25/07/2017
Kadarating mo lang galing sa trabaho. Akala mo, naligaw ka dahil ang nadatnan mong bahay na dating magulo at maraming kalat, ngayon, maayos at malinis. Ang tambak na hugasin sa lababo na laging naghihintay sa ‘yo, naglaho. Ang halaman, bagong dilig. At ang hapunan na dapat iluluto mo, ok na rin. Manghang-mangha ka at tuwang-tuwa.
Ano’ng unang lalabas sa bibig mo? Pasasalamat? Appreciation? O ganito…
“Aba, himala! Ano kayang nakain ng mga ito?!” O kaya, “Mmmm, merong nagpapakitang gilas, siguro me hihingin!” Pwede ring “Totoo ba ito o nilalagnat ka lang?” At ang pinakamatindi, ‘yung may akusasyon: “Siguro, me kasalanan ka no? Umamin ka!”
Lahat tayo, natutuwa at tumataba ang puso pag tumatanggap ng appreciation. Kaso, karamihan din sa atin, tila may kadamutan sa pagbibigay nito sa iba. Madalas, ang mabilis nating binibigay, ‘yung 4Ps. Hindi ito ‘yung 4Ps ng gobyerno ha. Ano’ng 4Ps ito? Pamimintas. Pagrereklamo. Panunumbat. Paninisi.
Sa halip magpasalamat sa magandang grade ng anak, “Eh ba’t 95 lang? Next time, dapat 98 o 99 ha!” ‘Yung kaklase mong pumasa sa board exam, sa halip i-appreciate ang effort niya, sabi mo, “Tsamba!” o kaya, “Iba nga naman pag siniswerte!” At ‘yung kaopisina mong may brilliant suggestion, ang hirit mo, “Eh di wow! Ikaw na ang magaling!”
Bakit mahalaga ang appreciation lalo na sa pagpapatibay ng relasyon?
Una, kapag naipapahayag mo ang pagkilala o pasasalamat sa isang positibong gawain o katangian ng isang tao, pareho kayong natutuwa at sumisigla.
Ikalawa, ang appreciation ay nagsisilbing inspirasyon para umangat ang dedikasyon. Para mas panindigan ang mabuting gawi. Para mas pagbutihin ang magandang ginagawa.
At ikatlo, ang sinserong pagpuna sa positibong ugali o trabaho ay tanda na kapwa kayo naniniwala sa maganda, mabuti at tama kaya lumalalim ang tiwala ninyo sa isa’t isa.
Pag sermon, paalala at banta ang laging bukambibig; o pag mabilis ang pagsilip sa mali pero mabagal ang pag-appreciate sa tama—madaling lumabnaw o umasim ang relasyon.
Sa halip, dagdagan mo ang pag-appreciate. Hindi kailangang mambola. Sapat nang ugaliin ang pagkilala sa anumang mabuti at maganda sa mga tao sa paligid mo.
Pag meron kang ganitong appreciative attitude, patuloy na tatalas ang pagkilatis mo sa anumang mabuti at dapat ipagpasalamat sa buhay. At kasabay ng pag-angat ng level of happiness mo, aangat din ang kalidad ng mga relasyon mo.