02/01/2016
Enero 2 ay isang petsang tiyak na hindi malilimutan ng mga kaanib sa loob ng Iglesia ni Cristo sapagkat ito'y kapanganakan ng isa sa Namahala sa atin, ang kapatid na Eraño G. Manalo.
Marapat lamang na alalahanin natin ang mga Namahala sa atin.
" Alalahanin n'yo ang mga dating namuno sa inyo na nagbahagi sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin n'yo kung paano silang namuhay at namatay na may pananampalataya. Ito ngayong ang tularan n'yo. "
Hebreo 13:7
Ang Salita ng Diyos
Mapapansin natin na ang pag-alala sa mga Namahala sa atin ay tularan kung paano sila namuhay at namatay na may pananampalataya.
Nanatiling magiting sa pagka-Iglesia ni Cristo, magiting na Ministro at magiting na Tagapamahalang Pangkalahatan. Walang itinuro ang kapatid na Eraño na tumiwalag, magpatiwalag, pumayag na mahiwalay sa Iglesia ni Cristo at iwanan ang tungkulin. Kundi ang lagi nilang itinuturo ay manatiling matatag tayo sa ating pananampalataya at matibay sa pagka-Iglesia ni Cristo.
Tinuruan niya tayong maging masunurin.
" Mga minamahal, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod noong magkakasama pa tayo, lalo sana kayong maging masunurin kahit ngayong malapit na ako sa inyo. Sikapin ninyong ipamuhay ang kaligtasang tinanggap n'yo."
Filipos 2:12
Ang Salita ng Diyos
Ito sana ang laging matanaw natin mga kapatid. Ito rin sana ang maalala ng mga tumalikod at lumaban pa. Sikapin natin lalong maging masunurin sapagkat lalong malapit tayo sa araw ng kaligtasan.
Talagang may hangganan ang buhay ng tao, at masakit kung minahal natin ng lubusan ang isang tao na pinapagpahinga ng Diyos.
Subalit, ang Diyos ay muling nagbabangon ng inihahalal Niya na mamahala sa Kaniyang bayan gaya ng sa panahon ng Moises na namahala sa Israel noon ay pumanaw.
" Nang mamatay na si Moises na lingkod ng Panginoon, sinabi ng Panginoon sa kanang kamay ni Moises na si Josue na anak ni Nun, walang makakapanaig sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Magiging kasama mo ako gaya ng pagsama ko kay Moises. Hindi kita iiwan o kaya'y pababayaan. Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang mamumuno sa mga mamamayan para angkinin ang lupaing ipinangako ko sa mga ninuno nila. Basta't magpakatatag ka lang at magpakatapang. Sundin mong mabuti ang lahat ng kautusan na ibinigay sa iyo ng lingkod Kong si Moises. Huwag mo itong kalilimutan para magtagumpay ka sa lahat ng ginagawa mo."
Josue 1:1 at 5-7
Ang Salita ng Diyos
Ang kanang kamay o "deputy" noon ni Moises ay si Josue. Ang inilagay ng Diyos upang mamahala sa bayan Niya ay si Josue na kanang kamay ni Moises. Inutusan ng Diyos na magpakatatag at magpakatapang at sundin ang mga utos ni Moises upang magtagumpay.
Hindi ba't ganito rin ang pangyayari sa panahon natin? Nanumpa bilang pangalawang Tagapamahalang Pangkalahatan ang kapatid na Eduardo V. Manalo sa harapan mismo ng kapatid na Eraño G. Manalo at sa harap ng mga kapatid na nakasaksi.
At ng pinapagpahinga ang kapatid na Eraño ay ang kapatid na Eduardo ang inilagay ng Diyos na Mamahala sa atin.
Humahakot ng marami at malalaking mga pagtatagumpay ang Iglesia sa pangunguna ng kapatid na Eduardo.
Sapagkat ang karapatan niya ay hindi sa tao galing, kundi sa Diyos.
Kaya ang tunay na pag-alaala sa mga Namahala sa atin ay huwag masayang ang pagpapagal nila. Tularan natin sila sa paraang nanatiling Iglesia ni Cristo hanggang wakas. Lalong maging masunurin tayo, magpasakop sa Namamahalang inilagay ng Diyos.
Mga kapatid, kung papaanong minahal tayo ng kapatid na Eraño, mahal na mahal din tayo ng kapatid na Eduardo.
Mahalin din natin ang ating kasalukuyang Namamahala. Huwag mawasak ang pinagpagalan ng sugo ng Diyos sa mga huling araw, ng kapatid na Eraño G. Manalo at ang pinagpapagalan ng kapatid na Eduardo V. Manalo!
Upang magkasama-sama sa pangakong kaligtasan sa araw ng paghuhukom.
Mabuhay ang Iglesia ni Cristo!
(c) Kapatid na Marco Arnel Tumanan