29/11/2025
Ika-siyam na Araw
Dalangin kay San Andres:
Mahal na Poong San Andres, Patron ng aming pamilya, sa iyong sariling bayan, nagsimula kang mangaral ng Banal na Ebanghelyo ng Panginoon. Sa bandang-huli, ay nagtungo ka rin sa iba’t-ibang bansa.Nangaral ka sa Scythia at Thracia. Hindi ka tinanggap sa Patras, Grecia. Ikaw ay inusig, nilitis at hinatulang mamatay sa krus, na gayang nangyari sa Panginoon. Mahal naming Patron, sa huling araw na ito ng aming nobena sa karangalan mo, ay makagawa kami sa iyo, na sanay ihingi mo kami sa Panginoon ng damdaming, sigasig at giting ng kaloobang dapat taglayin ng isang misyonero, upang makatulong kami sa pagpapalaganap ng Banal na Ebanghelyo, hindi lamang sa aming bansa, kundi gayundin sa ibang mga bansa lalo nasa mga bansa sa Asya. Libu-libong mga tao sa Asya ang hindi panakakakilala kay Hesus. Hindi nila alam na Siya ang Tagapagligtas nila, at kami, bilang isang bansang Kristiyano, ay may malaking pananagutan at tungkuling maghatid ng banal na aral ni Kristo sa kanila. Mahal naming Patron, isinasamo namin sa iyo, na sanay hilingin mo sa Panginoon na bigyan Niya ng kalinga at lakas ng loob ang aming mga kamag-anak at mga kababayang kasalukuyang nagtatrabaho bilang mga misyonero sa ibang bansa na malayo sa kanilang tahanan, pamilya at bayang tinubuan. Amen.
(Banggitin ang sariling kahilingan)
SAN ANDRES APOSTOL,
IPANALANGIN MO KAMI.