13/05/2021
IKAWALONG ARAW NG PAGSISIYAM
Mayo 13, 2021
PAGSISIYAM SA MAHAL NA PATRON SAN ISIDRO LABRADOR
Pintakasi ng mga Magsasaka at Patron ng Barangay Batongdalig
PAMBUNGAD NA AWIT
Awit Dalangin kay San Isidro Labrador
Likha ni: Bro. Teodoro Ricafrente Soriano
O Poong San Isidro na aming pintakasi
Pakikinig sa Misa ay ugli tuwina
Ebanghelyo ay dinggin at Ostiya ay tanggapin
Iyong ikinasiya sa banal na Misa
Hanapbuhay ay gawain ay itambal sa dalangin
At pagsamba sa Ama, Diyos na mahabagin.
Tulad mo, Oh San Isidro, makatahak nawa kami
Sa landas ni Jesukristo, ating ama.
Siya Nawa.
PANIMULA
Ang tanda ng Santa Krus, iyadya mo po kami sa mga kaaway namin, Panginoon Naming Diyos, sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Diyos Espiritu Santo, Amen.
PAGSISISI
Maawain kong Hesus, kataas-taasang Diyos Anak, na nagpakababang nanaog sa lupa at tinubos nang mahal mong dugo kaming nabawian ng biyaya't inalipin ng dimonyo dahilan sa kasalanang minana sa aming mga magulang. Sa kaibuturan ng aming mga dibdib, ay inihihiyaw namin nang boong pagtitika sa mahal mong harapan ang aming pagwawalang halaga sa itong kabutihan, ang masamang pagganti sa iyong awa at pagsuway sa iyong mga utos. Ngayong nagsisisi na kami ng kasalanan, nagmamaka-awa sa iyong habag na kami'y iyong patawarin, alang-alang sa karapatan nang iyong Inang kalinislinisan at ng lingkod mong si San Isidro. Ilingap sa amin ang mga mata mong maawain at pagkalooban kami ng iyong mahal na biyaya, na maawat kami sa kasalanang pinagkakahiratihan at ng huwag mawalay sa iyo magpakailanman.
Ipinahahayag namin na ipinagpipighating masakit ng aming puso ang pagkakasala sa kabutihan mong walang hanggan. Patibayin mo katamis-tamisang Hesus, ang aming karupukan, at huwag itakwil ang aming dalangin hinihingi sa iyo ng biyayang ikalalagi namin sa pag-ibig at paglilingkod sa iyo hanggang sa kami ay papagindapatin mong pagpalain sa kaluwalhatian doon sa Langit. Siya nawa.
PANALANGIN SA ARAW-ARAW
Makapangyarihang Diyos, Amang kataastaasan, na sa dakilang pagsinta sa amin, ay binigyan mo kami ng isang uliran at mapag-ampong Pintakasing si Isidrong Magsasaka, sa pinagkalooban mo ng mahal na biyaya na gaya ni Moises ng kapangyarihan na kahit sa lupang kapatagan ay nakapagpapabukal ng tubig sa pagtumbok lamang ng kanyang tungkod at binigyan mo namam ng malaking kasipagan na di ang lupa lamang ang pinagsumakitan niyang paganihan, kundi pati kaluluwa'y pinagpilitan ding paganihan ng magagandang gawa. Hinihingi namin sa iyo, maawaing Diyos, na alang-alang sa karapatan ng mapaghimalang Santo, ay pagkalooban mo kami ng makapangyarihang tulong, na ikawawala ng katamaran namin sa paggawa ng kabanalan at halinhan mo ng magandang kasipagan ukol sa magaling at ang pagtulad sa kanya ay masundan namin ng biyayang inagaw sa aming kasalanan. Umaasa kami Panginoong sa awa mong walang hanggan. Siya nawa.
DALIT
Dukha ka mang sinasambit lubos ang iyong pag-ibig.
Isidro'y iyong hibik kaming ampon mo't tangkilik
Madla mong kababalaghan nagbabantog, nagsasaysay na ikaw'y pinagyaman nang Diyos na kabanalan
Palibhasa'y sa pag-ibig nagniningas ang iyong dibdib.
Isidro'y iyong hibik kaming ampon mo't tangkilik
Ang pag-ibig ay matibay nang puso mo sa maykapal, kaya hindi naagaw nang mundo't madlabg kaaway.
Inilalayan ng Langit, kaya naman di nagahis.
Isidro'y iyong hibik kaming ampon mo't tangkilik
Uliran nang mag-asawa ikaw at si Santa Maria, na iyong kasi at sinta sa mabuting pagsasama .
Kaya nga't inyong dibdib pinag-isa ng pag-ibig.
Isidro'y iyong hibik kaming ampon mo't tangkilik
Kailan ma'y di nalanta ang iyong pagsampalataya, gayon din sa Santa Misa pag-ibig mo'y di nagbawa.
Kaya't ang ani mo sa bukidpinakayaman ng Langit.
Isidro'y iyong hibik kaming ampon mo't tangkilik
Magsasakang dukha ka man, tinunton mo'y kabanalan, at hindi mo sininsayan hanggang sa ikaw'y mamatay.
Mundo'y natalo't nagahis ng iyong bayaning dibdib.
