06/02/2026
Lucas 17:26-30
26 Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe. 27 Ang mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. 28 Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. 29 Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. 30 Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.
Magbalik-tanaw tayo sa panahon ni Noe. Noong panahong iyon, naging lubhang tiwali ang sangkatauhan. Lumayo ang mga tao sa Diyos at hindi na pinahalagahan ang Kanyang mga salita at mga pangako. Nabuhay sila sa kadiliman at hinayaan ang kanilang sarili na malunod sa kasamaan.
Dahil dito, hindi na nila marinig ang tinig ng Diyos at hindi na sila karapat-dapat na tanggapin ang Kanyang mga pangako. Tinalikuran nila ang Diyos at kinalimutan ang Kanyang mga turo, kaya lalo silang napalayo sa Kanya at mas lumubog pa sa kasamaan. Ang kanilang mga puso ay naging ubod ng sama at unti-unti silang napalapit sa kaparusahan ng Diyos.
Ngunit si Noe ay naiiba. Sumamba siya sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Nakinig siya sa tinig ng Diyos at sinunod ang Kanyang mga utos. Sa pagsunod niya, itinayo niya ang arko ayon sa tagubilin ng Diyos at tinipon ang mga nilalang na ililigtas.
Nang dumating ang paghatol ng Diyos sa mundo, si Noe at ang kanyang pamilya lamang ang naligtas. Dahil sa kanyang pananampalataya, pagsunod, at paglayo sa kasamaan, sila ay iningatan ng Diyos.
Aral:
Ang lumalayo sa Diyos ay lumalapit sa kapahamakan, ngunit ang sumusunod at nagtitiwala sa Kanya ay Kanyang inililigtas.