22/08/2026
IKALIMANG ARAW NG NOBENARYO KAY SAN AGUSTIN
Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.
PAMBUNGAD NA PANALANGIN
Panginoon, Diyos ng walang hanggang karunungan, hinirang mo ang tagapagtangkilik naming si San Agustin upang gamitin sa pagpapahayag ng mga katotohanan ng aming pananampalataya. Sa kanyang mga isinulat ay nahahayag ang mga katotohanan tungkol sa Iyo, kung ano ang patutunguhan namin at kung ano ang dapat naming maging tugon sa Iyo. Itinanghal namin siyang Pantas ng Simbahan sapagkat ang kanyang mga aral ay magpapatatag sa pananampalatayang Kristiyano at nagpapalinaw sa buhay namin bilang iyong mga nilikha at anak. Itinuturo niya na kami ay nauukol lamang sa Iyo at sa Iyo dapat na isuko at italaga ang aming sarili sapagkat hindi mapapanatag ang aming mga kalooban kung hindi kami sasandig sa Iyo.
Kaya Ama, sa aming pagpaparangal kay San Agustin, kami ay lumalapit sa Iyo upang humingi ng kapatawarn sa mga pagkakataong kami ay nagkasala, lumihis ng landas ng kabanalan, namuhay sa kalayawan at pinawalang-halaga ang mga itinuturo ng aming pananampalataya. Tulad ng ginawa mo kay San Agustin, patuloy mo nawa kaming tawagin tungo sa pagbabagong-buhay at mag-alab nawa ang aming puso sa pag-ibig sa Iyo at sa paglilingkod sa Iyong Sambayanan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo, kasama ng Espiritu Santo, iisang Diyos, magpasawalang hanggan. Amen.
PANALANGIN PARA SA IKALIMANG ARAW
Tumatawag ako sa iyo, aking Diyos, aking pag-ibig, ikaw na lumikha sa akin at hindi lumimit sa akin, bagaman nilimot kita. Tintatawag kita sa aking kaluluwa na inihanda mo upang tanggapin ka sa pamamagitan ng pagnanasang ipinunla mo dito. Huwag mo akong pabayaan ngayong ako ay dumudulog sa iyo, sapagkat bago pa man ako tumawag sa iyo, ako ay inuudyukan sa marami at iba't-ibang salita, upang mula sa kalayaan. Ikaw ay aking marinig at ako ay makapagbagong-loob at manaagan sa iyo gaya ng panawagan mo sa akin. Siya nawa.
(3) Ama Namin
(3) Aba Ginoong Maria
(3) Luwalhati
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Ama naming mapagmahal, pinupuri ka namin at ipinagdarangal sa iyong walang hanggang karunungan na laganap at nababanaag sa buong sanlibutan. Sa bawat bagay at buhay na nilikha nakikita ang mga tanda ng karunungan at panukala ng kanilang Manlilikha. Ito, Panginoon, ang katotohanang sinasaliksik at natagpuan ni San Agustin. Hindi mo pinatigil ang kanyang puso at isisp sa paghahanap ng kanyang pinagmulan. Gayundin ang ginagawa mo ay ipinadarama sa bawat tao, ang hindi manatili sa mga bagay ng iyong nilikha upang hanapin namin ang higit at tunay na bukal ng kaligayahan, na kami ay hindi nauukol para sa daigdig na ito, sa mga lumilipas na bagay rito, sapagkat nilikha mo kami para sa iyo at ang puso namin ay walang kapanatagan hanggang hindi tumatahan sa Iyo.
Kaya Panginoon, lubos kaming nagpapasalamat sa iyo sa biyayang ipinunla mo sa puso ng aming tagapagtangkilik na si San Agustin at sa karunungang ibinigay Mo sa kanya. Katulad niya, sa Iyo nawa namin matagpuan ang katiwasayan ng aming puso. Itulot mong huwag mapayapa ang aming sarili kung kami ay mapawalay sa iyo. Kaisa ni San Agustin, sama-sama nawa kaming maghanap tuwina sa iyo, makamit ang mga biyayang kailangan namin at mabatid ang iyong kalooban para sa bawat isa sa amin at sa aming bayan. Alang-alang kay Hesukristo na tangi naming Tagapamagitan sa Iyo, kasama ng Espiritu Santo, iisang Diyos magpasawalang hanggan. Amen.
San Agustin, ipanalangin mo kami!
Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.
LIKE, FOLLOW and SHARE our PPC and PYM page:
https://www.facebook.com/ICPSAC.ParishPastoralCouncil
https://www.facebook.com/ICPSAC.ParishYouthMinistry