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal at isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan." Ang isang kaibigan ay maaaring panggalingan ng suporta at lakas ng loob. Kailan ka huling kinumusta ng isang kaibigan? Kailan mo naman kinumusta ang isa sa iyong mga kaibigan at tinanong kung kailangan niya ng makakausap? Minsan ang nawawalang sangkap upang magtagumpay tayo sa ating pakikipaglaban kay Satanas ay ang tulong at kalakasan na nagmumula sa isang kaibigan.

Sinabi ng manunulat ng Hebreo, "At sikapin nating mapukaw ang damdamin ng bawat isa sa pag-ibig sa kapwa, at sa paggawa ng mabuti. At huwag kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon gaya ng ginawa ng ilan, kundi palakasin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating nalalapit na ang pagdating ng Panginoon" (Hebreo 10:24-25). Ang pananagutan sa isa't isa ay napakahalaga sa ating pakikipaglaban sa kasalanan. Ang isang kaibigan ay maaaring gamitin ng Diyos upang palakasin, sawayin at turuan tayo at makigalak sa ating kagalakan at makiluha sa oras ng ating kalungkutan. Ang bawat Kristiyano ay nararapat na magkaroon ng isang kaibigang mananampalataya na mananalangin, makakausap at kasama niyang lalago sa pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo.

https://www.gotquestions.org/Tagalog/kahalagahan-pananagutan.html

"VERSE OF THE DAY"Kung mayroon kang katanungan patungkol sa pananampalataya, Diyos at Bibliya, maaari mo itong ipadala s...
22/09/2025

"VERSE OF THE DAY"

Kung mayroon kang katanungan patungkol sa pananampalataya, Diyos at Bibliya, maaari mo itong ipadala sa link na ito: https:|/ www.gotquestions.org Tagalog/Ipadala Katanungan-Bibliya.html


.gotquestions.org/Tagalog/

Tanong: Ano ang ibig sabihin ng ang Diyos ay tumitingin sa puso (1 Samuel 16:7)?Sagot: Kalimitan ay hinuhusgahan ng tao ...
18/09/2025

Tanong: Ano ang ibig sabihin ng ang Diyos ay tumitingin sa puso (1 Samuel 16:7)?

Sagot: Kalimitan ay hinuhusgahan ng tao ang halaga ng iba batay sa panlabas na anyo. Kapag ang ang isang tao ay matangkad, maganda ang hitsura, maganda ang katawan, at maayos magdamit, siya ay nagtataglay na ng mga katangiang pisikal na hinahangaan at kagalang-galang. Ito ang mga katangiang pisikal na hinahanap natin sa isang lider. Ngunit ang Diyos ay may ibang paraan, mayroon siyang kakayahan upang tingnan ang panloob na katangian ng isang tao. Kaya't batid ng Diyos ang tunay nating katangian dahil "sa puso Siya tumitingin."

Mababasa sa 1 Samuel 16, na dumating na ang takdang panahon ng pagtungo ni Samuel sa tahanan ni Jesse sa Bethlehem upang piliin at italaga ang susunod na hari ng Israel. Habang pinagmamasdan ni Samuel si Eliab, ang panganay na anak ni Jesse, humanga ito sa kanyang nakita. "Tiyak na ito na nga ang pinili ng Panginoon upang maging hari," sabi ng propeta (tal.6).

Ngunit sinabi ng Diyos kay Samuel, "Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan, sapagkat hindi siya ang pinili ko. Ang pagtingin ng Diyos ay hindi kagaya ng sa tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit puso ang tinitingnan ng Diyos" (1 Samuel 13:14).

Ang unang hari ng Israel na si Saul ay matangkad at makisig, at marahil ay kagaya ni Saul ang hinahanap ni Samuel kaya naman nang makita niya si Eliab na may kaparehong katangian ay inakala niyang ito na ang pinili ng Diyos. Ngunit iba ang pinili ni Yahweh upang maging hari ng Israel sapagkat noon pa man ay inihayag na ng Diyos kay Samuel na natagpuan na Niya ang taong mula sa kanyang puso (1 Samuel 13:14).

Tiningnan ni Samuel ang pitong anak ni Jesse ngunit walang pinili ang Diyos sa kanila upang maging hari dahil ang tinitingnan ng Diyos ay yaong may tapat na puso. Nang panahong iyon, ang pinaka bunsong anak ni Jesse na si David ay nagpapastol ng mga tupa, ngunit hindi man lamang nila tinawag. Matapos tingnan ni Samuel ang iba pang anak ni Jesse at walang napili sa kanila, pinasundo nila si David, at sinabi nga ng Diyos "Siya ang pinili Ko" (1 Samuel 16:12).

