17/05/2026
✝️Lingguhang Sama-Samang Pagsamba at Pagpupuri
Tinatanong ng mga alagad kung ibabalik na ba ni Hesus ang kaharian para sa Israel, ngunit sinabi Niya na ang Ama lamang ang nakakaalam ng takdang panahon. Sa halip, ipinangako Niya ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang sila'y maging saksi Niya hanggang sa iba't-ibang panig ng mundo. Pagkatapos nito, umakyat si Hesus sa langit habang nakatingin ang mga alagad. Nagpakita rin ang dalawang anghel at nagsabing si Hesus ay muling babalik.
📖 Gawa 1:6-11
Isa sa pinaka magandang tagpo matapos ang muling pagkabuhay ng ating Panginoon ay ang Kanyang pag-akyat sa langit. Hindi ito simpleng pamamaalam lamang, hindi simpleng pagkaway sa Kanyang mga alagad na - aakyat na Siya sa Ama. Kundi ito ay may kapangyarihang alalahanin na ang Panginoon ay muling nabuhay at maghahari magpakailanman.
"Mensahe at Hamon ng Pag-Akyat ni Hesus sa Langit"
Minsan ang tao'y nakakalimot na ang Panginoon ay muling magbabalik. Sa ating panahon ngayon marami ang naliligaw, nawawalan ng pag-asa. Subalit ang pag-akyat ng ating Panginoong Hesus ay siyang magbibigay liwanag, direksiyon at hamon sa bawat isa sa atin.
Ang unang mensahe at hamon sa atin, "Ang pag-akyat ni Hesus ay mensahe ng tagumpay at pag-asa".
Bago umakyat ang Panginoon sa langit, pinatunayan Niya na Siya'y tunay na nabuhay, hindi isang multo, kagaya ng inaakala ng mga alagad. At hindi rin katulad ni Tomas na mapag-alinlangan.
Ang Kanyang pag-akyat ay tunay na pagtatagumpay laban sa kasalanan, laban sa kamatayan at kadiliman. Kung hindi muling nabuhay si JesusKristo alipin pa rin tayo ng kasalanan. Sa mundong maraming sugatan, bigo, at pinanghihinaan ng loob ipinapaala-ala sa atin ng Panginoon na may langit na naghihintay sa mga nananatiling tapat. Ang langit ay isang karanasan ng ating buhay na wala ng pagluha at sakit. Ang dating bagay ay lumipas na. Ito ay karanasan ng isang buhay na ganap at kasiya-siya. Kaya huwag tayong mawalan ng pag-asa kahit tila mabigat ang buhay.
"Ang bansa ay maraming problema, ngunit walang nareresolba."
Huwag tayong mawalan ng pag-asa dahil ang ating Panginoon ay buhay. Kaya Niyang magtayo ng isang leader na tunay na maglilingkod. Kontrolado pa rin ng Panginoon ang mga nagaganap, walang lingid sa Kanya. At ang pinakamaganda asahan natin na ang Diyos na nabuhay ay maghahari na hindi kayang talunin sa mundong ito.
Ikalawa, "Ang pag-akyat ni Hesus ay hamon ng pananampalatayang
kumikilos."
Hindi sapat na tayo ay nakatingin lamang kay Hesus, kailangan Siyang sundin at ipamuhay. "Maraming marunong manalangin, ngunit kulang magmahal." "Maraming tumutungo ng simbahan ngunit mahirap magpatawad."
Naghahari parin sa puso ay galit. Ang tunay na pananampalataya ay hindi lang nakatingin sa langit kundi tayo ay kumikilos para sa kabutihan ng ating kapwa.
Marapat na tayo'y "Pumasok upang sumamba lumabas upang maglingkod." Upang ipamuhay ang aral ng ating Panginoon. Kaya"t ang tunay na pananampalataya ay hindi lang nakatingala sa langit kundi kumikilos para sa ating kapwa. Ipadama sa ating kapwa ang langit na ating tinitingnan.
Ikatlo," Ang pag-akyat ni Hesus ay paala-ala ng ating misyon."
Hindi iniwan ni Hesus ang kanyang mga alagad ng walang layunin at walang gagawin. Tayo ngayon ang kamay, tayo ang mga paa at tinig sa mundong sugatan at naliligaw. Tayo ngayon ang tenga ng mga taong nasa laylayan n hindi napapakinggan.
Ang ating tahanan, trabaho, komunidad at simbahan - tayo ang inaasahan na magdala ng liwanag ni Kristo. Nawa ang ating buhay ay maging saksi ni Hesus, samantalang tayo ay gumagawa ng may pag-ibig at kabanalan.
Pang-apat, "Ang pag-akyat ni Hesus ay pangako ng Kanyang muling pagbabalik."
Ito ay magbibigay ng lakas sa magulong mundo. Hindi permanente ang ating pagluha, sakit at hindi pangmatagalan. Ang araw ng kaguluhan ay darating ngunit ang araw na ganap nang tagumpay ni Hesus upang wakasan ang kasamaan at pairalin ang tunay na katarungan at katuwiran. Ang kailangan lamang natin ay mamuhay ng may kabanalan, may pananabik at handa sa pagbabalik ng ating Panginoon.
Hindi ito wakas ng Kanyang gawain, kundi simula ng ating misyon. Ang pag-upo ni Kristo sa kanan ng Diyos Ama ay hamon na sumunod sa buhay pananampalataya. Itaas natin ang ating mga mata sa langit, ituon natin ang ating paningin kay HesusKristo. Gamitin ang ating mga kamay at paa upang magmahal, maglingkod at magpahayag ng mabuting balita. Ang Panginoon na Siyang umakyat sa langit ay Siya ring muling magbabalik.
May 17' 2026