02/08/2020
AKO'Y UUWI NA..
ni Lian
Cebu City
Minsang nakalimot,
Dahil sa sakit na naidulot ng mundo.
Nandito lang ako subalit parang malayo pa rin Sayo.
Ama, ramdam na ramdam ko ang mahinang pagtapik Mo.
Sa malumanay Mong pagtutuwid.
Ako ay napa-isip,
Napagtantong wala akong makakaya,
Kung ako'y malayo Sa'yo Ama.
Subalit ako'y hindi maka-alis sa kinatatayuan,
Kakayahan ko ay lubhang mahina,
Ako'y labis na naguguluhan.
Nagdadalawang-isip,
Ako kaya ay tatanggapin Mo pa?
Natagpuan ang sarili sa banal na tahanan Mo.
Nanalangin, Ama ako'y tulungan Mo.
Sapagkat puso ko'y mahina,
walang kaya laban sa mundo.
Hindi ko na alam ang gagawin ko.
Alisin Mo ako sa kinatatayuan ko,
Ibalik Mo po ang dating ako,
Ibalik Mo po ako sa kandungan Mo.
Namimiss ko na po Kayo.
Sa mga panahong nag-iisa.
Lagi kong naaalala,
Ang Iyong pagmamahal at pag-aaruga,
Sa maraming pagkakataon sa buhay ko.
Mula ng ako'y musmos pa lamang at masigla,
Hanggang sa ako ay nagkaisip at hindi namalayang biglang nanghina.
Patawad po Ama,
Paglimot at paglayo sa Iyo,
hindi na kailan man uulitin pa.
Batid kong ako'y kinausap at pinayuhan Mo noon sa pagsamba,
Napagtanto kong ako'y labis na mahal Mo pa rin.
Sa kabila ng lahat ng nagawa,
Nananatili sa loob ng Iyong Iglesia.
Binibigyan ng pagkakataon at panibagong pag-asa.
Hinihintay akong umuwi na.
Konting-konti nalang po Ama.
Ako'y malapit na.
Sa piling Mo ako'y nananabik bumalik.
Dahil namimiss na Kita Ama.
Namimiss ko ang mga yakap Mo tuwing ako ay nalulungkot.
Namimiss ko ang mga yakap Mo tuwing ako ay masaya.
Namimiss kong kasama Kita saan man magpunta.
Namimiss kong kausap Ka sa tuwina.
Namimiss kong sinasamahan Mo ang bawat pag-awit ko.
Namimiss kong hinahanap Mo ako,
Sa lugar kong saan dapat naka-upo.
Namimiss ko ang kagalakang nadarama,
Sa tuwing ibinibigay ang regalo Mong higit pa sa mga inaasam.
Mga pagpapala Mong walang hanggan.
Uuwi na ako Ama,
Uuwi na ang anak Mong minsan nakalimot Sa'yo.
Uuwi na ako Ama,
Uuwi na sa piling Mo.
At sa aking pag-uwi,
Salubungin nawa ako nang nananabik Mong yakap Ama.