Si David ang pinili ng Diyos-- hindi perpekto ngunit matapat, ang taong may puso ng Diyos. Sinasabi sa Biblia na si David ay makisig (tal.12). Ang kanyang hitsura marahil ay hindi kaakit-akit. Ngunit ang puso ni David ay nahubog sa Diyos. Sa mga panahon ng kanyang pagpapastol, nakilala ni David ang Diyos bilang kanyang pastol (tingnan ang Mga Awit 23).

Ang panlabas na anyo ay maaring mapanlinlang. Hindi ito nagpapakita kung sino ba talaga ang isang tao. Hindi rin natin malalaman ang halaga, katangian, integridad, at katapatan ng isang tao sa Diyos sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa panlabas na anyo dahil ang panlabas na katangian ay mababaw. Kaya't ang moral at espirituwal na aspeto ang mas mahalaga sa Diyos.

Ang Diyos ay tumitingin sa puso. Kung titingnan natin sa Biblia, ang puso ay tumutukoy sa panloob na moralidad at buhay espirituwal ng tao. Sinasabi sa Kawikaan 4:23 na ang lahat ng ating ginagawa ay bumubukal sa puso dahil ang puso ang pinaka-sentro at bukal ng katangian kung sino talaga tayo: "Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong puno ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang naguumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi" (Lucas 6:25).

Inakala ng mga nakakilala kay Judas na siya ay matapat na alagad, subalit ang kanyang anyo ay mapanlinlang. Hindi batid ng ibang mga alagad kung ano talaga ang nasa saloobin ni Judas. Tanging si Jesus lamang ang nakakaalam sa tunay na laman ng kanyang puso: "Hindi ba't ako ang humirang sa inyong Labindalawa at ang isa sa inyo ay diyablo!" (Juan 6:70). Ang pagtingin ng Diyos ay mas mataas, mas malalim, at mas marunong kaysa sa atin (Isaias 55:8-9).

Sinasabi sa 2 Cronica 16:9a na nagmamasid ang Diyos sa buong daigdig upang sumaklolo sa lahat ng tapat sa kanya. Kayang tingnan ng Diyos ang ating puso, siyasatin ang ating mga balak, at batid niya ang mga bagay na dapat malaman tungkol sa atin (Mga Awit 139:1). Nakikita ng Diyos kung ang isang tao ay magiging tapat sa kanya dahil ang hindi nakikita ng tao ay nakikita ng Diyos.

Si Haring David ay hindi perpekto. Nagkasala siya ng pangangalunya at siya ay pumatay (2 Samuel 11). Ngunit nakita ng Diyos na si David ay may malalim na pananampalataya at buong pagtatalaga ng buhay sa Kanya at nakita Niya sa katauhan ni David na sa Kanya lamang ito umaasa, at humihingi ng lakas at gabay (1 Samuel 17:45, 47; 23:2). Nakita rin ng Diyos na kinikilala at tinatanggap ni David ang kanyang mga pagkakamali at kasalanan. Siya ang tao na may pusong handang magsisi at humingi ng kapatawaran sa Panginoon (2 Samuel 12; Mga Awit 51). Nakita ng Diyos na mahal ni David ang kanyang Panginoon dahil buong pagkataong sumasamba siya sa Diyos (2 Samuel 6:14). Si David ay taong nakakaranas ng paglilinis at pagpapatawad ng Diyos (Mga Awit 51), kaya't nauunawaan niya kung gaano kalalim ang pag-ibig ng Diyos sa kanya (Mga Awit 13:5-6). Nakita ng Diyos kay David ang malalim na personal na relasyon nito sa kanyang manlilikha at nakikita ng Diyos ang pusong katulad ng sa Kanya tuwing tumitingin Siya sa puso ni David (Mga Gawa 13:22).

Kagaya ni Samuel hindi rin natin nakikita ang nakikita ng Diyos kaya marapat lamang na umasa tayo sa kanyang karunungan. Makakaasa tayo na kapag tiningnan Niya ang ating puso ay kanyang makikita ang ating katapatan, ang ating tunay na katangian, at ang ating halaga bilang tao.

https://www.gotquestions.org/Tagalog/Diyos-tumitingin-puso.html

Tanong: Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa panunuhol/pagbibigay o pagtanggap ng suhol?Sagot: Ang suhol ay pera, pabo...
16/09/2025

Tanong: Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa panunuhol/pagbibigay o pagtanggap ng suhol?

Sagot: Ang suhol ay pera, pabor, o ibang pang kunsiderasyon na ibinibigay kapalit ng impluwensya laban sa totoo, tama at makatuwiran. Malinaw ang sinasabi ng Bibliya na ang pagbibigay o pagtanggap ng suhol ay kasalanan.

