11/08/2026
Sa Ikaanim na Araw ng ating paghahanda sa Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birhen, inaanyayahan tayong pagnilayan kung saan tunay na nakaugat ang ating buhay. Sa gitna ng ating mga hangarin at mga planong nais nating matupad, marunong ba tayong magbigay-daan sa kalooban ng Diyos? Handa ba nating ipagkatiwala sa Kaniya maging ang mga bagay na hindi natin lubos na nauunawaan?
Ang laman ng puso ni Maria ay puspos ng kalooban ng Diyos. Magmula nang dumating ang Anghel Gabriel upang ipahayag sa kaniya ang mabuting balita na siya ay maglilihi at magsisilang sa Anak ng Diyos, walang pag-aalinlangan niyang itinugon: โMangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.โ Ipinapakita nito na buong puso niyang isinuko ang kaniyang buhay sa layunin ng Diyos. Hindi niya nagawang kuwestiyonin ang plano ng Maykapal, ni hindi siya nagreklamo sa bigat ng misyong ipinagkatiwala sa kaniya. Bagkus, ang ipinamalas niya ay pusong handang magparaya at yumakap sa kalooban ng Diyos.
Nawaโy ganito rin ang ating matutuhan kay Maria. Kung tunay na ang Diyos ang ating pinahahalagahan, matututuhan nating hindi laging panghawakan ang sarili nating mga kalooban. Matututo rin tayong ipaubaya ang mga ito sa Kaniya. Sa gayon, tulad ni Maria, maipamamalas natin na ang Diyos ang ating sinusundan at ang Kaniyang kalooban ang ating buong pusong tinatalima. Dito, higit nating mauunawaan na ang buhay na tunay na nakaugat sa Diyos ay ang pusong marunong magpaubaya at magpasakop sa Kaniyang kalooban.