Isidro'y iyong hibik kaming ampon mo't tangkilik
Ikaw ay pinaratangan na di anhi'y nagnanakaw, nguni't ipinagtangkakal ikaw ng Poing Maykapal.
Di itinulot ng langit na ang puri mo'y maamis.
Isidro'y iyong hibik kaming ampon mo't tangkilik
Sa tao't libo'y laganap ang awa mong walang likat, kaya ampunan ang tawag sa iyo nang mahihirap.
Sapagka't di ka nagkait sa abang sa iyo'y lumapit.
Isidro'y iyong hibik kaming ampon mo't tangkilik
Bata't matandang may damdam na sakit, kung nagsasakdal sa iyo'y nasusundan ang madlang kababalaghan.
Hindi mo pinaaalis, hanggang di maligtas sa sakit.
Isidro'y iyong hibik kaming ampon mo't tangkilik
Iting nobenang hayin nang pamimintakasi namin, iyong papagindapating pakinggan at tanggapin.
Tingni't hayin nang pag-ibig at sa iyo'y pananalig.
Isidro'y iyong hibik kaming ampon mo't tangkilik
Dukha ka mang masasambit lubos ang iyong pag-ibig.
Isidro'y iyong hibik kaming ampon mo't tangkilik
IKA-WALONG ARAW
Sa mapalad na pintakasi naming San Isidro! Sa pananalig namin sa iyong kapangyarihan na kinakasihan ng Diyos ang iyong pananalangin, palibhasa'y banal ka at maawain, ay dumadaing kami sa iyong harapan, na bagama't isang abang magsasaka, ay pinakamamahal ka naman ng Diyos na pinagkalooban ng mga biyaya: kaya ulit ulit ang ang aming pagpapasalamat at ikaw ay ginawang lingkod na hirang ng Diyos, na pinakarangal kang pinagkalooban ng kapangyarihan sa paggawa ng kababalaghan, at ikinararangal din naman ng Diyos ang pagpapala sa mga pagtawag ng namimintakasi sa iyo, kaya hinihingi namin na pakundangan sa Diyos ay kami'y dinggin mo, sakloloha't bigyang tuwa, kapagkarinig mo ng aming daing. Gayon ang aming pag-asa at sampo ng awang hinihingi namin bukof ay pakamtan sa amin, kung naaayon sa kalooban ng Diyos. Siya nawa.
Magdasal ng 3 Ama Namin, 3 Aba Ginoong Maria at 3 Gloria Patri, na ihandog sa kabanalan ni San Isidro Labrador
ANTIPONA
Lumabas at nagsabog nang binhi ang manananim. Ang butil na pagtamnan sa mabuting lupa ay pinag-anihan ng boong pananagana.
V. Ipinatnugot nang mahal na Panginoon ang banal sa matuwid na landas.
R. At ipakita sa kanya ang kaharian ng Diyos na mataas.
PANALANGIN
Isinasamo namin sa iyo, maawaing Diyos na Panginoon namin, na alang-alang sa pamimintakasi sa iyo ni San Isidrong Magsasaka, ay huwag mong itulot kami sa kapalaluan; kundi alang-alang sa mga karapatan at magagandang halimbawang iniwan niya sa amin ay makapag lingkod sa iyo ng lubos na kapakumbabaan. Alang alang sa kamahal-mahalan mong Anak na si Hesukristong Panginoon namin, na nabubuhay at nakikipaghari sa iyo magparating man saan. Siya nawa.
PANALANGIN KAY SAN ISIDRO LABRADOR
O San Isidro Labrador, patron ng aming sambayanan, ugali mong simulan ang bawat araw na kaloob ng Diyos sa pakiki-isa sa Banal na Misa. Ikinatuwa mong makinig sa Salita ng Diyos at tanggapin ang Katawan ni Kristo. Malalim ang iyong paniniwala na dapat itambal ang gawain at paghahanap-buhay sa panalangin at pagsamba sa Diyos. Hinihiling namin kami'y ipagkamit mo ng biyayang ito... (Banggitin ang mga kahilingan) Nais naming makatahak kami, tulad mo, sa landas ni Jesu-Kristo na tapat mong pinaglilingkuran sa araw-araw ng iyong buhay. Purihin nawa, ang Diyos sa piling ng kanyang mga banal. Amen.
Mahal na Patrong San Isidro Labrador, Ipanalangin mo kami!
Imprimatur:
H.E. Luis Antonio G. Cardinal Tagle, DD, STD
PANGWAKAS NA AWIT
O Poong San Isidro
Likha ni: +Sis. Estelita Ricafrente Familar
O Poong San Isidro, na aming sinisinta.
Dakilang pintakasi ng mga magsasaka.
Loob mo ay mababa, malinis ang konsensiya.
Kahit kana hamakin, ay ‘di mo alintana.
Koro I
Dakilang Patron namin, kami’y subaybayan.
Ang aming munting nayon, ay huwag pabayaan.
Kaming mga anak mo’y nasa iyong harapan.
Kami’y dumadalangin, sana’y iyong pakinggan.
Sana’y iyong marapatin, itong aming iniaalay.
Kamiy pagkalooban, magandang kapalaran.
Koro II
Sa paglakad po namin, kami’y bendisyunan
‘Di ka namin malilimot, habang kami’y nabubuhay.
WAKAS