Ipinagbabawal ang pagbibigay/pagtanggap ng suhol sa Kautusan ng Diyos na Kanyang ibinigay kay Moises para sa bansang Israel, "Huwag kayong tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala" (Exodo 23:8). Inulit ang parehong pamantayan sa Deuteronomio 16:19: "Huwag ninyong pipilipitin ang katarungan at huwag kayong magtatangi ng tao ni tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa matatalino at nagpapahamak sa mga taong matuwid." Ang mga negatibong epekto ng pagtanggap ng suhol ay malinaw na itinala sa dalawang talatang ito. Pinipilipit ng panunuhol ang hustisya. Ito ay isang nakakabulag na impluwensya sa karunungan at pagkilala sa mabuti at masama. Nilalambungan nito ang katotohanan at pinipilipit ang mga salita ng mga taong dapat sana ay matuwid sa paningin ng Diyos.

Inilarawan sa Kautusan ang kaso ng panunuhol na kinasasangkutan ng pagpatay sa isang inosenteng tao. Ang isang hukom na tumatanggap ng suhol para hatulan ng kamatayan ang isang inosente ay gaya sa isang upahang mamamatay tao—dapat siyang "sumpain" (Deuteronomio 27:25). May mga insidente kung kailan hindi sinunod ang batas na ito laban sa panunuhol ang nagbunga sa mapaminsalang epekto. Ang dalawang tumestigo laban kay Nabot (1 Hari 21:4–16) at ang mga tumestigo laban kay Esteban (Gawa 6:8–14) ay maaring sinuhulan; sa parehong kaso, isang inosenteng tao ang napatay. Kung tumatanggap o nagbibigay ng suhol ang matataas na opisyal, nagiging sanhi ito ng kasamaan sa sosyedad. "Ang kaharian ay matatag kung ang hari'y makatarungan, ngunit ito'y mawawasak kung sa salapi siya'y gahaman" (Kawikaan 29:4). Ang panunuhol ay katangian ng isang tiwaling sosyedad.

Nanghula si Isaias laban sa kasamaan ng Israel ng tumalikod sila sa nagiisang tunay na Diyos at sa Kanyang mga Kautusan. Inihalintulad ni Isaias ang siyudad ng Jerusalem sa isang taksil na upahang babae; ang siyudad na dating puno ng hustisya, ngunit naging isang lugar ng rebelyon, pagpatay, at pagnanakaw. Ang kanyang mga pinuno ay umiibig sa suhol at naghahabol sa salapi pagkatapos na mabili ng suhol (Isaias 1:2–23). Hindi dapat tumahak sa landas ng kasamaan ang mga Israelita sa halip dapat nilang tularan ang Diyos sa kanilang pakikisama sa bawat isa: "Sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, Panginoon ng mga panginoon, makapangyarihan at kakila-kilabot, walang itinatangi, at hindi nasusuhulan" (Deuteronomio 10:17).

Ang pinakamasamang halimbawa ng panunuhol sa Bibliya ay ang tatlumpung salaping pilak na tinanggap ni Judas para ipagkanulo si Jesus. Ang direktang resulta ng pagtataksil ni Judas ay ang pagaresto at pagpapako kay Kristo sa krus. Sa huli, naunawaan maging ni Judas mismo na masama ang kanyang pagtanggap ng suhol. Ngunit ng subukin niyang ibalik ang salapi sa mga punong saserdote at matatanda ng Israel, tinanggihan nila iyon at tinawag na— "bayad sa buhay ng isang tao o "blood money" (Mateo 27:3–9).

Sinuhulan si Delilah para linlangin si Samson (Hukom 16:5). Hindi iginalang ng mga tao ang mga anak ni Samuel dahil sa pagtanggap ng suhol (1 Samuel 8:3). Sinuhulan ng buktot na si Haman si Haring Asuero sa pagtatangkang lupilin ang mga Hudyo (Ester 3:9). Pinabayaan ni Felix si Pablo sa kulungan sa pag-asa na makakatanggap ng suhol mula dito (Gawa 24:26). Sinuhulan ng mga punong saserdote at matatanda ng bayan ang mga sundalo na nagbabantay sa libingan ni Jesus para magsinungaling sa totoong dahilan ng pagkawala ng katawan ni Jesus (Mateo 28:12–15). Sa bawat kaso, ang mga tumatanggap ng suhol ay walang pagmamalasakit sa katotohanan o hustisya.

https://www.gotquestions.org/Tagalog/bibliya-suhol-panunuhol.html

Napapansin ko na binibigyan ng higit na malaking atensyon ang usapin tungkol sa katanungang “Ang Diyos ba ay buhay?” Lum...
11/09/2025

