21/03/2026
𝑨𝒏𝒈 𝑷𝒂𝒏𝒈𝒂𝒏𝒊𝒃 𝒏𝒈 "𝑰𝒃𝒂𝒏𝒈 𝑱𝒆𝒔𝒖𝒔" 😟🤯
Sabi sa 2 Corinto 11:4, may babala si Apostol Pablo tungkol sa mga taong dumarating at nangangaral ng "ibang Jesus"maliban sa ipinangaral ng mga Apostol.
Nakakatakot isipin, pero posible palang maging relihiyoso, laging bumabanggit sa pangalan ni Jesus, at maging aktibo sa simbahan~pero ang kinikilala mo ay isang "peke" o "ibang" bersyon lamang Niya.
Paano natin malalaman kung ang "Jesus" na pinaniniwalaan natin ngayon ay ang tunay na Jesus?
Marami sa atin ngayon, ang Jesus na gusto natin ay ang "Jesus na laging 'Yes' sa lahat ng gusto natin." Isang Jesus na tila genie sa bote na ang tanging trabaho ay ibigay ang ating mga pangarap, payamanin tayo, at panatilihin tayong komportable. Ito ang Jesus ng "Prosperity Gospel"~isang Jesus na walang krus, walang sakripisyo, at walang tawag sa pagsisisi. Pero ang tunay na Jesus ay nagsabing, "Kung ang sinuman ay nais sumunod sa akin, itatwa niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin."
Ang iba naman, ang Jesus nila ay ang "Jesus na 'Okay lang' sa kasalanan." Isang Jesus na punong-puno ng pag-ibig pero walang katuwiran at kabanalan. Sasabihin nila, "Mahal ako ni Jesus kaya okay lang na mamuhay ako sa bisyo at maliit na kompromiso." Pero ang tunay na Jesus ay hindi lang namatay para patawarin tayo; namatay Siya para palayain tayo mula sa kasalanan, hindi para manatili tayo rito.
Mayroon ding "Jesus na Tao Lang"~isang Jesus na magaling na g**o, mabait na ehemplo, o isang dakilang propeta, pero hindi ang Panginoon at Diyos na nagkatawang-tao. Kung ang Jesus mo ay hindi ang Diyos na may likha ng lahat, ang pananampalataya mo ay walang kapangyarihang magligtas.
Ang "ibang Jesus" ay laging masarap pakinggan dahil hindi nito sinasaktan ang ating pride. Ang huwad na Jesus ay hindi ka lalamunin ng "conviction" kapag nagkakasala ka. Pero ang tunay na Jesus? Siya ay Leon at Kordero. Siya ay puno ng Biyaya, pero puno rin Siya ng Katotohanan. Hindi Siya susunod sa gusto mo; ikaw ang dapat sumunod sa Kanya.
Huwag tayong padaya sa "aesthetic" na Kristiyanismo na gumagamit ng pangalan ni Jesus para lang sa sariling pakinabang. Suriin natin ang ating mga puso gamit ang Salita ng Diyos. Baka ang sinasamba natin ay isang rebulto ng ating sariling kagustuhan na bininyagan lang natin sa pangalang "Jesus."
Tandaan: Ang kaligtasan ay wala sa "pangalan" na binabanggit ng labi, kundi sa Persona na kinikilala ng puso bilang Panginoon at Tagapagligtas. Tanging sa Pangalan ng Panginoong Hesus! (Acts 4:12)