11/07/2025
MGA PARAAN NG ILANG SEKTA SA PAGGAMIT NILA NG BIBLIYA
1. PROOF-TEXTING
Ito ang paraan ng pagpapakita ng ilang piling talata mula sa Bibliya na tila sumusuporta sa kanilang paniniwala. Ngunit ang proof-texting ay nagiging mapanganib kapag hindi na isinasaalang-alang ang konteksto. Narito ang ilang halimbawa ng mga ginagamit na proof-texts:
Exodo 20:4 – Ginagamit upang patunayan na bawal ang mga imahen.
Efeso 2:8-9 – Ginagamit upang ipakita na “pananampalataya” lamang ang nakapagliligtas at hindi ang mabubuting gawa.
1 Timoteo 2:12 – Ginagamit upang patunayan na bawal sa kababaihan ang mangaral ng Salita ng Diyos.
Ngunit basahin ang buong konteksto ng mga talatang ito upang maunawaan ang tunay na kahulugan. Ito ang tinatawag na literary context, kung saan isinasaalang-alang ang mga naunang at kasunod na talata.
Upang maunawaan ang Exodo 20:4, basahin din ang talata 3 at 5.
Upang maunawaan ang Efeso 2:8-9, basahin hanggang talata 10.
Para maunawaan nang buo ang 1 Timoteo 2:12, basahin din ang 1 Timoteo 1:6-7, 1:19-20, 2 Timoteo 2:17, at 2 Timoteo 3:6-7.
---
2. EISEGESIS
Ang eisegesis ay kabaligtaran ng exegesis.
Ang exegesis ay ang masusing pag-aanalisa ng mga talata sa Bibliya ayon sa tunay na kahulugan nito, batay sa konteksto, kultura, at orihinal na wika.
Samantalang ang eisegesis ay ang pagbibigay ng pansariling interpretasyon o opinyon sa isang talata at pilit na ipinapakahulugan ito ayon sa sariling paniniwala, kahit hindi ito ang orihinal na layunin ng sumulat.
Narito ang ilang talata sa Bibliya na madalas bigyan ng sariling interpretasyon ng ilang sekta:
Pahayag (Bugna) 13:16-18
Juan 2:4
Mateo 23:9
Juan 14:6
---
3. WORD-IDEA FALLACY (mas kilala bilang word-for-word fallacy)
Ito ang paboritong estilo ng ilang sekta upang makahikayat ng mga Katolikong kulang sa aral. Sa paraang ito, pinipilit nilang hanapin ang eksaktong salita sa Bibliya, at kapag wala ito roon, sinasabi nilang mali na ang aral. Halimbawa: “Purgatoryo,” “Pre-Existence,” “Incarnation,” “Trinity,” at “Catholic.”
Ang Iglesia ni Cristo ay gumagamit ng Roma 16:16,
Ang mga Born Again ay gumagamit ng Juan 3:3-5,
Ang mga tagasunod ni Eli Soriano ay gumagamit ng 1 Timoteo 3:15
Ginagamit nila ang mga talatang ito upang patunayan na sila ay nasa Bibliya. Ngunit ang tanong: sila nga ba talaga ang tinutukoy ng mga talatang ito?