Napapansin ko na binibigyan ng higit na malaking atensyon ang usapin tungkol sa katanungang “Ang Diyos ba ay buhay?” Lumabas sa pinakahuling pagsusuri, na higit sa siyamnapung porsiyento ng populasyon ang naniniwala na mayroong Diyos o isang Lumalang na higit na Makapangyarihan sa lahat. Gayun pa man, tila nakaatang na sa balikat ng mga naniniwala sa Diyos ang pagpapatunay na ang Diyos nga ay buhay. Totoong mahirap itong patunayan ngunit lalo namang hindi mapapabulaanan na ang Diyos ay buhay. Ayon sa Banal na Kasulatan, kailangan nating tanggapin ang katotohanang ang Diyos ay buhay sa pamamagitan ng pananampalataya, “At hindi kinalulugdan ng Diyos ang hindi nananalig sa Kanya. Sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat maniwalang may Diyos, at Siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa Kanya” (Hebreo 11:6).

Kung nanaisin lamang ng Diyos, walang kahirap-hirap para sa Kanya na patunayan na Siya nga ay buhay. Subalit kung gagawin Niya ito, mawawalan ng saysay ang pananampalataya ng tao. “Sinabi sa kanya ni Hesus, “Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo Ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila Ako nakikita” (Juan 20:29).

Hindi ito nangangahulugan na walang katibayan na magpapatunay na ang Diyos ay buhay. Idineklara ng Banal na Kasulatan na “Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila! Malinaw na nagsasaad kung ano ang Kanyang gawa! Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang, patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi't araw. Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay, at wala ring naririnig na kahit anong ingay; Gayon pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig, ang balita'y umaabot sa duluhan ng daigdig” (Awit 19:1-4). Tingalain natin ang mga tala, isipin natin ang kawalang hanggan ng kalawakan, masdan natin ang kamangha-manghang kalikasan, sulyapan natin ang kagandahan ng takipsilim - ang lahat ng ito ay nagtuturo na may Diyos na Lumikha. Dagdag pa rito ay ang katibayan ng Diyos na nasa kaibuturan ng ating mga puso. Sinasabi sa aklat ng Mangangaral 3:11, “Iniangkop Niya ang lahat ng bagay sa kapanahunan, ang tao'y binigyan Niya ng pagnanasang alamin ang bukas.” Sa kaibuturan ng ating mga puso ay narito ang pagkilala na mayroong mga bagay na nakahihigit sa kalagayan ng kasalukuyang buhay at mayroong higit na Makapangyarihan sa lahat. Sa isipan ng tao ay maaari nga niyang balewalain ang kaalamang ito, ngunit ang presensya ng Diyos sa atin ay lagi nating kasama. Sa kabila ng lahat ng ito, may babala ang Banal na Kasulatan na mayroon pa ring ilan na tatanggihan ang Diyos, “Ang sabi ng hangal sa kanyang puso, 'Wala namang Diyos'.” (Awit 14:1). At sapagkat higit sa siyamnapung porsiyento (90%) ng tao sa kasaysayan, sa lahat ng kalinangan o kultura, sa lahat ng kabihasnan, at sa lahat ng lupalop ng daigdig, ay naniniwalang buhay ang Diyos - nararapat lamang na alamin ang pinagmulan ng ganitong paniniwala.

Para sa karagdagang ebidensya na mayroong buhay na Diyos maliban sa kapahayagan ng Banal na Kasulatan, mayroon pang ibang mga argumentong pilosopikal na magpapatunay dito: Una ay ang argumentong ontolohikal (ontological argument). Ang pinakatanyag na anyo ng pangangatuwirang ontolohikal ay gumagamit ng pilosopiya upang patunayan na ang Diyos ay buhay. Ito'y nagsisimula sa pagbibigay ng kahulugan sa Diyos “bilang isang dakilang persona na totoo sa kaisipan ng tao.” Kaya nga, ipinagpapalagay ng argumentong ito, na kung ang Diyos ay normal na naiisip at totoo sa isipan ng tao, tiyak na ang normal na naiisip ng tao na hindi lamang galing sa mga aklat at ang mga kuwentong gawa gawa ng tao kundi totoo din ito sa realidad. Sapagkat paano maiisip ng tao ang isang bagay na hindi niya pinag-aralan o natutunan? Pinatutunayan nito na ang may isang buhay na Diyos naiisip ang tao na nakahihigit kay sa walang buhay, kung kaya't ang pinakadakilang persona na naabot at nabuo sa kaisipan ay tiyak na nabubuhay din naman sa realidad. Kung ang Diyos ay hindi buhay, hindi Siya maiisip ng tao at hindi Siya maituturing na pinakamakapangyarihan sa lahat - at iyan ay salungat sa mismong naiisip ng tao patungkol sa Diyos.

