16/05/2026
Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat (A)
Mga Gawa 1, 1-11
Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9
Habang umaakyat ang D’yos,
ang tambuli’y tumutunog.
Efeso 1, 17-23
Mateo 28, 16-20
Solemnity of the Ascension of the Lord (White)
World Communication’s Sunday
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 1, 1-11
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Mahal na Teofilo:
Isinalaysay ko sa aking unang aklat ang lahat ng ginawa at itinuro ni Hesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya’y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, tinagubilinan niya sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga apostol na kanyang hinirang. Pagkatapos ng kanyang pagbabata, maraming ulit siyang napakita sa kanila. Sa gayon, napatunayang siya’y buhay. Napakita sya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagturo tungkol sa paghahari ng Diyos. At samantalang siya’y kasama-sama pa nila, kanyang tinagubilinan sila: “Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Nagbinyag nga sa tubig si Juan, ngunit di na magtatagal at bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.”
Kaya’t nang magkasama-sama si Hesus at ang mga alagad, nagtanong ang mga ito, “Panginoon, itatatag na ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Sumagot siya, “Ang mga panahon at sandali ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Ngunit bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.” Pagkasabi nito, siya’y iniakyat sa langit samantalang nakatingin sila sa kanya; at natakpan siya ng ulap.
Habang sila’y nakatitig sa langit, dalawang lalaking nakaputi ang biglang tumayo sa tabi nila. “Mga taga-Galilea,” sabi nila, “Bakit kayo narito’t nakatingala sa langit? Itong si Hesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya.”
Ang Salita ng Diyos.