06/07/2023
PAGGUNITA KAY SANTA MARIA GORETTI, Dalaga at Martir
Hulyo 06
Simula nang unang makapakinabang si Maria, ito ang ipinangako sa kanyang ina at sa Diyos, “Magmula ngayon ay magpapakabait na ako.” Siya ang nangasiwa ng kanilang tahanan at nag-aalaga sa maliit na kapatid kapag ang kanyang ina ay nasa bukid. Sa kanyang butihing ina ay natutuhan ang mga katagang ito: “Gawin lahat alang-alang at para kay Jesus lamang. Huwag magkakasala anuman ang mangyari.” Supling ng magsasakang sina Luis Goretti at Assunta Carlini, si MARIA GORETTI ay isinilang sa Korinaldo, (Gitnang Italya) noong ika-16 ng Oktubre, 1890.
Isang araw, samantalang gumigiik ng trigo sa kalapit bahay ang kanyang ina, si Maria, labindalawang taong gulang, ay nasa hagdan nagsusulsi ng damit katabi ang maliit na kapatid. Biglang umakyat si Alejandro Serenelli, dalawampung taon gulang na anak ng kanilang kasama sa pagbubukid. Tinawag siya ni Alejandro at pilit na pinapapasok sa loob. Wika ni Maria, “Kung hindi mo sasabihin sa akin kung ano ang gusto mo ay hindi ako papasok.” Kinaladkad ng lalaki ang batang babae. Sumigaw ang babae, “Hindi! Hindi!, ayaw ng Diyos niyan. Kung gagawin mo iyan ay parurusahan ka ng Diyos sa impiyerno!” Nang dumating ang ina ni Maria ay natagpuan siyang nakahandusay sa dugo – may 14 na saksak sa katawan! Iyan ang bunga ng kanyang pagtatanggol sa hiyas na kalinisan laban sa isang ganid.
Dinala kaagad si Maria sa bayan ng Nettuno. Doon bago siya namatay, nakatanggap ng pakikinabang at winika niya: “Pinatatawad ko si Alejandro at nais ko siyang makasama rin sa langit!” Sumalangit siya mag-aalas-kuwatro ng hapon, ika-6 ng Hulyo, 1902. Ang kanyang ina at mga kapatid ay nasa seremonya ng Kanonisasyon noong 1950. Si Alejandro Serenelli ay nagbalik-loob sa Panginoong Diyos. Siya’y hardinero sa isang kumbento, namumuhay ng tahimik at banal.
Santa Maria Goretti, Ipanalangin mo kami.