24/01/2026
✨️Bakit May Lupi ng Kapistahan ni San Sebastian?✨️
Ang salitang “Lupi” ay nangangahulugang pagtutupi o pagtatapos ng pagdiriwang. Ang Kapistahan ni San Sebastian ay ipinagdiriwang ng buong Simbahan tuwing ika-20 ng Enero. Sa bisperas ng kapistahan, tuwing ika-19 ng Enero, isinasagawa ng mga taga-Lumban ang tradisyunal na “Paligong P**n” bilang hudyat ng pagsisimula ng Pistang Bayan.
Nagsisimula ang pagdiriwang sa pamamagitan ng Banal na Misa sa Kapilya ni San Sebastian sa Ilaya. Pagkatapos nito, inililipat ang imahe ng patron patungo sa Simbahan ng Lumban sa pamamagitan ng pagpuprusisyon. Bahagi ng ritwal ang pagpaligo sa imahe at mga deboto sa ilog, bago ito ipagpuprusisyon sa lupa patungong simbahan bilang paghahanda sa kapistahan.
Dahil kilala ang mga taga-Lumban sa kanilang bukas-palad na pagtanggap at pag-aasikaso sa mga bisita, marami sa kanila ang abala sa paghahanda para sa kapistahan kinabukasan. Dahil dito, kakaunti lamang ang nakakadalo sa Paligong P**n.
Upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat na makiisa, inuulit ng mga taga-Lumban ang Paligong P**n tuwing huling Linggo ng Enero. Ito ang nagiging hudyat ng pagtatapos o paglulupi ng Kapistahan ni San Sebastian. Nagsimula ang selebrasyon bilang isang lokal na tradisyon, ngunit kalaunan ay lumawak at naging isa sa pinakamalaking pagdiriwang sa bayan ng Lumban na maging ang mga taga-ibang bayan ay nakikiisa na rin.
Sa kasalukuyan, ang Lupi ay isa sa mga pinakamasayang pagdiriwang sa bayan ng Lumban at dinadaluhan ng libo libong deboto. 💦🥳🎉
Viva San Sebastian!
📆 Last Sunday of January
📍Lumban, Laguna