26/08/2026
| πππ₯π’πππ§π πππ§ππ’π ππ§ | ππππ, πππππππππ ππ πππππππ ππππ ππ π
ππππ πππ πππ ππππ
π¦ππππ‘π, πππ©ππ§π β Idinaos noong Agosto 21β23, 2026 ang taunang FOCUS (Formation and Orientation towards a Catholic Understanding of Social Communications) PRO MAX, isang retreat, evaluation, at planning activity ng Diocesan Commission on Social Communications (DCSC) sa MaPSA (Manila Ecclesiastical Province School Systems Association) Holistic Development Center, Silang, Cavite.
Sa pangunguna nina Rdo. P. Joseph Franz Dizon, Commission Chairman, at Rdo. P. John Paul Jickain, Commission Vice-Chairman, dinaluhan ang pagtitipon ng DCSC Secretariat, Executive Committee, Vicarial Coordinators, at mga kinatawan mula sa mga bikarya ng Diyosesis ng Malolos.
Ang FOCUS PRO MAX ay isa sa mga formation program ng DCSC na nakalaan para sa mga lider ng komisyon sa buong diyosesis. Nagsisilbi rin itong pagkakataon para sa pagsusuri ng mga isinagawang programa at pagpaplano para sa mga susunod na gawain ng DCSC.
Sa unang araw ng pagtitipon, isinagawa ang spiritual retreat bilang paghahanda sa evaluation at planning. Isinagawa ng mga kalahok ang magnum silentium o βgreat silenceβ upang magkaroon ng panahon sa panalangin, pagninilay, at mas malalim na pagsusuri sa misyong ipinagkatiwala sa kanila bilang mga social communications ministers.
Inilaan naman ang mga sumunod na araw sa pagsasapinal ng Organizational Guidelines ng DCSC, mula sa bersyon nitong 2022 tungo sa bersyon nitong 2026. Magsisilbi itong gabay para sa Social Communications Ministry ng bawat bikarya at parokya sa kanilang paglilingkod at pagsasakatuparan ng misyon ng Simbahan sa larangan ng komunikasyon.
Inilahad din ang mga programa at gawain ng DCSC, gayundin ang mga plano ng bawat bikarya para sa taong 2026β2027. Naglahad naman ng kani-kanilang evaluation reports ang mga coordinator ng Executive Committee para sa Public Relations, Formation Program Development, Events Management, Information Security, at Content Management and Media Production.
Bilang pagtatapos ng retreat at planning, idinaos ang Banal na Misa sa pangunguna ni P. Franz Dizon, katuwang si P. JP Jickain. Sa kaniyang mensahe, ipinaalala niya sa mga kalahok ang kahalagahan ng pagpapahayag at pagbabahagi kung sino si Kristo batay sa personal nilang karanasan sa Kaniya at sa kanilang pananampalataya.
Sinundan ito ng pagtatalaga sa mga miyembro ng Executive Committee at mga Vicarial Coordinator ng DCSC bilang pagpapatibay sa kanilang patuloy na misyon at paglilingkod sa Simbahan.
Nagpapasalamat naman ang buong DCSC sa mga naging katuwang upang maitaguyod at maging mabunga ang pagtitipon na ito.
Sa pamamagitan ng tatlong araw na retreat, evaluation, at planning, napalalim ng mga kalahok ang kanilang pag-unawa sa kanilang misyon at napagtibay ang mga plano para sa patuloy na paglilingkod sa larangan ng social communications. Bitbit nila ang mga bagong kaalaman, karanasan, at panibagong pag-asa upang higit na maisabuhay ang kanilang paglilingkod, pananampalataya, at misyon na ipahayag si Kristo sa pamamagitan ng makabuluhang komunikasyon.
Balita mula kay Jennifer Basijan-Castro, Ang Sandigan News
Larawan mula kay Kier Pielago/Diocese of Malolos Commission on Social Communications
=================
Visit our Website and Follow our Social Media Platforms!
Website: https://dioceseofmalolos.ph/
Facebook: https://www.facebook.com/angsandiganmalolos
Instagram: https://www.instagram.com/angsandiganmalolos
Youtube: https://www.youtube.com/c/angsandiganmalolos
TikTok: https://www.tiktok.com/