28/01/2024
Sermon Highlights , January 28, 2024, 4th Sunday After Epiphany, UCCP Community Christian Church, Malolos City
Rev. Alan Rey B. Sarte
“Gawin Nating Pagpapalayas ng Masamang Espiritu ang Araw ng ating Pagsamba!” (Mark 1: 21-28)
1.Tulad ng ginagawa natin ngayon sa sandaling ito, si Jesus isang araw ng Pamamahinga ay nagtungo sa isang sinagoga sa Capernaum para sumamba. (v. 21)
2.Kung parang paulit-ulit lang at mahuhulaan natin kung ano ang sunod-sunod na mangyayari sa ating liturhiya o pagsamba, kakaiba ang nangyari sa pagpunta ni Jesus sa sinagoga- namangha ang mga tao sa paraan ng kaniyang “pagsesermon” sapagkat “may kapangyarihan at hindi tulad ng mga eskriba ito”(v. 22). Kakaiba at nagtataglay ng kapangyarihan ng Diyos, hindi ng mga tao, ang kaniyang sermon.
3.Ang pagsamba sa sinagoga ng Capernaum ay hindi lamang binago ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kakaibang kapangyarihan ng Diyos kundi naging sandali ng pagpapalayas ng masamang espiritu. (v. 23-26). Ordinaryo lamang at paulit-ulit ang pagsambang hindi nagreresulta sa konkretong pagbabago sa buhay ng tao at ng lipunan. Ang pagsamba ay bahagi ng nilalayon nating paglaya sa mga “masasamang espiritu” na umaalipin sa atin kaya dapat humantong ang ating pagsamba sa radikal na pagbabago ng ating mga sarili at mga bagay-bagay sa ating mundo.
4. Hindi natin sinasabi na tayo ay “inaalihan ng masamang espiritu”. Pero sa ayaw at sa gusto natin, marami sa ating mga sarili, sa ating iglesya at sa lipunan na ating ginagalawan na dinodominahan ng mga kapangyarihang dapat nating bakahin at palayasin. Ang pagkontrol sa ating paniniwala na ang Israel sa Bibliya at ang bansang Israel na nalikha noong 1948 ay iisa at hanggang ngayon hindi tayo makahulagpos sa ganitong paniniwala sa takot na ang hindi sumusuporta sa Israel ay susumpain ng Diyos kahit na ngayon ang bansang ito ang nagsasagawa ng henosidyong pagpatay sa mga Palestino sa Gaza gaya ng sinabi ng International Court of Justice noong isang araw ay isang masamang espiritu na dapat nating palayasin ay hwag hayaang kontrolin ang ating buhay at paniniwala. Ang pagbabago ng ating Saligang Batas ay nagmumula din sa dikta ng masasamang espiritung dayuhan na gustong patuloy na dominahan ang ating mga lupain at liaks na mga kayamanan ay gayon din dapat nating palayasin bilang kapahayagan ng ating pagsamba sa Diyos ng kapayapaan at katarungan.
5. Marami sa atin, tulad ng lalaking pumasok sa sinagoga, ay nagangailangan din ng paglaya at pagbabago sa ating buhay. Kailangan nating lumaya sa mga kapangyarihang umaagaw sa atin sa pagkakaroon ng magandang relasyon sa Panginoon at sa ating kapwa. Kailangan nating lumaya sa mga takot at pangamba na pumipigil sa atin para tahakin ang landas ng pagbabago kasama ng Diyos at ng pamayanan. May mga masamang espiritu din sa atin ng galit at pagtatanim ng sama ng loob. Ng ating pagiging makasarili. Nang kawalan natin ng pagtitiwala sa Panginoon na kung magtitiwala lamang tayo sa Kaniya ay mababago ang ating buhay.
6.Gawin Nating Pagpapalayas ng Masamang Espiritu ang Bawat Araw ng ating Pagsamba! Tandaan natin, amg simbahan ay hindi para sa mga banal na hindi nangangailangan ng pagbabago. Ang simbahan ay tulad ng pagamutan. Lahat tayo ay nagpupunta dito sapagkat kailangan nating lahat ng kagalingan. Lahat tayo, tulad mg “masamang espiritu” ay kailangang lumaya sa maraming nagnanasang dominahan at kontrolin tayo. Pabayaan nating ang Banal na Espiritu ang lumukob at magbigay sa atin ng kapangyarihang bakahin ang lahat ng pwersa ng pang-aalipin na ngayon tinatawagan tayo para lumaya at humulagpos.