14/08/2026
𝐀𝐠𝐨𝐬𝐭𝐨 𝟏𝟓 - 𝐃𝐚𝐤𝐢𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐩𝐢𝐬𝐭𝐚𝐡𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐠-𝐚𝐚𝐤𝐲𝐚𝐭 𝐬𝐚 𝐥𝐚𝐧𝐠𝐢𝐭 𝐧𝐠 𝐌𝐚𝐡𝐚𝐥 𝐧𝐚 𝐁𝐢𝐫𝐡𝐞𝐧𝐠 𝐌𝐚𝐫𝐢𝐚
𝐀𝐍𝐆 𝐃𝐎𝐆𝐌𝐀 𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐆-𝐀𝐀𝐊𝐘𝐀𝐓 𝐒𝐀 𝐋𝐀𝐍𝐆𝐈𝐓 𝐒𝐀 𝐌𝐀𝐇𝐀𝐋 𝐍𝐀 𝐁𝐈𝐑𝐇𝐄𝐍𝐆 𝐌𝐀𝐑𝐈𝐀
Itinuturo ng Simbahang Katoliko na ang Mahal na Birheng Maria "pagkatapos ng kanyang buhay sa lupa, ay maluwalhating iniakyat sa langit, katawan at kaluluwa."
Ang pagpapahayag ng dogmang ito ay ipinaliwanag ni Papa Pio XII noong Nobyembre 1, 1950 sa kanyang Konstitusyong Apostoliko na "Munificentissimus Deus." Ipinagdiriwang ng Simbahang Katoliko bilang Dakilang Kapistahan (Solemnity) ang pagkilalang ito sa karangalan ng Mahal na Birhen tuwing ika-15 ng Agosto. Si Maria, ang Kalinis-linisang Ina ng Diyos, ay ang maluwalhating kaganapan ng planong gawaing pagtubos ng Makapangyarihang Diyos para sa ating lahat, isang pagpapahayag ng tiyak na pag-asa at kaligtasan para sa lahat ng nabubuhay na may pananampalataya sa Diyos na makapangyarihan sa lahat.
Ang Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria ay isa sa apat na dogma ng Simbahan patungkol kay Maria. Ayon sa Katesismo ng Simbahang Katoliko, ang Pag-aakyat sa Langit kay Maria ay ang hudyat ng katapusan ng kanyang buhay sa lupa. Nang dumating ang wakas ng kanyang buhay sa lupa, ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birheng Maria ay iniakyat sa langit nang buong-buo. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang Awa sa Mahal na Birheng Maria, kahit na sa huling sandali ng kanyang buhay sa daigdig.
Dakila at kalugud-lugod ang Mahal na Birheng Maria sa paningin ng Diyos, hindi Niya pinahintulutang mahimlay sa libingan ang Mahal na Birheng Maria. Hindi hinayaan ng Diyos na maiwan sa lupa ang katawan ni Maria sapagkat siya ang naging sisidlan ng Banal na Anak ng Diyos, si Jesukristo, ang ating Panginoon, sa pamamagitan ng kanyang sinapupunan, nang siya ay magdalang-tao sa Panginoon.Nang dumating ang huling sandali ng kanyang buhay sa lupa, iniakyat ng Diyos nang buong-buo ang kanyang katawan at kaluluwa sa langit. Kung paanong iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanang mana nang siya ay ipaglihi ng kanyang inang si Santa Ana (Inmaculada Concepcion), gayon din naman, iniligtas ng Diyos si Maria mula sa pagkakahimlay ng kanyang katawang lupa.
PANALANGIN
Mahal na Birheng Maria na iniakyat sa langit, Ina ni Hesus at ng lahat ng mga Kristyano, kami’y lumalapit sa iyo a nakikiusap na samahan kami sa aming pananalangin yamang ikaw ay nakikisalo na sa iyong Anak sa kaluwalhatian sa langit. Ikaw ang Alipin ng Panginoon na walang ibang hinangad kundi ang aming kabutihan. Ang iyong puso’y lagging nakalaang dumamay sa mga anak mong naghahagilap ng tulong. Wala na kaming ibang malalapitan kundi ang iyong Anak na si Hesus. Kaya’t isinasamo naming samahan mo kami sa paghahain n gaming mga kahilingan upang ipagkaloob sa amin ng iyong Anak ag biyayang ito, (banggitin ang biyayang hinihiling) Sa bawat bahagi ng buhay ng aming Panginoon, ikaw ay naroon. Mula sa kanyang pagsilang, pangangaral at mga himala, at hanggang sa paanan ng krus sa Kalbaryo ay sinamahan mo siya. Kasama ng paghahandog ni Hesus ng kanyang buhay ay inihandog mo rin ang iyong sarili para sa amin. Kaya naman, ikaw ay itinampok din niya at tatawaging mapalad sa lahat ng salinlahi. Iniakyat ka niya sa langit sapagkat ang buhay mo’y katangi-tangi.
Ipanalangin mo kami Birheng Maria, tulungan mo kami aming Ina upang ang buhay mo at ni Hesus ay maging bahagi ng aming buhay at ang aming buhay at maging bahagi ng buhay mo at ng Diyos. Matupad nawa sa lalong medaling panahon ang aming hinihiling kung ito’y naaayon sa kalooban ng Diyos upang dito pa man sa lupa ay mapaglingkuran na namin siya katulad ng paglilingkod na iniuukol mo sa kanya sa langit. Amen.