Ang ikalawang argumento ay ang teleolohikal (teleological argument). Pinaniniwalaan nito na ang nakikita ng tao na kahanga-hangang sangnilikha ay nagpapatunay lamang na mayroong Makapangyarihan at Matalinong persona na Siyang nagdisenyo ng mga iyon. Halimbawa na lamang na kung ang ating mundong tinatahanan ay naging napakalapit o di kaya ay napakalayo sa araw, hindi nito kakayaning suportahan ang maraming nilalang na nabubuhay sa mundo sa nakaraan at kasalukuyan. Kung ang mga elemento sa himpapawid ay nagkulang o nadagdagan ng kahit kaunting porsiyento lamang, bawat bagay na nabubuhay sa buong sangkalupaan ay mangamamatay. Ang hindi-pangkaraniwan at di-inaasahang pagkakataon na magkaroon ng anyo at buhay ang isang molekula ng protina ay isa (1) sa sampu (10) na may 243 na 0. Ang nakamamangha ay naglalaman ng milyon-milyong molekula ng protina ang isang selula.

Ang ikatlong argumento ay ang tinatawag na argumentong kosmolohikal (cosmological argument). Ang bawat anyo, bagay, resulta at pangyayari ay may pinag-ugatan, sanhi, at pinagmulan. Ang sanlibutan at lahat ng bagay na nakikita sa kalikasan ay hindi aksidente lamang kundi may tiyak na pinanggalingan. Kaya't natural lamang na isipin na mayroong pasimula at sanhi kung bakit nananatili ang mga ito. Sa kahuli-hulihan, kailangang may Isang “walang-pinagmulan at walang-hangganan” ng sa ganoon ay mapanatili ang lahat ng mga bagay na naririto. At ang “walang-pinagmulan at walang-hangganang” ito ay ang Diyos.

Ang ika-apat ay ang argumentong moral (moral argument). Ang bawat kalinangan o lipunan sa kasaysayan ng tao ay may pinagbatayang batas o alituntunin. Ang bawat isa ay may kamalayan kung ano at alin ang tama o mali. Ang pagpatay, pagsisinungaling, pagnanakaw, at kalaswaan ay itinatakwil at di katanggap-tanggap ng halos lahat ng tao at lahat ng lipunan sa buong mundo. Saan at kanino nagmula ang kamalayan at kaalaman kung ano at alin ang tama o mali kung hindi sa Banal na Diyos?

Sa kabila ng lahat ng ito, sinasabi sa Banal na Kasulatan na tatanggihan pa rin ng tao ang napakalinaw at di-maitatatwang katibayan ng pagkakaroon ng Diyos at sa halip ay paniniwalaan nila ang kasinungalingan. Sinabi ni Pablo sa Roma 1:25 na, “Tinalikdan nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at pinalitan ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang nilalang sa halip na ang Lumalang na Siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.” Ipinahahayag din ng Banal na Kasulatan na walang dahilan ang tao para hindi paniwalaan ang Diyos, “Mula pa nang likhain Niya ang sanlibutan at ang kalikasang di-nakikita, ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay maliwanag na inihahayag ng mga bagay na ginawa Niya. Kaya't wala na silang maidadahilan” (Roma 1:20).

Pinili ng mga tao na hindi maniwala sa Diyos dahil wala ito diumanong “siyentipikong katibayan.” Ngunit ang ang tunay na katuwiran ay makakamit lamang kapag tinanggap ng tao na may Diyos. Nakasalalay dito ang pangunawa ng tao na may pananagutan sila sa Diyos, at nangangailangan sila ng Kanyang kapatawaran (Roma 3:23; 6:23). Kung ang Diyos ay buhay, samakatuwid ay pananagutan natin sa Kanya ang ating mga ginagawa. Ngunit, kung hindi totoong may Diyos, magagawa natin ang anumang ating naisin na wala tayong pag-aalala sa Kanyang paghatol. Kung kaya't naniniwala ako na ganon na lamang ang pagtangkilik ng maraming tao sa mundo sa itinuturo ng teorya ng ebolusyon (theory of evolution) - upang bigyan ang mga tao ng dahilan na huwag maniwala sa Diyos na Lumikha.

Ang Diyos ay buhay, at sa huling sandali, sa Araw ng Paghuhukom, ang bawat tao ay tiyak na maniniwala na may Diyos na buhay sa ayaw nila at sa gusto. Sa pagtatangka ng marami na pasinungalingan na may buhay na Diyos, lalo lamang pinatutunayan ng kanilang pangangatuwiran na talagang may buhay na Diyos.

