30/10/2022
MAGANDANG BALITA NGAYON - LUNES IKA-31 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON
LUKAS 14:12-14 Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa pinuno ng mga Pariseo na nag-anyaya sa kanya: "Kapag naghahanda ka, huwag ang mga kaibigan mo, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, sapagkat aanyayahan ka rin nila, at sa gayo'y nagantihan ka na. Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo. Hindi sila makagaganti sa iyo at sa gayo'y magiging mapalad ka. Gagantihin ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal."
MAGNILAY: Hindi man hayagan pero malimit naniningil tayo ng mabuting ginawa natin sa iba. Pinapaboran natin sila ngayon para paboran din nila tayo sa susunod. Kapag hindi nila maibalik ang magandang nagawa natin sa kanila nanunumbat tayo. Nagpaparatang agad tayo ng walang utang na loob. Ang leksyon ni Hesus ay huwag maghintay ng kapalit sa mabuting nagawa natin sa iba. Mas hindi nagagantihan mas mainam. May tunay na kagalakan kapag hindi ka naghihintay na masuklian. Ang Diyos sa puso mo ang magiging gantimpala mo. Siya ang gantimpalang hindi mapapantayan ng anumang bagay sa mundong ito.
MANALANGIN: Panginoon, maging puro at malinis nawa ang aking motibo sa paggawa ng mabuti.
GAWIN: Iwasang isumbat ang mabuting nagawa mo sa iba.