06/03/2026
Biblia_aral TV 📺
Marso 7, 2026
Sabado sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Sancta Perpetua at Sancta Felicitas, Martir
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Lucas 15, 18
Babalik ako sa ama,
at aamunin ko siya,
sasabihin ko sa kanya:
“Ako po ay nagkasala
sa D’yos at sa ‘yong pagsinta.”
MABUTING BALITA
Lucas 15, 1-3. 11-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Hesus. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila: “Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito:
“Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at doo’y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at nagdalita siya. Kaya’t namasukan siya sa isang mamamayan ng lupaing yaon. Siya’y pinapunta nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya. Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, ‘Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain – at lumalabis pa – samantalang ako’y namamatay ng gutom dito! Babalik ako sa kanya, at sasabihin ko, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”, At tumindig siya at pumaroon sa kanyang ama.
“Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinagkan. Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak.’ Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Madali! Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang pinatabang guya at patayain; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay na ang anak kong ito; ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’ At sila’y nagsaya.
“Nasa bukid noon ang anak na panganay. Umuwi siya, at nang malapit na sa bahay ay narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong: ‘Bakit? May ano sa atin?’ ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ tugon ng alila. ‘Ipinapatay ng inyong ama ang pinatabang guya, sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit.’ Nagalit ang panganay at ayaw itong pumasok sa bahay. Kaya’t lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya. Ngunit sinabi nito, ‘Pinaglingkuran ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma’y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa’y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!’ Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng ari-arian ko’y sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PAGNINILAY:
Isinalaysay ni Hesus ang TALINGHAGANG ito bilang tugon sa pagtuligsa ng mga Pariseo sa Kanyang pagtanggap sa mga makasalanan. Madaling makita ang mga pagkakamali at kasalanan ng iba habang hindi natin nakikilala ang ating pagkukunwari. Sapagkat ang ating likas na pagka-makasalanan ay nagrerebelde laban sa anumang ideya ng sakripisyo at kabanalan. Sinimulan ng nakababatang anak ang pag-uugali ng kayabangan sa paghingi sa kanyang ama ng kanyang bahagi sa mana. Matapos matanggap ito, inakala niyang makapagpapahinga at masisiyahan sa kanyang kayamanan. Ito ang paraan ng mundo na dinadaya tayo ng kanyang kaligayahan. Tanggapin natin na ang lahat ay lumilipas, maliban sa AWA ng DIYOS. Kailangan nating tanggapin na tayo ay mga makasalanan, at ang kailangan natin ay ang Kanyang YAKAP NG PAGMAMAHAL at muling ibalik tayo sa Kanyang kawan. Sundin natin ang halimbawa ng bunsong anak na nagsasabi sa ama, "AMA, nagkasala ako sa Iyo, PATAWARIN Mo ako."
GAWAIN: Panahon Ng pagbabalik loob, lumapit sa Sakramento Ng pakipagkasundo at igagawad Sayo Ang habang at Dakilang AWA Ng DIYOS.
PANALANGIN:
Panginoong Hesus, nais kitang pasalamatan sa pagkakataong ito na makatagpo Ka at makasama Ka. Nawa'y huwag kong aksayahin ang mga bagay na Iyong ibinigay. Sa halip, gamitin ito nang matalino para sa Iyong kaluwalhatian. Panatilihin Mo akong malapit sa Iyo, sa hirap at ginhawa, hanggang sa tayo'y magyakap at ipagdiwang ang ating pagkakaisa sa langit.
Amen
AMEN Catholic Charismatic Ministry Philippine Chapter AMEN Catholic Charismatic Ministry Philippine Chapter #