Narito ang isa pang pangangatuwiran na ang Diyos ay buhay. Paano ko malalaman na buhay ang Diyos? Alam kong buhay ang Diyos sapagkat kinakausap ko Siya bawat araw. Hindi ko naririnig ang kanyang tinig ngunit nadarama ko ang Kanyang presensiya, nararamdaman ko ang Kanyang paggabay, nararanasan ng aking puso ang Kanyang pag-ibig at minimithi ko ang Kanyang mga pagpapala. Maraming mga pangyayari sa aking buhay na maipaliliwanag lamang ng katotohanang may buhay na Diyos at mayroon Siyang kalooban para sa akin. Isang himala na iniligtas at binago ako ng Diyos at hindi ko magagawang hindi Siya kilalanin at papurihan. Alin man sa mga pangangatuwirang ito ay hindi makahihikayat sa sinumang tahasang tumatanggi sa malinaw na pagpapaliwanag. Sa huli, ang katotohanang may Diyos na buhay ay nararapat at kinakailangang tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya (Hebreo 11:6). Ang pananalig at pagsampalataya sa Diyos ay hindi tulad sa pikit-matang paglundag sa kadiliman bagkus ito'y isang ligtas na hakbang patungo sa maliwanag na lugar kung saan naroroon ang kaligtasan.

TUNAY BA NA MAYROONG DIYOS? MAY KATIBAYAN BA NA MAGPAPATUNAY NA UMIIRAL ANG DIYOS?SAGOTNapapansin ko na binibigyan ng higit na malaking atensyon ang usapin t...

Nasusulat sa Bibliya na nakipag-usap ang Diyos sa mga tao ng maraming beses (Exodo 3:14; Joshue 1:1; Hukom 6:18; 1 Samue...
11/09/2025

Nasusulat sa Bibliya na nakipag-usap ang Diyos sa mga tao ng maraming beses (Exodo 3:14; Joshue 1:1; Hukom 6:18; 1 Samuel 3:11; 2 Samuel 2:1; Job 40:1; Isaias 7:3; Jeremias 1:7; Gawa 8:26; 9:15, ito'y ilang halimbawa lamang). Sa daan-daang beses na pakikipag usap ng Diyos sa tao sa iba't-ibang kaparaanan na itinala sa Bibliya, dapat nating tandaan na naganap ang mga pakikipagusap na ito ng Diyos sa tao sa loob ng apat na libong taon sa kasaysayan. Ang malinaw na pagsasalita ng Diyos ay isang natatanging karanasan ngunit hindi ito kinakailangang mangyari sa mga Kristiyano. Kahit na ang mga naitalang pangyayari sa Bibliya kung saan nagsasalita ang Diyos ay hindi maliwanag kung sa pamamagitan ba ng tinig buhat sa labas o sa loob, o impresyon ng kaisipan.

Totoo namang nangungusap pa ang Diyos sa mga tao sa kasalukuyan. Una, Nakikipag-usap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng Kanyang salita, ang Bibliya (1 Timoteo 3: 16-17). Sinasabi rin sa aklat ng Isaias 55: 11, “Ganyan din ang Aking mga salita, magaganap nito ang lahat Kong nasa.” Nakasulat sa Bibliya ang mga Salita ng Diyos at ang lahat ng kinakailangan nating malaman upang tayo'y maligtas at makapamuhay ng ayon sa Kanyang kalooban. Sinasabi din sa 2 Pedro 1:3-4, “Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang karangalan at kabutihan. Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas tayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos.”

Pangalawa, nangungusap sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng kumbiksyon ng Banal na Espiritu, sa mga pangyayari sa ating buhay at sa ating puso at isip. Tinutulungan tayo ng Diyos na malaman ang tama at mali sa pamamagitan ng ating konsensiya at espiritu na pinananahanan ng Banal na Espiritu (1 Timoteo 1:5; 1 Pedro 3:16). Ang mga mananampalataya ay nasa proseso ng paghubog ng Diyos sa kanilang isipan upang umayon sa Kanyang kalooban sa pamamagitan ng Kanyang mga salita (Roma 12: 2). Pinahihintulutan din minsan ng Diyos ang mga pangyayari sa ating mga buhay upang tayo ay gabayan, baguhin, at tulungang lumago sa ating buhay espiritwal (Santiago 1: 2-5; Hebreo 12: 5-11). Ipinapaalala sa atin ng 1 Pedro 1: 6-7 na, “Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang gintong nasisira ay pinaparaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay pinaparaan sa pagsubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo.”

