24/12/2016
ANG PASKO...
Ang pasko,
Tradisyong ginawa ng tao,
Paniniwalang sinusunod ng mga Cristiano,
Kaugaliang kinuha sa mga pagano.
Ang pasko,
Araw daw ng kapanganakan ni Cristo,
Saya don, saya dito,
Inom don, inom dito,
Saan dito ang kahulugan ng pasko?
Kung ang pasko ma'y totoo't tama,
Hindi ba't mas mainam na magdasal at magpatirapa,
Magpasalamat sa buhay na dala,
Diyos na nabuhay dito sa lupa.
Ang pasko,
Araw daw ng kapanganakan ni Cristo,
Pero humihiling at natutuwa kay Nicholas na santo,
Ano ba ang totoo?
Mga Cristiano,
Tumalikod sa aral ng Katoliko,
Namuhay kasama si Cristo,
Nagtuturo na wag sasamba sa mga rebulto,
Pero naniniwala sa pasko,
Paskong turo ng mga Katoliko,
Paskong gawa ng tao,
Paskong kinuha sa tradisyon ng mga pagano,
Paskong hindi naman totoo.
Mga Cristiano,
Alam namang mali ang turo,
Alam namang hindi ito totoo,
Paskong nagmula sa mga pagano,
Pero nagpapakaimpokrito,
Anong tawag sa inyo?
Mga Cristianong pagano?
Sa iisang Diyos sumasamba,
Ngunit nabihag ng tao sa pamamagitan ng pilosopiya,
At sa mga walang kabuluhang pandaraya,
Ayon sa tradisyong kanilang isinasagawa.
Ako ay Cristiano,
Pakilala ng mga tao,
Pero sumusunod sa turo ng tao,
At kaugaliang pang pagano.
Wag daw tignan kung anong pinagmulan,
Alalahanin daw sa panahon ngayon,
Kung sinong dahilan,
Sino nga ba ang dahilan?
Si Ni**od, si Baal, si Artemis?
Si Ashera, si Dagon, si Hermes?
Si Astarte, si Beelzebul, si Zeus?
Si Diana, si Mithra, o si Satan?
Ang Diyos ay nagkatawang tao,
Isinilang at ipinakilala sa mundo,
Siya'y nahayag nang maging tao,
Pinatunayang matuwid ng Espiritu.
Walang araw sa Biblia,
Kung kailan isinilang ang Messiah,
Kinuha ang tradisyon ng mga taga Babylonia,
Pinili ang kaarawan ni Mithra,
At hanggang ngayon ito'y isinasagawa,
Natutuwa kaya ang Diyos sa kanilang ginagawa?
Alalahanin mo si Cristo,
Sa buong buhay mo,
Sambahin Siya gamit ang puso, kaluluwa't lakas mo,
Wag lang tuwing sasapit ang pasko.