23/05/2026
Sa mundong ito ay walang katiyakan. Lahat ay pansamantala at mawawala. Subalit, ang paggawa sa kalooban ng Panginoon ang siyang tanging mananatili hanggang sa buhay na walang katapusan.
Ang pinaka-ugat sa pahayag ng Banal na Kasulatan sa ating talata ay dahil si Kristo ay muling nabuhay. Kaya, hinihimok ng Salita ng Diyos ang bawat anak Niya na maging matatag, huwag makilos, at laging managana sa gawain ng Panginoon sapagkat walang sayang na pagpapagal para sa Kanya na nabuhay namang muli.
Hindi sayang ang bawat luha, paghihinagpis, sakripisyo, pag-iisa, at pagpapagal na nararanasan natin habang ginagawa ang Kanyang kalooban. Alam Niya ang lahat ng ating pagpupursige upang tayo ay makapagpatuloy sa pananampalataya kahit sa gitna ng matinding pagsubok sa buhay.
Nakikita Niya ang pagmamahal na ating ipinapadama para sa Kanyang gawain, iglesya, at sa mga kaluluwa na tinutulungan natin na makakilala sa Kanya.
Kaya, patuloy lamang, mga kapatid! Dahil hindi sayang ang lahat ng ginagawa at tinitiis natin para sa Kanya.
Darating ang panahon, gagantimpalaan ng matuwid na Diyos ang ating mga ginagawa para sa Kanyang dakilang Pangalan.
Huwag sumuko, huwag tumalikod. Patuloy lang!
Pagnilayan mo nawa ang mensaheng ito. Ang pagpapala ng Panginoon ang aking dalangin para sa iyo. Magandang araw!
1 Mga Taga Corinto 15:58 (ADB)
Kaya nga, mga kapatid kong minamahal, kayo'y magsitatag, huwag makilos, na laging sumasagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.