02/08/2016
Ebanghelyo (Gospel) Mateo 14:22-36 (o Mateo 15:1-2, 10-14)
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig
22 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman niya ang mga tao. 23 Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi. 24 Samantala, ang bangka ay nasa laot na ngunit sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin. 25 Nang madaling-araw na'y sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. 26 Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. "Multo!" sigaw nila. 27 Ngunit nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, "Huwag kayong matakot, ako ito!"
28 Sinabi ni Pedro, "Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, hayaan mong ako'y pumunta sa iyong kinaroroonan diyan sa ibabaw ng tubig."
29 Sumagot siya, "Halika."
Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. 30 Ngunit nang mapansin niya na malakas ang hangin, siya'y natakot at nagsimulang lumubog. "Panginoon, sagipin ninyo ako!" sigaw niya.
31 Agad siyang inabot ni Jesus. "Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!" sabi niya kay Pedro.
32 Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin 33 at sinamba siya ng mga nasa bangka. "Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!" sabi nila.
Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret
34 Tumawid sila ng lawa at dumating sila sa baybayin ng Genesaret. 35 Si Jesus ay nakilala ng mga tagaroon at agad nilang ipinamalita ang kanyang pagdating, kaya't dinala ng mga tao ang lahat ng maysakit sa buong lupaing iyon. 36 Hiniling nila kay Jesus na mahawakan man lamang ng mga maysakit ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng gumawa nito ay nagsigaling.
Mga Minanang Katuruan
1 Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, at siya'y tinanong nila, 2 "Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang mga katuruang minana natin sa ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa paraang ipinag-uutos!" 3 Sinagot sila ni Jesus, "Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon? 4 Sinabi ng Diyos, 'Igalang mo ang iyong ama at ina' at, 'Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.' 5 Ngunit itinuturo ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, 'Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay naihandog ko na sa Diyos' 6 hindi na niya kailangang tulungan ang kanyang ama. Pinawawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos masunod lamang ninyo ang inyong minanang mga katuruan. 7 Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni propeta Isaias tungkol sa inyo,
8 'Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
9 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.'"
Ang Nagpaparumi sa Tao
10 Pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, "Pakinggan ninyo at unawain ang aking sasabihin. 11 Ang lumalabas sa bibig ng tao, hindi ang pumapasok, ang siyang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos."
12 Pagkatapos, lumapit naman ang mga alagad at sinabi sa kanya, "Hindi po ba ninyo alam na nasaktan ang mga Pariseo sa sinabi ninyo?"
13 Sumagot siya, "Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. 14 Hayaan ninyo sila. Sila'y mga bulag na taga-akay ng mga bulag; at kapag bulag ang umakay sa kapwa bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay."