21/09/2023
Ang Gintong Panuntunan
(The Golden Rule)
"Gawin mo sa iba ang gusto mong gawin nila sa iyo". -Lucas 6:31
Sa madaling salita, tratuhin mo ang lahat ng tao katulad ng gusto mong pagtrato nila sa iyo. Higit pa riyan, tratuhin mo ang lahat gaya ng pagtrato sa iyo ng Diyos. Kung nais mong tratuhin ng mabuti, tratuhin ang iba ng mabuti at pakitunguhan ng mabuti dahil sa biyayang ibinigay sa iyo ng Diyos.
Ano man ang iyong nararamdaman sa isang sitwasyon, sikapin mong unawain ang kalagayan ng ibang taong nahaharap din sa ganoong sitwasyon. Kadalasan ay di kayo magkapareho ng pananaw at pang-unawa sa mga bagay-bagay dahil magkaiba ang inyong kalagayan, kinasanayan, damdamin at paraan ng pag-iisip. Habaan mo ang iyong pasensya. Huwag daanin sa galit, bugso ng damdamin o pag-a-alburuto.
Marahil ay iniisip mo na bakit kung minsan ay mabait ka—napakabait— subalit bilang kapalit ay nakakakuha ka pa ng paghamak mula sa ilang tao. Minsan gumagawa ka na nga ng mabuti, subalit masama ang ibinabalik sa iyo, maganda ang iyong hangarin ngunit pinagdududahan pa ang motibo mo.
Sa kasamaang palad, ito ang talaga ang kadalasang nagaganap sa mundong ito. Hindi palaging tatratuhin ka ng mga tao sa paraang gusto at inaasahan mo. Ngunit hindi iyon nangangahulugan na maaari mong ihinto ang paggawa ng tama at mabuti. Huwag hayaang ang isang taong may masamang pag-uugali ay hilahin ka sa kanilang baluktot na katuwiran at kalupitan. Sikaping gawin palagi ang tama, matuwid, at mabuti, at ang Diyos ang magbabalik sa iyo ng ganting pagpapala (gantimpala).
Ang isang kamalian ay hindi maitatama ng isa pang kamalian. Ang isang kasinungalingan ay hindi maikukubli o mababago ng isa pang kasinungalingan. At kailanman, ang galit sa kapwa ay walang mabuting kahahantungan. Ang paghihiganti ay nasa kamay ng Diyos, hindi sa atin. Kaya magtiwala sa katarungan ng Diyos.
Palaging tatandaan: Kung ano ang itinanim (masama man o mabuti) ay siya ring aanihin.