Walang direktang sinabi sa Bibliya na maaari pang makipagusapsa pamamagitan ng naririnig na tinig ang Diyos sa mga tao ngayon. Kaduda-duda kung palagian itong nangyayari gaya ng inaangkin ng iba. Muli, sa Bibliya, ang malinaw na pangungusap ng Diyos ay isang bukod tangi at hindi isang ordinaryong pangyayari. Kung ang sinuman ay nagaangkin na nakipag-usap diumano sa kanya ang Diyos, laging dapat niyang ikumpara kung ano ang “sinabi sa kanya ng Diyos” sa sinasabi ng Bibliya dahil kung magsasalita man ang Diyos ngayon, ang Kanyang sasabihin ay tiyak na lubusang sumasang-ayon sa sa Kanyang sinasabi sa Bibliya. Kailanman, hindi sasalungatin ng Diyos ang Kanyang sarili. Sinasabi sa 2 Timoteo 3: 16-17, “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain.”

Nasusulat sa Bibliya na nakipag-usap ang Diyos sa mga tao ng maraming beses (Exodo 3:14; Joshue 1:1; Hukom 6:18; 1 Samuel 3:11; 2 Samuel 2:1; Job 40:1; Isaia...

Isinulat ni Bertrand Russel (isang tanyag na pilosopong Briton na hindi naniniwala sa Diyos) sa kanyang librong “Why I a...
11/09/2025

Isinulat ni Bertrand Russel (isang tanyag na pilosopong Briton na hindi naniniwala sa Diyos) sa kanyang librong “Why I am not a Christian” na kung totoo na ang lahat ng bagay ay may pinagmulan, samakatwid ang Diyos ay may pinagmulan din. Ayon sa kanya, kung ang Diyos ay nangangailangan ng pinagmulan kung gayon ang Diyos ay hindi Diyos at kung ang Diyos ay hindi Diyos samakatwid talagang walang Diyos. Ito ay isang kumplikadong katanungan na kahalintulad sa katanungan ng isang bata na, “Sino ang lumalang sa Diyos?” Kahit na ang mga bata ay nakakaalam na ang mga bagay bagay ay hindi nanggaling sa wala. Kung ang Diyos ay isang “bagay,” samakatwid dapat na mayroon din Siyang pinanggalingan. Tama ba ito?

Ang katanungan ay mapanlinlang at walang saysay. Ito ay katulad sa tanong na, “Ano ba ang amoy ng kulay asul?” Ang kulay asul ay wala sa kategorya ng mga bagay na mayroong amoy, dahil dito ang katanungan mismo ay hindi tama. Maihahalintulad natin ito sa pahayag ni Russel sa kanyang paghahambing sa pagitan ng Diyos at lahat ng bagay. Ang Diyos ay wala sa kategorya ng mga bagay na nilalang o mga bagay na may pinagmulan. Walang pinagmulan ang Diyos at hindi Siya isang nilalang. Siya mismo ang lumalang. Siya'y nabubuhay mula pa sa walang hanggan at wala Siyang simula at wakas. Sinasabi sa Pahayag 22:13 Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, ang una at ang huli.

Papaano natin ito matitiyak? Alam nating lahat na walang magaganap at manggagaling sa wala. Kung gayon kung may panahon man na wala talagang umiiral o nabubuhay, walang paraan upang may anumang mabuhay o umiral kung walang pagmumulan. Subalit ang mga bagay ay totoong umiiral. Samakatwid, dahil imposible na may manggaling o mabuhay mula sa wala, siguradong may Isang palagiang umiiral o nabubuhay na Siyang tiyak na pinanggalingan ng lahat ng bagay. Ang palagiang umiiral at nabubuhay na iyon ay ang Diyos.

Isinulat ni Bertrand Russel (isang tanyag na pilosopong Briton na hindi naniniwala sa Diyos) sa kanyang librong “Why I am not a Christian” na kung totoo na a...

Tanong: Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kawalang katarungan?Sagot: Maraming mga pahayag sa Bibliya tungkol sa kaw...
11/09/2025

Tanong: Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kawalang katarungan?

Sagot: Maraming mga pahayag sa Bibliya tungkol sa kawalan ng katarungan. Alam natin na pabor ang Diyos sa katarungan at alam natin na salungat Siya sa kawalan ng katarungan, kahit na sa mga pinakasimpleng sitwasyon. Ayon sa manunulat ng Kawikaan: "Ang katarungan ang pundasyon ng trono ng Diyos" (Awit 89:14) at hindi pinahihintulutan ng Diyos ang may pinapanigan, kahit na ang pinag-uusapan ay tungkol sa timbangan o isang hindi makatarungang legal na sistema (Levitico 19:15; Santiago 2:8-9). Maraming iba pang mga pahayag sa Luma at Bagong Tipan ang magbibigay sa atin ng ideya na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang kawalan ng katarungan (2 Cronica 19:7; Job 6:29; 11:14; Kawikaan 16:8; Ezekiel 18:24; Roma 9:14).

Nabuhay si Isaias sa panahon kung kailan nagsusumikap ang Juda sa kabila ng kawalan ng katarungan. "Itinakwil namin ang katarungan at lumayo kami sa katuwiran. Ang katotohanan ay nahandusay sa mga liwasang-bayan, at hindi makapanaig ang katapatan. Hindi matagpuan ang katotohanan, kaya nanganganib ang buhay ng mga tao, na ayaw gumawa ng kasamaan (Isaias 59:14–15). Simple ang mensahe sa kanila ng Diyos, "Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran; pairalin ang katarungan; tulungan ang naaapi; ipagtanggol ninyo ang mga ulila, at tulungan ang mga biyuda" (Isaias 1:17). Pagkatapos, sinabi sa kanila ng Diyos, "Palayain ninyo ang mga inaapi" (Isaias 58:6; Awit 82:3), na nagpapahiwatig na ang kawalan ng katarungan ay isang anyo ng pangaalipin at pangaapi.

Sa aklat ni Santiago, mas maiintindihan natin ang nilalaman ng puso ng Diyos tungkol sa kawalan ng katarungan. Hindi makitid ang isip at hindi mapagparusa ang Diyos. Hindi Niya pinahahalagahan ang katarungan para lamang sa kapakanan ng pagkakaroon ng kaayusan. May iba pang mas malalim na paksa na dapat pag-usapan. Sa ikalawang kabanata ng aklat ni Santiago, makikita natin ang mga pahayag ng Diyos sa mga taong may pinapanigan. Nagsalita si Santiago sa isang grupo ng mga mananampalataya na hinahatulan ang mga tao sa kanilang mga pagtitipon ayon sa kanilang antas sa lipunan. Sa puso ng tao, ang kawalan ng katarungan ay tanda ng taong may pinapanigan, pagiging mapanghusga at kawalan ng pag-ibig. Kung magsusumikap tayo na maging matuwid ayon sa ating sariling sukatan, nakakalimutan natin ang sukatan ng Diyos: ang kasakdalan. Para sa Diyos, ang anumang mas mababa sa kasakdalan ay katulad ng isang sirang timbangan.

Dahil sa pagbagsak ng tao sa kasalanan, lahat ng tao ay hindi makatarungan. Gumagawa tayo ng mga hindi kaaya-ayang bagay. Nakakagawa tayo ng kamalian, minsa'y mainit at minsa'y malamig, at may mga bagay tayong ginagawa at sinasabi na ganap na magkasalungat. Ayon kay Santiago, "Tayong lahat ay malimit na magkamali" (Santiago 3:2). Laganap ang kawalan ng katarungan sa ating buhay. Hindi makatarungan ang ating panghuhusga sa iba at ginagamitan natin sila ng isang pamantayan na hindi din naman natin kayang abutin sa ating mga sarili.

Ang tanging paraan upang matakasan ang kawalan ng katarungan ay tanggapin na ganap na makatarungan ang Diyos at likas na hindi makatarungan at hindi perpekto ang tao at tanggapin ang katuwiran ng Diyos (1 Juan 1:5–9). Sa oras lamang na hindi na tayo nagtitiwala sa ating mga sarilig katuwiran saka lamang tayo makakapagtiwala sa Diyos na nagpapawalang-sala sa masasama (Roma 4:5). Pagkatapos, bilang mga anak ng Diyos, malinaw nating makikita kung paano natin lalabanan ang kawalan ng katarungan sa ating paligid ng may mahabaging kalooban (Mikas 6:8; Santiago 1:27).

Ganap na matuwid si Jesus, at ni walang anumang bakas ng anumang kawalan ng katarungan sa Kanya. Dahil sa Kanyang kabanalan, kaya ni Jesus magkaloob ng tunay na katarungan. Sa katotohanan, "Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol (Juan 5:22). Inaabangan natin ang panahon kung kailan ang katuwiran at katarungan ang umiiral at mawawala na ang kawalang katarungan magpakailanman: "Magiging malawak ang kanyang kapangyarihan at walang katapusang kapayapaan ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang kaharian. Itatatag niya ito at pamamahalaan na may katarungan at katuwiran mula ngayon at magpakailanman. Isasagawa ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat (Isaias 9:7).

https://www.gotquestions.org/Tagalog/kawalang-katarungan.html

Address

Sta Mesa Manila
1016

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Gotquestions Philippines posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Place Of Worship

Send a message to Gotquestions Philippines:

Share